Kung sakali mang magising ka, pwede bang matulog kang muli?
Matulog kang muli, mahal.
'Wag mo nang isipin ang mga dapat mong gawin para sa araw na 'to. Kalimutan mo ang mga problema at kung ano pang mga bagay na gumugulo sa isipan mo. Hayaan mo na 'yun at matulog kang muli.
Kunin mo ang lahat ng oras. Kalimutan mo ang lahat ng bagay. Yakapin mo ang unan, ibalot mo ang sarili mo sa kumot, ipikit mo ang mga mata mo at matulog kang muli. Matulog ka nang mahimbing.
Mahal, kung sakali mang magising ka, pwede bang matulog kang muli?
Bumalik ka sa panaginip.
Kung saan hindi ka kayang abutin ng mga problema. Kung saan bawal ang pagtulo ng mga luha. Kung saan ngiti mo lang ang aking natatanaw. Kung saan isang magandang musika sa aking tenga ang iyong mga tawa. Kung saan. . . tayo'y masaya lang.
Bumalik ka sa mga masasayang alaala.
Sa ikauna, kung saan una kitang nakilala.
Sa ikalawa, kung saan una tayong nagkausap.
Sa ikatlo, kung saan tayo'y naging mag-kaibigan.
Sa ikapat, kung saan pinaramdam mo ang salitang kahalagahan.
Sa ikalima, kung saan nahulog na ako sa'yo nang tuluyan.
Sa ikaamim.
Sa ikapito.
Sa ikawalo.
At sa mga alaalang sumunod pa rito.
Bumalik ka, mahal. Matulog kang muli at bumalik sa panaginip, kung saan naando'n ang masasayang alaala natin.
Sa panahong sobrang bagot mo at inaya mo 'kong lumabas. Sa panahong masaya kang nagkukwento habang ako'y nakatitig lang sa'yo at tuwang tuwa ang puso dahil pakiramdam ko ako'y pinagkakatiwalaan mo. Sa panahong ibinahagi mo sa'kin ang paborito mong mga palabas at inaya pa kong panuorin ito nang kasama ka, at sa mga tugtugin mong ipinarinig mo sa'kin habang sinasabayan pa ang bawat salita.
Bumalik ka sa mga panahong puno ka ng sama ng loob. Mga panahong nalulunod ka na sa luha at alak, ngunit pilit pa ring lumalangoy.
Mga panahong sabi mo'y wala ka nang makapitan.
Mahal, bumalik ka at matulog muli, upang malaman mong ako ang minsang nanatili. Ako ang nand'yan palagi.
Mahal, kung sakali mang magising ka, pwede bang matulog kang muli? Pwede bang bumalik ka sa panaginip? Sa mga masasayang alaala natin?
Ngunit, mahal, kung iyo nang mapag-desisyonang gumising, 'wag mo na akong gisingin. Kung iyong mapag-desisyonang umalis, 'wag mo nang sabihin. Hayaan mong yakapin ko ang unan, ibalot ang sarili ko sa kumot, ipikit ang aking mga mata at matulog nang mahimbing.
Matutulog akong muli. Hayaan mo 'kong bumalik sa panaginip.
Hayaan mo 'kong bumalik mag-isa sa kahapong puno ng masasayang alaala at mga tawang parang musika sa aking tenga, na ngayo'y tila ba isa nang madilim, tahimik, at walang taong silid.
Kung ako man ay magising nang wala ka na sa'king tabi, matutulog akong muli.
Babalik ako sa isang matamis na bangungot, kung saan naiwan ang mga alaala na ngayon ay isa na lamang memoryang minsan nating binuo. Kung saan pupwedeng merong tayo. Kung saan nando'n ang ikaw at ako. . .
Ako. . .
Mahal, kung sakali mang magising ka at ayaw mo na, pwede bang matulog kang muli at gustuhin mo pa rin?
At ako. . . Ako naman ang iyong piliin?