Gemini Chapter 4

200 8 8
                                    

Payapa ang lahat. Kumportable. Malalim ang kanyang paghinga, kasabay ng pagdampi ng malamig na hangin sa kanyang katawan. Tahimik. Walang nararamdamang sakit. Muli siyang huminga ng malalim.

At dahan-dahan, iminulat ni Kevin ang kanyang mga mata.

“Kuya,”

Malalim ang boses na bumasag sa katahimikan. Isang kabaligtaran sa lamig na kanyang nararamdaman. Hindi siya gumalaw. Hindi siya umimik. Wala siyang pamilya. Wala siyang kaibigan. Ni hindi siya nakikipag-usap sa ibang tao para tawagin siyang…

“Kuya.”

Muli na naman niyang narinig ang boses.

Unti-unti, pinilit ni Kevin na lumingon upang alamin kung kanino nanggagaling ang boses. At huminto ang mundo sa kanyang pagkagulat, sa pagkabalisa.

“Ricky”

Ricky Park. Siya ang pinaka-interesanteng binata sa bayan. Nakilala siya ni Kevin dahil madalas siya sa planetary. Kahit pa hindi niya naman talaga direktang binibigyang pansin, nakilala niya pa rin ito mula sa mga usap-usapan.

Sa kabila ng malalim na boses, isang masayahing tao si Ricky. Palaging nakangiti, madalas siyang makitang naglalakad-lakad sa kabayanan, habang tila nagsasaboy ng buhangin ng kaligayahan sa lahat. Tapat at totoo ang bawat ngiting kanyang ibinabahagi sa iba – isang bagay na minahal ng tao sa kanya.

AYO!”  Nakangiti, bumati si Ricky habang itinataas ang kanyang kamao na akmang susuntok. Subalit alam ni Kevin na mula lamang ito sa mga nakasanayang batian ng mga grupo ngayon. “Kamusta ka na?” Tanong niya.

Biglang nakaramdam ng kirot sa kanyang puso ang mas nakatatanda. Gaano na nga ba katagal nang huli niyang marinig ang tanong na iyon? Gaano na katagal nang huling may mangumusta sa kanya ng buong puso?

“Ayos lang siguro,” sagot ni Kevin. “Asan ako?”

Hindi pa rin napapawi ang mga ngiti sa kanyang labi, ipinaliwanag ni Ricky na nasa ospital sila. Ikinuwento rin niya na papunta siya sa simbahan nang makita niyang halos hindi na makalakad si Kevin. Sinundan niya siya sa bahay at narinig ang hiyaw ng sakit. Walang pagdadalawang isip, pumasok ang nakababata sa bahay niya at dinala sa ospital ang kanyang walang malay na katawan.

Sa gitna ng pagkukwento ni Ricky, hindi magawang maniwala ni Kevin. Hindi niya mahanap ang mga dapat sabihin. Ni hindi siya makapagpasalamat. Hindi niya marahil alam kung ano ba ang dapat ipagpasalamat sa pagliligtas sa kanya. Tapos na sana lahat kung hindi siya nakialam.

Pero ganoon pa man, hindi siya makaramdam ng inis o kahit anong galit. Hindi pa rin naman kasi nawawala ang paniniwala ni Kevin na may mga taong handang tumulong. At siguro, isa si Ricky sa mga taong iyon.

Alam ng nakababatang lalake na gustong magsalita ni Kevin. Pero naiintindihan niya kung bakit hindi nito magawa. Sa kagustuhan niyang bigyan ng pagkakataong mag-isip at mapag-isa ang lalaki, tumayo si Ricky at hinatak ang mesang malapit sa kama.

“Heto 'yung mga prutas na ipinadala ng mga tao sa bayan nang nalaman nila ang nangyari. Medyo kinailangan ko kasi ang tulong mula sa kanila para madala ka rito kaya pasensya na kung gusto mo 'tong isikreto,”wika ni Ricky habang kinakamot ang kanyang batok. “Saka nga pala, nasa ilalim ng basket yung bagong listahan ng mga gamot mo sakaling hindi ako makabalik dito ng maaga. Pinakiusapan ko 'yung doktor na bigyan ka ng panibagong gamot panlaban sa sakit kasi wala ng silbi 'yung gamot na nakita ko sa bahay mo.”

Napakunot ang noo ni Kevin. “Bakit ang dami mong alam?”

Agad-agad, naisip niya na hindi yata tama ang kanyang tanong. Hindi niya nais makapanakit. Gusto niya lang malaman kung bakit alam ni Ricky kung ano ang dapat na gamot para sa kanya. Isa rin ba siyang doktor? O dalubhasa?

Pero mukhang hindi naman ininda ng bata ang tanong. Bagkus, ngumiti lamang ito muli sa kanya at naglakad palabas ng pintuan. Ngunit bago pa ito tuluyang lumisan, lumingon siya kay Kevin at  nagsalita.

“Dahil, ang swerte mo, 'yan din ang mga gamot na iniinom ko.”

************************************************************************************************

NOTE:

Parang awa niyo na po, pakidalaw naman 'tong website na to (hehe): 

http://www.managerhyung.blogspot.com/

Nandyan po yung mga lugar na pinag-shootingan ng mga korean dramas. :) Baka lang po kasi magustuhan ng mga kpop fans dito. :>

GeminiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon