AMOY NG BULAKLAK

8 0 0
                                    

Napasigaw ako nang malakas pagkatapos ay bumangon ako mula sa aking pagkakatulog. Ang aking sigaw ay nag-udyok kay Gregor na tumigil sa daan. Ako ay bumaba at tinignan ang madilim na langit at sa isip ko'y binibilang ang mga bituin sa langit. Tila mga kristal na nangniningning sa langit ang aking natatanaw. Ang simoy ng hangin ay malamig at ito'y palatandaan na nasa bundok na kami. Ako'y nanginginig sa lamig. Ang aking mga ngipin ay nagbabangaan sa isa't isa na gumagawa ng tunog. Walang kupas ang panginginig ng aking katawan mula ulo hanggang paa. Sinubukan kong kunin ang dyaket ko sa kotse ngunit di ako makagalaw sa lamig. Mukha akong istatwa na gawa ng malamig na hangin.

Bumaba ng kanyang sasakyan si Gregor upang suriin kung anong nangyari sakin. Lumabas siya na may hawak na isang makapal na dyaket. Ang laki ng kanyang mga mata na parang kinakalaban niya ang antok. Sa aking pagkakaalam ay walang sinuman ang nakakatalo sa kanilang antok. Ang mga ugat sa kanyang braso ay muling nagpakita.

"Pre, ito oh." Binigay niya ang dyaket sa akin at pagkatapos ay umupo siya sa damuhan na may hawak na inumin, "Kanina ka pa kasi nilalamig," dugtong niya.

"Ramdam ko na nga yung Baguio dito palang dahil sa lamig," sabi ko. Sinuot ko ang dyaket na kanyang binigay ngunit parang nakakaramdam pa rin ako ng lamig.

"Malayo pa nga yung biyahe natin" tinungga niya ang kanyang inumin at pagkatapos ay binigay niya sa akin.

"Ito oh, upang mahimasmasan ka..." may dumaan na kotse sa harap namin "at upang magising ka na."

"Nakatulog lang ako dahil ang panget ng mga tugtog mo," sabat ko sa kanya. Tumaas ang kanyang kilay.

"Kasi, aminin naman natin na maganda ang mga tugtugin noong mga dekada '80's..." banat niya "At saka nga pala, bakit ka napasigaw?". muling tumaas ang kanyang kilay ngunit sa paraan ng pagtataka.

"Isang kahabag-habag na bangungot ang dumalaw sa akin," sabi ko sa tonong parang ako'y nagtutula.

"Ano nga ba kasi nangyari?" naiinis na tono ni Gregor ang aking narinig. Nakapako ang aking tingin sa mga bituin at parang hindi ko maalis iyon dahil ang kikinang nilang tingnan mula rito.

"Masyadong hindi malinaw ang lahat ng aking mga nakita ngunit nakakatakot. Hindi ko masabi nang maayos pero kung susuriin sa anyo ay nakakatakot," biglang nanghina ang aking boses.Tinapon ni Gregor ang bote sa isang malapit na basurahan.

"Paanong nakakatakot? Kailangan mo pang palawakin ang iyong imahinasyon hindi pa sapat ang salitang nakakatakot," sabay dikit niya sa akin. "Huwag kang matakot. Andito naman ako."

"Nakita ko ay isang baybayin ngunit imbis na kulay asul ang langit ay pawang kulay itim na walang nagniningning na kristal. Tapos may nakita akong lalaki nakaupo at may sinusulat na lubhang hindi ko makita pero sa paraan ng kanyang pagsusulat ay nanginginig ang kanyang mga kamay. May narinig akong tunog na hindi ko mawari kung siya ay umiiyak o tumatawa. Ang dagat ay nangingitim na punong-puno ng mga kinakatakutan mo. May isang bahay sa bandang sulok, marumi ang loob at may maririnig kang mga ingay o mga bulong ng mga nakaraan," tumigil ako at tinakpan ko ang aking sarili. Hinawakan ni Gregor ang likod ko at paulit-ulit niyang sinasabi na huwag akong matakot dahil nandyan lang siya sa tabi ko. Nagpakatatag ako nang kaunti at ipinagpatuloy.

"May isang tao na lumapit sa akin. Hindi maaninag ang kanyang mukha at katawan. Ang tinig ng boses niya ay napakalalim at nagsimula siyang magbigay ng babala sa akin na hindi ko maintindihan. May isa namang tao ang humatak sa akin papunta sa dagat ngunit pinigilan ko siya at ako'y nagsimulang tumakbo. Parang dinaanan ng digmaan ang mga lugar na aking pinuntahan dahil sa mga bakas ng mga sirang gusali, daan at iba pa. Hindi ko na maalala ang iba." Nanginginig ang aking mga kamay at pasmado na ito. Nararamdaman ko na sobrang higpit na kumapit si Gregor.

"Halina at balik na tayo sa sasakyan. Kailangan pa nating umalis upang makarating tayo roon nang maaga." sabi ni Gregor. Lumakas ang ihip ng hangin.

"Makikita ko pa ba ang mga iyon o mangyayari ba sa akin ang mga iyon?" sabi ko na may panginginig sa tono ng boses. Pinigilan ko siya ngunit patuloy siya sa paglalakad. Binalikan ko ng tingin ang bituin ngunit parang nabawasan ang mga ito. Siguro imahinasyon ko lang iyon.

"Ano hinihintay mo? Halika ka na at kailangan na nating umalis," nakikita kong nagmamadali na si Gregor umalis.

"At saka nakita ko na ang isang bulaklak na kulay-dugo ang mga talulot at sa loob nito ay may singsing na naliligo sa dugo. At kada galaw ng aking paa papunta sa bulaklak na iyon ay unti unting naglalaho na parang buhangin na hinanginan ng malakas na ihip ng hangin. Isa lang ba ang ibig sabihin noon, Gregor?" kinuha ko ang kanyang kamay at doo'y tumigil siya sa kanyang paglalakad.

"Huwag kang magsalita ng ganyan! Iba na ang tono ng iyong pananalita." sigaw ni Gregor at saka'y hinablot ang kanyang kamay. Lumaki ang kanyang mga mata simula noong sumigaw siya. "Tumayo ka na diyan. Pasensya na kung mainit ulo ko ngayon baka sadyang kulang lang ang aking tulog." pahabol niya.

Ako'y tumayo mula sa aking kinauupuan at nagsimula nang maglakad. Sinulyapan ko muli ang mga bituin sa itaas at napansin ko ang mga ito'y parang mga talulot ng isang bulaklak. Simula noon hindi ko na iyon maalis sa aking isipan. Tumingin ako sa likod at may napansin akong isang taong naka-itim. Hindi ko mawari ang kanyang mukha ngunit hindi ko nalang pinansin ang mga ito dahil baka isa siyang mangbubukid. Umalis na kami at ako'y bumalik sa aking tulog kahit kinatatakutan kong matulog muli.

ALAS-KWATRO NG UMAGA..

"Leandro! Gumising ka na," isang boses na gumigisIng sa akin, "Andito na tayo sa bahay ni Drevan."

Ang aking mga mata ay nagsimulang bumukas. Pikit-dilat-pikit-dilat-pikit-dilat, iyan ang ginagawa ng aking mga mata tuwing ako'y gigising sa maling oras. Tinignan ko ang langit at nagbago ang kulay nito. Hindi na siya parang kasing-itim na katulad kanina ngunit ito'y kulay na pinaghalong lila't itim. Dinapo ko ang aking tingin sa aking relo at napansin kong alas-kwatro na ng madaling araw. Tila'y may naririnig na akong mga manok na tumitilaok sa sulok.

Pumunta si Gregor sa pinto ng bahay ni Drevan at kumatok. Naririnig ko ang aso niyang tumatahol sa kada katok ni Gregor. "Drevan! Andito na kami," tinuloy niya pa rin ngunit wala pa ring sagot sa kanyang katok kundi ang asong tumatahol. May naririnig akong mga yabag sa marmol na sahig. Nagmamadaling mga yapak at naghihingalong boses na 'Papunta na'. Binuksan niya ang pinto at pinatuloy kami sa kanyang bahay at ang una kong ginawa ay humiga sa kanyang sofa.

"Pagpasiyensyahan mo na si Leandro kasi napagod siya sa biyahe," sabay halakhak ni Gregor na parang ewan.

"Walang anuman 'yon basta importante ay nakapunta kayo dito sa tamang oras," wika ni Drevan. May hawak si Drevan na isang laruan na palagi niyang pinipindot kahit saan at kahit kailan. Noong kami'y nasa ika-apat na grado, sinabi ng kanyang ina sa isang guro na pagpasiyensyahan si Drevan dahil siya'y 'fidget o hindi mapakali' Nakikita ko ang kanyang paa ay gumagalaw pataas at pababa nang biglaan nalang'

"Ah siya nga pala, Bakit mo kami pinapunta dito?" tanong ko.

"Dahil malapit na ang Panagbenga Festival dito," sagot niya na may katawa-tawa.

"Panagbenga?" ako'y sabaw ngayong umaga.

"Sayaw ng mga Bulaklak!" sagot niya na may katawa-tawa ulit. Eksakto ay nakaturo ang kanyang daliri sa isang plorerang may bulaklak na kulay pula. Noong sinabi ni Drevan ang salitang bulaklak ay naalala ko muli ang isang ilusyon na nangyari sa aking isipan. Nanumbalik ang takot na aking nadarama. Bumalik nalang ako sa tulog imbes na makinig sa kanilang mga usapan.

Bakit ko kinakatakutan ang isang bulaklak?Bakit ko kinakatakutan si Chloris? Ang bulaklak ay dapat nagbibigay saya atbango sa aking buhay hindi yung tipong babalutin ako nito ng takot. Dinadalalang ako ng aking bangungot papunta kay Phobos. Hinahanap ko ang bango ngdalisay sa bulaklak ngunit ang naamoy ko'y bango ng kapighatian.
 

 

Love Lost: Unang YugtoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon