Nagdulot ng lamat sa matigas na puso ni Kevin ang mga nangyari; at sa bawat araw na lumilipas, nilulusaw ng mainit na pagtanggap ni Ricky at ng mga tao sa bayan ang akala niya’y hindi matitinag na pader na kanyang itinayo. Hindi madaling paniwalaan, pero alam niyang nangyayari na ang hindi inaasahan.
Unti-unting nabubuksan ang kanyang mundo, at isa-isang pinapatuloy ang ibang tao.
Katulad ng nakasanayan, araw-araw pa ring nagtutungo si Kevin sa planetaryo matapos siyang makalabas sa ospital. Araw-araw rin niyang ipinapakilala sa matatanda at bata ang misteryosong ganda ng kalawakan. Normal ang ganoon sa kanya, normal sana talaga – kung hindi lamang sa katotohanang kasama na niya si Ricky sa gawaing iyon.
Oo, magkasama na silang nag-aalaga sa institusyon. Habang si Kevin ang humaharap sa mga tao para magturo ng tungkol sa mga bituin, ang nakababatang lalake naman ang bahala sa mga teknikal na aspeto.
Sa mga oras na walang taong dumadating sa planetary, pupunta sila sa tabing-dagat upang manuod ng paglubog ng araw o manuod sa mga nagliliparang tagak. Minsan, sumasakay sila sa mga naglalayag na badeo upang marating ang isang karatig na isla. Sa gabi, madalas silang nagbubukas ng mga lusis at naglalakad-lakad sa kabayanan habang naghahanap ng bagong makakainan.
Hindi mawari ni Kevin kung anong dahilan ng mga pagbabago, pero alam niyang malaking parte nito ay dahil iba rin si Ricky. Habang nasa ospital siya, nalaman niya ang isang matinding koneksyon sa pagitan nilang dalawa. Hindi lang ipinapahalata pero pareho sila ng karamdaman. Yun nga lang, maagang nadiskubre ang sakit ni Ricky at ginagawa ng kanyang mga magulang ang lahat ng makakaya nila para matulungan ang kanilang anak – isang bagay na hindi naranasan ni Kevin. Pero sa huli, inamin rin ng doktor na hindi madaling gamutin ang bata dahil mahina ang kanyang sistema. Kung gaano pa katagal ang ilalagi niya sa mundo ay depende sa kung paano niya titingnan ang buhay.
At pinili ni Ricky na pahabain ito sa pamamagitan ng pagiging masaya – isang bagay na tinanggihang gawin ng nakatatanda.
“Kuya, bakit gusto mo ng mga bituin?”
Biglaan ang tanong ni Ricky, isang gabing nagpapahinga sila sa tabing dagat. Nakaupo sila sa buhangin habang nagpapahinga matapos linisin ang planetaryo.
Napaisip si Kevin sandali. “Maganda kasi sila,” sagot niya. Pero alam niyang hindi iyon ang totoong dahilan. May mas mabigat na rason kung bakit niya minahal ang kalawakan, isang rason na pinilit niya ng kalimutan. “Ikaw?”
Muling ngumiti si Ricky na katulad ng dati, kasabay ng paghiga niya sa buhanginan. “Gusto ko sila kasi simbolo sila ng pag-asa para sa'kin. Parang lagi nila kong tinitingnan, binabantayan at sinasabihan na ‘OY RICKY! KAYA MO YAN! LABAN LANG!”
Mahina ang sagot ng bata, pero daig pa ni Kevin ang sinigawan. Sinong mag-aakala na iyon ang kanyang maririnig? Sinong mag-aakala na may isang taong naniniwala sa dati niyang pinaniwalaan.
Namayani ang katahimikan, at si Kevin na rin ang sumira nito.
“Hindi ka ba natatakot mamatay?”
Natawa si Ricky. Ilang beses na nga ba niyang narinig ang tanong na iyon? Hindi na niya maalala. Hindi naman din kasi siya nagbibilang. Pero marami na. Maraming beses nang hinanapan siya ng takot, ng pag-aalala, dahil lang sa katotohanang bilang na ang oras niya. At katulad ng lagi niyang ginagawa, ngumiti lang siya at nagsalita.
“Hindi.”
Pinagmasdan ni Kevin ang nakababatang lalake habang naghihintay ng kasunod, ng pagbawi, ng pag-amin na natatakot siya talaga. Pero lumipas ang minuto ay walang dumating na ganito. Doon, napagtanto niya na kung gaano kaseryoso ang sagot na iyon.
Napansin ni Ricky ang pagtitig sa kanya ni Kevin. Kung ibang tao ang tiningnan ng gayon, marahil ay naasiwa na sila. Pero kahit anong mangyari, hindi siya. Alam niyang nagtatanong ang mga mata ng kanyang kuya, katulad ng ibang taong sinagot niya ng gayon. Pero sa unang pagkakataon, pinili niyang magpaliwanag.
“Kapag namatay ako, sasama ako sa mga bituin,” wika niya kasabay ang pagtingala sa madilim na kalangitan. “Tapos saka ko gagabayan ang mga tao dito sa atin.”
Sa pang-ilang pagkakataon, naramdaman ni Kevin ang hiya sa sarili. Ramdam niya ang pagbagsak ng pader na kanyang itinayo para itago ang puso niya sa kung ano mang emosyon na pwedeng maramdaman. At muli, dahilan nito ang kanyang kaibigan.
Kaibigan.
“Bakit ka lumalaban?”
Nagulat din si Kevin sa tanong na lumabas sa kanyang bibig. Hindi siya 'yung tipo ng tao na nakikialam sa dahilan ng iba. Pero siguro, sa kaibuturan ng kanyang puso, gusto niyang magkaroon ng ideya kung paano nga ba ang tamang pagharap sa problema.
“Dahil takot akong hindi mabuhay,” pabulong na sagot ni Ricky. “Nasubukan kong hindi maging masaya at naging miserable ang buhay ko. Mahirap na nga ang lagay natin eh, bakit kailangang pahirapin pa lalo?”
Naramdaman ni Kevin ang lamig ng hanging umihip, na tila dumampi ultimo sa kanyang mga kalamnan. Tila paulit-ulit niyang naririnig ang mga katagang binitawan ng batang kaibigan. Mahirap na nga ang lagay natin eh, bakit kailangang pahirapan pa lalo. Oo nga naman.
Hindi niya napansin ang pagtulo ng mga luha. Oo, umiiyak siya – isang bagay na akala niya ay hindi niya kayang gawin. Humarap siya sa dagat upang itago ang nararamdaman mula kay Ricky; pero nagulat siya nang maramdaman niya ang bigat sa kanyang balikat.
Lumingon siya at nakitang muling ang ngiti ni Ricky – tapat, totoo, at nagmamalasakit. “Kuya, maraming magagandang bagay sa mundo na pwede pa rin nating maranasan. Kapag namatay tayo at naging mga bituin, magagabayan nga natin sila; pero araw-araw tayong mabubuhay sa inggit dahil kahit anong gawin natin, hindi na natin magagawa ang mga nagagawa nila,” sambit ng bata. “Ayokong mangyari yon. Ayokong manghinayang. Kaya wag mong sayangin ang pagkakataon.”
Sa mga salitang hindi inaasahan, patuloy na tumulo ang mga luha ni Kevin. Sa isang iglap, napawi lahat ng galit sa mundo at napalitan ng pag-sang-ayon sa mga sinabi ng kaibigan niya – kasabay ng pag-usbong ng ideyang baka nga...
baka nga may pag-asa pa.