Gemini Chapter 6

203 8 2
                                    

Sa nakalipas na gabi, ginawa niya ang isang bagay na hindi niya ginawa kailanman – ang magdasal. Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng takot para sa buhay niya. Dahil kay Ricky, naramdaman niya ang kagustuhang mabuhay ng mas matagal pa, at alam niyang kung mayroong makakapagbigay sa kanya ng pagkakataon, ang Panginoon lang iyon.

At sana, makinig Siya. Sana hindi pa huli ang lahat.

Gumising si Kevin sa isang maaliwalas na umaga. Agad siyang naghanda para pumunta sa ospital. Oo, napagpasyahan na niyang magpagamot at tumanggap ng tulong mula sa mga taong gusto siyang makitang maging maayos.

“Kuya, tara na,”aya ni Ricky na maaga pa lang ay naroon na para sunduin ang nakatatandang kaibigan.

Isang ngiti ang isinagot ni Kevin kasabay ng pagsasara niya ng pintuan ng kanyang bahay. Ngunit hindi pa man sila nakakalayo, isang humahangos na batang lalake ang naghatid ng balitang gumitla sa payapang mundo ng dalawa.

“Bubuwagin ang planetaryo ngayong buwan dahil naibenta na ng gobyerno 'yung lupa sa isang pribadong kumpanya. Mukhang magtatayo ng mga gusali sa lugar.”

Walang halong pagdadalawang-isip, tumakbo si Kevin papuntang munisipyo. Hindi ito ganoon kalayo sa kanila kung kaya’t madali siyang nakarating. Kasama si Ricky at ang kanilang mga pangarap na nagbabadyang masira, hinarap nila ang gulat na opisyal ng bayan at nagmakaawa na huwag idamay sa demolisyon ang planetaryo.

Pero hindi naging mabait ang kapalaran. Hindi pumayag ang gobernador dahil ayon sa kanya, tapos na ang kasunduan at pirmado na ang kontrata. Wala ng magagawa pa.

Subalit buo ang loob ng dalawang magkaibigan. Araw at gabi, nag-iisip sila ng iba’t ibang paraan para makumbinsi ang mga may kapangyarihan. Araw at gabi, iniisip nila kung paano nila maisasalba ang isang institusyong nagsisilbing malaking dahilan ng pakikipaglaban nila para sa kanilang mga buhay.

Hindi naging biro ang proseso. Lumipas ang araw at mga linggo bago nakaisip ng magandang kompromiso sina Kevin at Ricky. Suportado ng taumbayan, iminungkahi nila na ipagpatuloy lamang ang pagtatayo ng mga gusali subalit hindi dapat galawin ang planetaryo. Bilang kapalit, gagawin nila ang lahat upang makilala ito sa buong probinsya at magsilbing isang atraksyon para sa mga turista.

Sa isang pagpupulong, ipinaliwanag ni Kevin na ang institusyong ito ay bahagi ng kultura ng bayang iyon. Maaari itong maging daan upang umunlad ang lugar nila. Walang masyadong planetaryo sa bansa kung kaya’t magiging isang malaking bagay para sa nais mag-aral ng astronomiya ang lugar na iyon.

Habang nakikipag-usap ang nakatatanda sa mga opisyales, si Ricky naman ay abala sa pangongolekta ng mga pirma at suporta mula sa mga tao. Kailangan nilang mapatunayan na hindi pabor ang mga kababayan nila sa demolisyon. Alam nilang kapag sinuportahan sila ng tao, malaki ang pag-asang  pakinggan sila ng gobyerno.

At ganoon nga ang nangyari. Matapos ang halos isang buwang usapan at pakikipagkasundo, nagawa nila – kasama ang mga taong sumuporta – ang akala nila’y imposible.

Ang pagkakaisa ng lahat ay nagdulot ng positibong resulta. Ang gobyerno, pati na rin ang pribadong korporasyon, ay pumayag sa kasunduan matapos maintindihan ang nais iparating nina Kevin at Ricky. Pinansin rin nila ang hiling ng mga tao.

Naging maayos ang lahat.

Oo, itatayo pa rin ang mga gusali. Pero katulad ng napag-usapan, hindi na gigibain ang planetaryo. Subalit may kaunting pagbabago. Papangalanan na ito.

PARK-WU ASTRONOMICAL OBSERVATORY 

GeminiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon