8│ANG HALAGA NG BAWAT TAO

13 0 0
                                    

Contest: #WNKalayaan (Monthly Contest)

Title: Ang Halaga ng Bawat Tao

Sa aking pagbaba sa sinasakyang jeepney, inayos kong mabuti ang aking uniporme. Ayoko kasi na matalakan na naman ni nanay pagdating sa bahay. Konting gusot at konting mantsa lang, nako, speech with moral lesson ang aabutin mo!

Pero biro lang. Alam ko naman na gusto lang ni nanay na maging presentable akong tignan. Kahit katamtaman lang ang estado namin, pinalaki ako ng maayos ni nanay kahit na siya lang ang tumataguyod sa mga pangangailangan ko.

"Ate, ate, palimos po. Pangbili lang po ng pagkain," sabi ng isang batang lalake na sinasamahan yata ng babaeng nakakatanda sa kanya.

"Ito o, ibili niyo ng pagkain 'yan ha? Mag-ingat kayo sa kalsada," walang pag-aalinlangang tugon ng matanda sabay bigay ng pera sa mga bata.

Nakakatuwang may mga tao pa rin talagang handa magbigay ng walang pagdadalawang isip.

"Ate, palimos po. Parang awa niyo na. Wala pa po kaming kain simula kaninang umaga e," natauhan naman ako nang makita kong nasa tapat ko na ang mga batang nanglilimos.

"Ahh..ehh..nako," napakamot ako sa aking ulo. "Wala kasi akong barya e. Sorry," sagot ko sabay lakad nang mabilis papasok sa daanan patungo sa aming bahay.

Nilingon-lingon ko pa sila baka sinusundan nila ako. Ngunit nang mapagtanto ko na hindi naman sila sumunod, kampante na akong naglakad pauwi.

Pagod kong inilapag ang bag ko sa bangko na nasa sala.

"Inay, nandito na po ako," bungad ko habang papasok ng kusina.

"Ano anak, kamusta ang exam niyo?" pagsisimula nang usapan ni nanay habang kami ay naghahandang kumain.

"Okay naman po! Easy lang!" nakangiti kong sagot.

"Anong subject nga ang exam mo ngayon?"

"Science at Values po."

"Nako, tiyak, perfect ka sa values subject mo lalo na kapag essay!"

Tumawa naman ako sa kumento ni nanay. "'Yung tanong nga po doon ay bilang estudyante, ano ang maitutulong mo sa mga batang nasa lansangan?"

"Anong sinagot mo kung ganon?"

"Tumulong sa charity programs, magbigay ng mga hindi na ginagamit na mga gamit, at siyempre, bigyan ng pera o pagkain ang nanglilimos!" malapad ang ngiti kong sagot.

Pumalakpak naman si nanay. "Ang bongga talaga ng anak ko! Maganda na, matalino pa!" Puri niya pa habang humihigop ako ng sabaw.

"Pero alam mo anak, sana ang lahat nang natututunan mo, ginagamit mo sa labas o kahit saan ka man naroroon. Dahil ito ang mabisang paraan para malaman kung natututo ka o ginagamit mo ba ang natututunan mo," seryosong sabi niya.

Nabilaukan naman ako sa aking narinig. Napainom kaagad ako ng tubig.

Naisip ko ang nagawa ko kanina habang pauwi sa bahay. Naalala ko rin ang sagot ko sa pagsusulit namin kanina sa eskwelahan.

Unti-unti akong nakonsensiya sa ginawa ko. Dahan-dahan na tumulo ang luha sa aking mga mata habang tinitingnan ko si nanay.

"Bakit ka umiiyak?" nakakunot noo siya habang nagtatanong.

"Wala po. Salamat po sa pagpapaalala," tangi kong nasabi.

Kung maganda nga ang marka ko sa asignaturang 'yon, karapat dapat ko bang tanggapin ito?

Nakakapanghina.

Magaling nga sa salita, hindi naman magampanan ang sinasabi.

-

Posted by: Writerly Nook (Facebook page)

Date posted: March 26, 2017 (12:37am)

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 11, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mensaheng Hindi MabigkasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon