N A K A T U L A L A

9 2 0
                                    



Nakatulala.

Nakaupo sa gilid ng madumi at mausok na kalsada.
Isang kamay na may hawak na lata na kahit na isang sinko wala kang makikita. Nakataas ang kabilang kamay, umaasa na kahit isa man lang ay tumigil at makapansin.

Ako nga pala si Benjamin. Hindi ko alam kung nahalata niyo pero ako ay isang pulubi. Kulay dilaw ang aking buhok; kasing dilaw na ata ng ipin ko. Kayumanggi ang kulay ng balat ko at halata na walang alaga ito. Labing-siyam na taong gulang na ko.

Labing-siyam na taon na nakatira sa kalsada, nakikita araw-araw ang mga namamasada, kabisadong-kabisado na rin ang mga pasikot-sikot sa kalsada at araw araw parin akong umaasa na sana balang araw ay may dumating na pag-asa.

Naka suot uniporme ako pero bakit nandito pa ako sa kalsada at wala pa sa paaralan? Bakit ako nanlilimos ng baon at hindi makahingi sa magulang ko? Bakit nakulo ang tiyan ko, eh sa pagkakaalam ko nakakain naman na ako nung isang araw?

Bakit ang hirap ng buhay?

Naalala ko nung bata pa ako. Hindi kami nakapag laro ng mga kapatid ko katulad ng ibang batang nakikita ko. Wala pang kaalam alam kundi ang manlimos para sa hapunan na kakainin ng pamilya ko sa gabing iyon. Gumagawa ng mga basahan na maibebenta para hindi magalala sa kinabukasan. Minsan hindi narin natutulog, magdamag nakabukas ang mata at isipan, naghahanap, nagiisip ng paraan para sa magandang buhay. Ano nga ba?

Paminsan minsan iniisip kong takbuhan ang pamilya ko. Mabubuhay ba ko ng mas maayos kapag humiwalay ako? Nakakatawa lang kapag iniisip ko to dahil alam ko naman na wala akong lakas na loob na gawin ito. Papaano na ang mga kapatid ko kapag nawala ako? Hindi ko iniisip na magugutom sila o magkasakit dahil alam kong normal na nangyayari sa amin iyon. Nag-aalala lang ako sa kung papaano sila lalaki. Ayoko maging katulad nila ako. Ayoko dumating doon sa punto na pati sila ay nagaalala na rin sa kakainin at tutulugan namin sa araw na iyon. Ngiti nila ay ngiti ko na rin.

Nawala ako sa aking isipan nang narinig kong tumunog ang lata ko. Nakakita ako ng sampung piso. Tumayo ako agad at tumakbo papunta sa paaralan ko. Sampung piso.

Siguradong mabubusog ako nito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 18, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

R E P E A TTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon