Ipipikit ko ang mga mata ko,
kahit sa panaginip man lang ay maramdaman kong ako ay buo.
Aasang malalasahan ang tamis ng iyong labi,
na ikaw ay mananatili kahit matapos ang gabi.
Kakalimutan ang pait,
pati ang dilim na patuloy sa pagkapit.
Mga yakap mong nagbibigay kasiguradahan na sasang-ayon din ang lahat;
ang kasiyahang dulot sa tuwing ang mga labi ay maglalapat.
Sasamantalahin habang ang pagtulog ay mahimbing,
at hihilingin na sana'y wag nang magising.
Dahil ang tunay na bangungot dito ay hindi ang saglit na kasiyahan na ipinaparamdam ng aking panaginip,
kundi ang katotohanang hatid ng reyalidad ng mundong aking ginagalawan sa tuwing ako ay nakakaramdam ng pagka-inip.
Kaya't maghihintay. . .
Maghihintay. . .
Hanggang sa ang panaginip at ang reyalidad, sa wakas, ay maging pantay.