Lumipas na ang unos at dumaong na ang kapayapaan sa maliit na kabayanan. Ang mga bagay-bagay ay naiayos na habang ang planetaryo ay unti-unting nakikilala sa bansa. Naging isang mabuting bagay ang pakikipaglaban para sa institusyong ito, dahil nakakatulong na ito para makilala rin ang bayang iyon.
Ngunit kasabay ng pag-unlad ng lugar ay ang paghina ng kalusugan ni Kevin. Matapos masigurado na hindi na gigibain ang planetaryo, nagpatuloy siya sa kanyang pagpapagamot kasama si Ricky. Ngunit hindi naging mabait ang kapalaran sa kaniya. Ipinagtapat sa kanya ng doktor na hindi na makakaya pang pagalingin ng kahit pinakabagong teknolohiya sa bansa ang kanyang sakit.
Ito siguro ang sagot Niya, wika ni Kevin sa sarili isang araw habang tinitingnan ang mga listahan ng gamot na maaaring magdugtong na lamang ng buhay niya.
Wala siyang sinisisi, at hindi niya kinukwestyon ang desisyon ng Diyos. Hindi niya kayang gawin iyon. Siya ang sumayang sa kanyang buhay, pero hindi niya na kailangan pang manghinayang dahil siya mismo ang nagdesisyong sumuko na. May nagawa na rin naman siya sa mundo, ayos na iyon.
Gayunpaman, pinilit ni Kevin na mabuhay ng normal. Patuloy siyang pumupunta sa planetaryo sakay ng isang wheelchair, na itinutulak ng pinakamatalik niyang kaibigan.
Si Ricky.
Ang biglaang pagbabago sa personalidad ni Ricky ang isang bagay na ipinag-aalala ni Kevin. Hindi man aminin, alam niyang binabagabag ito ng katotohanang malapit na siyang mawala sa mundo. Unti-unti, nag-iiba ito.
“Ricky,” bulong ni Kevin habang nakaupo sila sa balkonahe ng planetaryo, kaharap ang malawak na karagatan. Sumapit na ang gabi ngunit ang ligalig ng dilim ay pinapaimbabawan ng ganda ng mga bituing animo’y isinaboy na mga dyamante sa kalangitan.
Nagitla ang nakababatang lalake sa malumanay na tunog ng kanyang pangalan. May ngiting pinilit iguhit sa kanyang mga labi, humarap siya kay Kevin. “Ano yon?”
“Tingnan mo 'yon…”
Dahan-dahang itinaas ni Kevin ang kanyang kamay at itinuro ang iba’t ibang grupo ng mga bituin sa langit. Ipinakita niya kay Ricky ang Big Dipper, Orion, Canis Manor, ang unikornyo, at marami pang ibang mga konstelasyon na madalas nilang pag-aralan sa loob ng planetaryo.
Pagkatapos, ipinahinga ni Kevin ang kanyang hintuturo sa isang grupo ng bituin na kung titingnan ay tila mga kambal na tumatakbo habang magkahawak ang kanilang mga kamay.
“At ito, ito ang Gemini,”sambit niya.
Naguguluhan, tumango lamang si Ricky. Higit sa kagustuhan niyang makita ang mga bituin ay ang sakit na nararamdaman niya sa bawat salita ng kanyang kuya. Halos wala ng marinig. Halos wala ng masabi. Namamayani ang sakit na tila siya lamang ang nakadarama. Nakakapanlumo. Nakakapanlamig.
Pero ang lahat ay napawi sa isang iglap.
Idinampi ni Kevin ang kanyang mahina’t nanginginig na palad sa pisngi ni Ricky at pinilit itong humarap sa kanya. Kahit sa gitna ng kadiliman ng tahimik na gabing iyon, pinagtugma pa rin niya ang kanilang mga tingin at umasang mararamdaman ng kanyang matalik na kaibigan ang lahat ng lakas na nais niyang maramdaman nito.
“Bakit ka natatakot?”
Isang tanong ang namutawi sa mga labi ni Kevin na siyang nagpatigil ng oras para kay Ricky. Naipinta sa kanyang mga mata ang emosyong hindi niya gustong ipakita sa kanyang kuya.
Pinilit niyang tumawa upang itago ang sakit na nararamdaman. “Hindi ako takot,” wika niya.
Subalit ang kanyang mga galaw ay iba ang sinasabi. Hinawakan niya ang kamay na nananatili sa kanyang pisngi at idiniin pa ito doon. Ang huling bagay na gusto niyang mangyari ay ang mawala ang init na nagbibigay-lakas sa kanya. “Hindi ako natatakot,” bulong niya habang pinipilit na huwag tumulo ang mga luha.