Tayo Lang Ang May Alam

65 4 1
                                    

Halika, hawakan mo ang aking kamay at tayo'y mag-lakad lakad.


Humawak ka lang ng mahigpit. Hayaan mo ang mga tao na sundan tayo ng tingin, habang inaantay ang susunod na mangyayari sa'tin. 'Wag tayong magpapa-apekto sakanilang mga sasabihin.


Hindi sila mahalaga.


Walang kwenta ang mga sasabihin nila.


Malabo mang malaman kung pag-ibig nga ba itong matatawag. Maski sila ay hindi nila alam kung anong meron sa'ting dalawa.


Ngunit ang malinaw, meron tayong kasiyahan na nakikita sa isa't isa. Tayo ang nagkakaintindihan sa ating nararamdaman kapag tayo lang dalawa. Kapag tayo'y magkahawak ng kamay. Kapag tayo'y nasa ilalim ng kumot at hindi maiwasang mag-dikit ang balat.


Tayo lang ang nakakaintindi sa mga nakaw na sulyap at mga ngiting hindi mapigilang ibigay sa isa't isa sa mga pagkakataong nand'yan sila at takot kang mahusgahan nila.


Ngunit ngayon, hawakan mo ang aking kamay at maglakad-lakad tayo sa lugar kung sa'n pangalan nating dalawa ang bukam bibig nila. Wala na akong pakialam.


Dahil atin 'to, hindi sakanila.


Tayo lang ang may alam.


Tanging ang buwan at mga bituin lang ang naging saksi sa ating kasiyahan.


Ang puting kumot. Ang madilim na silid. Ang mga patak sa bintana sa minsang pag-ulan sa gabi. Ang mga damit sa sahig. Ang iyong pag-hinga ng malalim. Ang aking paglaro sa iyong buhok. Ang iyong pag-yakap sa'kin ng mahigpit. Ang pagdampi ng ating mga labi.


Ang mga tampuhan at inisan. Ang mga hindi pagkaka-unawaan. Ang mga hindi natin pagkakasundo. Ang madalas nating pagtatalo.


'Yan ang mga naging saksi sa lahat ng ito.


Hindi ang mga tao sa'ting paligid na walang ibang ginawa kundi pag-masdan tayo na tila ba isang malaking kasalanang maging masaya tayo.


Marahil ay mali. Marahil ay hindi tama. Ngunit hindi isang kasalanan ang sabihing dito ako masaya, na para sa'kin ikaw ay mahalaga.


At kung ito nga ay isang pagkakamali, iuutos ko sakanilang ibalik ang panahon kung sa'n wala tayong kasalanan at sabihing ilatag nilang muli sa'king harapan ang mga pagpipilian, uulitin ko pa ring gawin ang tinatawag nilang isang kamalian.


Dahil ikaw pa rin ang paborito kong kamalian. Ang masarap ulit ulitin na kasalanan.


Kaya 'wag ka nang matakot. 'Wag ka nang mag-tago sa likod ko habang mahigpit ang hawak sa laylayan ng damit ko. 'Wag ka nang yuyuko upang abangan kung magkakamali ka ba sa pag-hakbang mo.


Dito ka sa tabi ko, taas noo, hawakan mo ang kamay ko.


Maglalakad tayo nang sabay at magtatawanan. Kakalimutan natin ang ating nasa paligid na tila ba walang mga matang mapanghusga. Papakinggan natin ang kwento ng isa't isa na tila ba wala silang bulungan na ginagawa.


Dahil atin 'to, hindi sakanila.


Marahil ay mali. Marahil ay hindi tama. Marahil ay hindi natin alam kung pag-ibig nga ba talaga.


Basta tayo lang. Tayo lang ang may alam.


Kahit na maski tayo. . . hindi natin alam kung ano nga ba talaga.

Eroplanong PapelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon