Gemini Chapter 1

2.2K 36 22
                                    

Kung may isang bagay sa mundo na hinding hindi gagawin ni Kevin, ito ay ang umasa. Mula nang mamatay ang kanyang mga magulang sa isang aksidente noong 8 taon lamang siya, pinaniwala na niya ang kanyang sarili na wala ng plano ang mundo para sa kanya. Walang kamag-anak na tumanggap sa kanya, sa paniniwalang siya ang malas sa pamilya. Kaya kahit tinanggap siya sa isang ampunan at napag-aral hanggang sekondarya, hindi na niya sinubukan pa na hanapin kung anong dahilan ng buhay niya.

Kaya naman isang malaking pagsubok nang kinailangan niya ng iwan ang ampunan. Hindi niya gusting umalis, ngunit kailangan. Hindi ganoon kaunlad ang institusyon na nagpalaki sa kanya kaya hindi napagbigyan ang kanyang mga pakiusap. Kaya naman kahit hindi sigurado, lumabas siya sa mundo at nakipagsapalaran.

Sa isang taong katulad niya na nawalan na ng pag-asa, hindi naging madali. Subalit hindi ganon katigas ang puso ni Kevin para hindi maintindihan na kailangan niyang magbago. Sa tatlong trabahong pinapasok niya kada linggo, nagawa niyang makaipon para makapag-aral ng kolehiyo. Nangupahan siya sa isang maliit na kwarto malapit sa eskwelahan at kanyang mga trabaho.

Dahil dito, nabigyan niya ang pagkakataon ang sarili na makita ang mga hindi niya tiningnan. Nakita niya ang mga magagandang bagay sa mundo na hindi niya dati pinapansin. Natuto siyang maging tao. Natuto siyang mabuhay. Natuto siyang maging masaya.

At higit sa lahat, natuto siyang umasa.

Ngunit sadya nga yatang mapaglaro ang kapalaran. Sinong mag-aakala na kung kalian sinisimulan ni Kevin na tanggapin ang mundo, saka naman siya biglang itatakwil nito? Isang balita ang dumating sa kanya ng hindi inaasahan; at sa isang iglap, naglaho ang ‘Kevin’ na pinipilit niyang buuin. Naging malabo ang bukas. Naglaho ang mga pangarap. Hindi niya inaasahan.

Isang malubhang karamdaman.

Stage 4 Cancer sa atay ang natuklasan sa kanya. Kung hindi pa nalaglag sa hagdan ng eskwelahan dahil sa matinding sakit sa tiyan, hindi niya maiisip na may sakit siya – at ganoon ito kaseryoso. May malaking problema pala sa likod ng paninilaw ng kanyang balat, pagbawas ng kanyang timbang, at pagiging masakitin niya.

“Saan mo kaya ito nakuha?” Tanong sa kanya ng kasama niya sa kwarto na hindi niya talaga matandaan ang pangalan dahil palagi namang wala.

Hindi sumagot si Kevin dahil wala rin namang kahihinatnan kung sasabihin niya ang totoo. Pero ano nga ba ang totoo?

Nakakatawa. Hindi niya rin kasi alam. Namamana o nakuha lang sa pagkain niya ng kung ano-ano para makatipid? Wala siyang ideya.

Basta ang alam niya lang, hindi na siya magpapagamot.

Wala ng pag-asa.

Isang gabi matapos niyang malaman ang tunay niyang kalagayan, gumising si Kevin na umiiyak. Paulit-ulit niyang tinatanong ang sarili at ang Diyos kung bakit siya pa. Ang makulay na mundo na pinipilit niya iguhit at unti-unting nawawalan ng kahulugan.

At sa isang iglap, itinapon niya lahat.

Huminto siya ng pag-aaral. Iniwan ang siyudad. Ilang buwan nalang daw ang itatagal niya sa mundo at ayaw niyang mandamay ng iba sa hirap. Wala rin namang mag-aalaga, sakaling lumala ang kalagayan niya. Muli, at higit sa kahit sa anong oras pa, kailangan niyang matutong mag-isa.

At sa pagkakataong iyon, alam niyang wala ng atrasan pa.

“Ayoko na.”

GeminiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon