Sa blankong papel tayo nagsimula
Malinis, walang bahid at wala kang makikita
Hanggang sa dumating ang tinta
Na syang nagbigay-buhay sa istorya nating dalawa
Nagsimula sa mga simpleng salita
Na napunta sa mga pangungusap na mahaba
Unti-unti, tayo'y nakabuo ng mga talata
Hanggang sa nauwi sa mga kabanata
Habang tumatagal ang pagsasama
Napupuno ng salita ang bawat pahina
Kumakapal na pala ang ating nobela
At hindi tayo nauubusan ng tinta
Sa bawat salita'y nanunuot ang ligaya
Sa bawat pangungusap ay bumabalot ang tuwa
Sa bawat talata tayo ay masaya
Masaya tayo sa bawat pahinang nalilikha
Syempre sa bawat istorya hindi lang puro saya
Mayroon ring dumarating na mga problema
Habang tumatagal ay dumarami sila
Unti-unting nakakaapekto sa masaya nating istorya
Dito na magsisimula ang pagkasira
Mawawalan na nang rima ang mga talata
Mapupuno na ang papel ng malulungkot na salita
Na syang papatay sa ating magandang simula
Mga salitang hindi na kayang mabura pa
Mga pangyayaring hindi na maitatama pa
Unti-unti nating mararamdaman ang pagbabago
Mga pangungusap ay magiging magulo
Bawat talata ay magkakasalungat na
Pagkakasunud-sunod ng mga pahina ay wala na
Hanggang sa hindi na tayo magkaintindihan
Hindi na tayo magkasundo kahit isang pahina lamang
Kung dati'y sabay nating ninanamnam ang bawat talata
Ngayo'y magkahiwalay nating binabaybay ang bawat pahina
Habang ako'y pilit na bumabalik sa simula
Ikaw naman ay nagmamadali at pawakas na
Ang istorya natin ay magwawakas na pala
Akala ko'y magiging masaya ang pagtatapos ng ating nobela
Ang ating tinta ay naghihingalo na pala
At wala na tayong papel na masusulatan pa
Siguro nga hanggang dito na lang tayo
Pero ayoko sanang ganito ang pagtatapos natin
Umaasa pa rin akong muling mabubuhay ang ating tinta
At sumulat sa papel ng "Itutuloy..." pa.
BINABASA MO ANG
Mga Tula Ng Isang Huwad Na Makata
PoetryMga tula sa Filipino at Ingles na pawang likha ng isang huwad na makata. Mga bagay na may kwenta at walang kwenta ang inyong mababasa. Nasa'yo ang desisyon kung ito ay papansinin mo o babalewalain.