mga tanong sa sagot

111 7 5
                                    

Maraming tanong na tumatakbo sa isipan ko,
Kung bakit ganyan, kung bakit ganito.
Kung bakit tila hindi sumasang ayon ang sinabi ng isipan at ng puso.
Kung bakit ang tanging sagot ko nalang ngayon ay ang paglayo.

Pero, sino nga bang niloloko ko? Alam ko naman ang sagot sa mga tanong na iyan.
Ganiyan yan dahil pinili kitang iwanan.
Ganito iyon dahil pinili kitang sugatan.
Lalayo ako, dahil ayaw na kitang saktan.

Paglayo, paglayo nalang ang tangi kong sagot
Paglayo ang magbubura ng lahat ng bakit at ano na pilit tumatakbo sa isipan ko.
Paglayo ang tanging solusyon para pigilan 'to, itong puso ko.

Kailangan ko na 'tong pigilan bago pa ito tuluyang masugatan
Hindi ko na 'to pwede pang pabayaan kasi oo, inaamin ko, takot akong harapin ang sarili kong kasalanan.

Takot akong aminin ang krimeng hindi ko kayang pagbayaran.
At kahit hindi ko man aminin, aaminin kong takot akong masaktan, gaya ng sakit na nagawa ko sayo.

Kaya, mahal,
Teka mali, hindi na kita pwedeng mahalin.
Dahil masaya ka na sa piling niya, hindi, hindi na kita pwedeng isipin.
Dahil ang rason ng pag ngiti mo'y hindi na ako kundi siya, hindi

Hindi na pwede.
Kasi matagal na mula noong nag iwan ako ng bakas sa puso mo.
Hindi na pwede.
Kasi marami nang masasaktan kapag inamin ko pa 'to.

Masaya ka na,
Kaya hindi na pwede.
At Oo naging makasarili ako noon, patawad dahil ganoon ako pero ngayon,
Magiging makasarili ulit ako.

Sasarilinin ko nalang itong pag ibig na sa tinagal ng panaho'y ngayon ko lang nalaman.
Itong pag-ibig na hindi ka man lang nagawang ipaglaban
Itong pag-ibig, na alam kong hindi karapatdapat kaya hindi, hindi pwede.

Hindi na tayo pwede.

Kaya patawad nalang, patawad sa lahat ng sakit na naidulot ko.
Patawad kung tinanggalan ko ng kulay ang iyong mundo.
Patawad kung puro ako kaduwagan
Patawad kung tatawagin kita ngayong mahal, kahit matagal na akong huli sa puso mo mahal, patawad.

Patawad kasi mahal pala kita.

Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon