Gemini Chapter 2

437 14 8
                                    

Bulag sa paniniwalang tapos na ang buhay niya bago pa man siya mamatay, lumipat siya sa isang maliit na probinsya. Sa pagdating ng oras niya, gusto niyang lumisan mula sa isang lugar na wala ni isa man ang may pakialam. Masyado ng mahirap ang buhay, hindi na kailangang pahirapin pa. Para kay Kevin, ang pag-iisa ay mas mainam kaysa paghahanap ng pag-asa, na hindi naman din matatagpuan.

Subalit, sadya nga yatang magulo ang tadhana. Habang pinipilit niyang sanayin ang sarili sa sakit at hirap ng pag-iisa, isang hindi matinag na pangarap pa rin niya ang makapagturo ng mga nalalaman niya. Matalino si Kevin at alam niyang marami siyang kaalaman na magiging kapaki-pakinabang sa iba; at gusto niyang ipamahagi iyon. Dahil sa huli, buhay niya lang naman ang magtatapos; ang sa iba ay magpapatuloy.

“Kung kaya ko lang,” naisip niya.

Kaya naman isang malaking surpresa nang dalhin siya ng tadhana sa isang lugar na hindi ganoon kaedukado ang mga tao. May mga eskwelahan at institusyon subalit kulang ang mga kagamitan at kakayanan ng mga guro na maibigay sa mga bata ang klase ng edukasyon na naibibigay sa mga taga-siyudad. Kahit nasa bingit ng kamatayan, hindi maiwasan ni Kevin na maawa.

“Siguro may pag-asa pa para sa lugar na 'to.”

***

Sa pananatili niya sa lugar na iyon, natupad ang kagustuhan ni Kevin. Wala ngang ibang taong nakikialam sa kanya. Oo, titingnan siya sandali at uusisain ng mga mata; pero yun ay dahil bago siya. Walang nagtatangkang lumapit o makipagkilala – dahil hindi niya pinahihintulutan. Sa kanyang paggalaw, sa kanyang mga tingin, ipinapaalam niya sa lahat na hindi siya tumatanggap ng pagkakaibigan.

Hindi rin siya ngumingiti. Dahil para sa kanya, ang pagngiti ay isang simbolo ng pag-asa; at wala siyang panahon para doon.

Lumipas ang mga araw, lumala ang sakit ni Kevin. Gigising siya sa isang kakaibang sakit sa kanyang tiyan at hindi makakatulog dahil sa parehong dahilan. Sa tuwing mangyayari iyon, mamamaluktot na laman siya sa isang sulok ng kwartong kanyang tinutuluyan at pipigilan ang sakit sa pamamagitan ng pagkagat ng kanyang labi hanggang dumugo niya ito, upang hindi siya sumigaw, upang mailipat ang sakit sa ibang lugar.

Subalit sa mga pagkakataong kaya naman niyang tiisin, lalabas siya ng kanyang bahay at maglalakad sa mahaba, madilim at malamig na tabing-dagat.

***

Isang gabing pinipilit niyang kalimutan ang sakit, dinala si Kevin ng kanyang mga paa sa isang lugar na hindi niya pa nararating. Oo at hindi nga ganoon kaunlad ang lugar na pinaglalagian niya, ngunit mas tahimik at mas simple ang bagong lugar na narating niya. Walang masyadong tao, walang masyadong sibilisasyon, walang masyadong kulay..

Pero paano niya itatanggi ang katotohanang ito na yata ang pinakamagandang lugar na nakita niya…

…dahil narito ang isang planetarium.

Nang maayos pa ang kalagayan ni Kevin, hilig na niya ang mag-aral tungkol sa mga bituin. Ang totoo, ito ang kursong kinuha niya sa kolehiyo. Ang pagmamahal niya sa magagandang nilikhang ito ay kasing laki ng pagmamahal niya sa buhay noon. Ang mga bituin ang palagiang nagpapaalala sa kanya na may mga bagay na malinaw at maganda ang nagtatago sa likod ng mga hindi nalalaman. Ang maringal nilang pagningning sa kalangitan ang nagtulak kay Kevin para maniwala na kahit paano, may mga maliliit na bagay na kayang gumawa ng malaking pagbabago.

Marahil nga’t nawala na ang kanyang pag-asang mabuhay. Pero nang masilayan niya ang gusaling iyon, may kung anong kalabit sa kanyang puso para maibalik siya sa isang paniniwalang akala niya’y matagal na niyang kinalimutan.

Mabuti na lang at kahit man lang ang pagmamahal niya sa mga bituin, hindi siya nilisan.

GeminiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon