Matagal na 'kong nakatayo dito, tila ba napako na ang mga paa ko sa pamilyar na lugar na 'to. Kung saan tila ba'y isang matamis na panaginip, ngunit sa likod ng mga pader nito'y may madilim na bangungot na nililihim.
Ngunit hindi habang buhay ay mananatili ako rito.
Kailangan kong buhatin ang sarili kong mga paa mula sa mga pakong pumipigil sakin. Kailangan ko nang umalis, kahit na ito'y masakit at alam kong mag-iiwan ng sugat sa'kin.
Patawarin mo ako, mahal, sa aking gagawin.
Patawarin mo ako sa aking gagawing pag-iwas sa'yo, sa aking pag-layo. Sa aking pagtulak sa'yo, pag-takbo at pagtago.
Patawarin mo ako sa pag-ligtas sa sarili ko mula sa patalim na hawak mo sa tuwing aabutin mo ang kamay ko't yayakapin ako, at sa labi mong laging nag-iiwan ng bahid ng mga dugo sa tuwing hahalikan mo ko't sasabihin mong mahal mo 'ko.
Mahal, patawarin mo ako sa aking gagawin. Ngunit para ito sa sarili ko.
Kaya kung sakali mang umiyak kang muli sa harap ko at wala na akong maramdamang kahit ano, 'wag mo sabihin sa'king pilitin kong maawa sa'yo. At kung mapag-pasyahan ko mang talikuran ka, 'wag mong hahawakan ang kamay ko para ako'y pigilan pa.
Dahil mahal, ayoko na.
Ayoko nang marinig ang pag-tunog ng telepono ko pagpatak ng alas dos ng madaling araw, at sunod kong maririnig ang iyong bulol na pananalita sa pagitan ng iyong mga pag-hikbi.
Ayoko nang umalis na kasama ka para lang iparamdam sa'kin na mahalaga ako sa loob lamang ng oras na magkasama tayo, tapos ay kakalimutan mo na 'ko kapag likod mo na ang kaharap ko.
Ayoko na, mahal.
Ayoko nang manghula kung ano nga ba talaga ang papel ng isang tulad ko sa buhay mo. Ayoko nang maramdaman 'yung takot na mag-salita't mag-tanong.
Ayoko nang maramdaman na nand'yan ka lang sa tabi ko sa mga panahong kailangan mo 'ko, ngunit hindi kapag kailangan kita. Ayoko nang maramdamang nand'yan ka lang kapag masama ang tadhana sa'yo at kailangan mo ng kadamay sa kamiserablehan ng buhay mo, ngunit hindi kapag mabuti ito at kailangan mo ng kasamang tatawanan ang mundo.
Ayoko na, mahal. Ayoko nang kwestyunin ang kahalagahan ko.
Ayoko nang maramdaman na tila ba wala akong karapatang malaman ang mga sagot sa mga tanong kong naiwang nakakapit sa hanging walang direksyon.
Kaya mahal, hayaan mo akong gawin ito para sa sarili ko.
Patawarin mo ako kung iiyak ka man sa harapan ko at wala na akong maramdaman pang kahit ano. Patawarin mo ako sa'king gagawing paglayo.
At parang awa mo na, ang tanging hiling ko lang sa'yo ay 'wag mo akong pipigilan.
Dahil kung iyong hihilingin na ako'y manatili, pupunasan ko ang aking mga luha at haharapin kitang muli, patawarin sana ako ng puso ko sa aking gagawin. . . ngunit ako'y mananatili pa rin.
Kaya, mahal, 'wag. 'Wag mo 'kong pipigilan.
Ayoko nang manatili.