Kapitulo V - Pag-asa

180 11 0
                                    

Halos mag-aalas dyis y media na ng umaga nang makarating sina Tina at Alyza sa bahay ng pamilya De Villa sa Sto. Cristo, Bago Bantay Quezon City. Saglit muna silang pinaghintay ni Aling Teresa sa salas dahil tatawagin pa nito si Lucas.
Kasalukuyan pang nakatulala si Lucas sa harap ng malaking salamin sa kanyang kabinet nang marinig niya ang pagkatok sa pinto ng kanyang ina.
"Anak, may bisita ka. Sina Alyza at Tina..."
Hindi agad siya nakasagot nang marinig niya ang huling pangalang binanggit nito. Paano niya haharapin si Tina kung wala pa rin siya sa kanyang sarili? Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa isipan niya ang mga tagpo sa kanyang panaginip, na naghahatid sa kanya ng matinding galit para sa kanyang sarili. Inuusig na naman siya ng katiting na konsensya mayroon siya.
"Sana nagkatotoo na lang ang panaginip ko," giit niya dahil hanggang ngayon iniisip pa rin niya na ang kanyang kamatayan lamang ang tanging kasagutan sa kanyang pinagdadaanan.
"Anak, sumunod ka na lang sa baba ha," habilin na lang ng kanyang ina bago ito umalis.
Muli niyang tinitigan ang kanyang repleksiyon sa salamin. "Tina, kaya mo pa rin bang tanggapin ang isang tulad kong kriminal?"
Napabuntung-hininga na lang siya habang inaayos ang kanyang sarili. Kailangan niyang harapin si Tina upang matapos na ang alalahanin nito.

KATAHIMIKAN ang nangibabaw sa pagitan nina Lucas at Tina sa kabila ng ilang minuto nilang pananatili sa kanilang hardin. Tila ba pinakikiramdaman lamang nila ang isa't-isa.
"Lucas, mahal pa rin kita..." Nanatili pa rin siyang walang imik sa kabila ng paglalakas-loob ni Tina na magsalita. Ngunit hindi naman siya pumalag pa nang hawakan nito ang kanyang kaliwang kamay. "Alam kong nahihirapan ka pa ring mabuhay ng maayos dahil sa mga nangyari. Kaya gusto kong malaman mo na nandito lang ako. Susuportahan at tutulungan kitang kalimutan ang lahat," paliwanag nito habang nakatitig sa kanyang mga mata.
"Gano'n kadali mo lang ba ako napatawad, Tina?" Hindi niya alam kung bakit niya ito naitanong pero gusto pa rin niyang malaman. "Kung ako nga, hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko," giit pa niya.
"Tao ka lang Lucas na nagkakasala. Sa mata ng Diyos, alam Niyang pinagsisihan mo ang nagawa mo kay Geno kaya papatatawarin ka Niya. Kaya dapat matuto ka ring patawarin ang sarili mo," seryosong paliwanag ni Tina.
Hindi mo 'ko maiintindihan dahil hindi ikaw ang nasa posisyon ko, aniya sa kanyang isipan. Hinawakan rin niya ang kamay ni Tina at pinisil iyon. "Salamat sa pag-intindi mo sa 'kin. Alam kong mahihirapan akong patawarin ang sarili ko, pero 'wag kang mag-alala...Susubukan ko, Tina," giit niya.
"Marami kaming handang sumuporta sa 'yo."
"Maraming salamat..." Hindi na siya nakapagsalita pa dahil mahigpit na siyang niyakap ni Tina.
"I love you, Lucas," malambing nitong bulong sa kanyang tainga, "Hinding-hindi kita iiwan."
"Mahal din kita, Tina."
Nakaramdam si Tina ng katiwasayan sa kanyang loob dahil sa mga katagang muli niyang narinig mula kay Lucas. Hindi na importante sa kanya ang sasabihin ng ibang tao dahil mahal na mahal niya ito.
Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ni Lucas dahil alam niyang may isa pang babaeng sa kanyang buhay ang nakahandang umunawa at dumamay sa kanya.

NAPILITANG huminto sa pag-aaral si Greg dahil sa kanyang pagkabulag. Kaya mula nang makalabas siya sa hospital ay hindi na siya nakita o nakausap man lang ng kanyang mga kaklase at ilang mga kaibigan. Ayaw niyang kaawaan siya ng mga ito kaya sinabihan niya ang kanyang ina na 'wag silang padadalawin sa kanilang bahay.
"Please po, Tita Teresa, payagan n'yo na po akong makausap si Greg." Subalit hindi makakapayag ang dalagitang si Yssa na hayaan na lamang na kaawaan ni Greg ang kanyang sarili.
"Pero Yssa, 'di ba sinabi ko na sa 'yo na ayaw nga niya ng kahit sinong bisita," seryoso sagot ni Aling Teresa sa kanya. Alam niyang kahit ito ay wala ring magawa kundi sundin ang kagustuhan ng anak nito.
"Saglit lang naman po ako Tita eh," katwiran pa ni Yssa, "Sigurado po akong hindi siya magagalit kapag nakita niya 'ko," paliwanag pa niya sabay ngiti.
Magkababata sila ni Greg kaya alam niya kung paano ito kakausapin ng hindi ito magagalit sa kanya. Tingnan lang niya kung hindi uubra ang kakulitan niya rito.
"Sige na nga." Napabuntung-hininga na lang si Aling Teresa dahil sa kakulitan niya. "Basta 'wag kang magtatagal ha. Pagpasensyahan mo na rin ang mga posible niyang sabihin sa 'yo," habilin pa nito.
"Thank you po, Tita. Ako po'ng bahala sa kanya."
"At kapag may nangyari tawagin mo lang ako sa garden o kaya si Kuya Lucas mo sa k'warto niya."
Hindi pa natatapos magsalita si Aling Teresa ay patakbo ng umakyat si Yssa sa hagdan patungo sa kuwarto ni Greg.

"HOY Gregorio! Hanggang kailan mo ibuburo ang sarili mo rito?"
Ang malakas na sigaw ni Yssa ang tila nagpayanig sa mundo ni Greg matapos niyang marinig ang pagbukas sa pinto ng kanyang kuwarto. Kaya wala na siyang nagawa kundi bumangon na upang harapin ang makulit at maingay niyang bisita.
"Sino'ng nagsabi sa 'yong pumasok ka rito, Ylyssa?" ganti niyang tanong sabay hagis sa unang nakapa niya sa kanyang tabi.
"Aray! Nakakainis ka na ha," sagot nito, kahit alam niyang hindi naman talaga ito tinamaan. Hanggang sa naramdaman niyang naupo ito sa kanyang kama, sa tabi niya.
"Oh sabihin mo na ang gusto mong sabihin para makaalis ka na," giit niya.
Tumahimik lang si Yssa habang pinagmamasdan niya ang maamong mukha ng kanyang kababata. Alam niyang nahihirapan si Greg sa kalagayan nito kaya hindi niya ito masisisi kung piliin nitong laging mag-isa.
"Yssa, ano na? Umalis ka na---" Hindi na niya pinatapos pa ang pagsasalita ni Greg. Sabik niya itong niyakap na matagal na niyang gustong gawin.
"Miss na miss na kita, Greg. Wala ka na bang gagawin kundi itaboy kaming mga nag-aalala sa 'yo?" seryoso niyang sabi rito.
"Tumigil ka na nga..."
"Hanggang kailan mo kaaawaan ang sarili mo? Bumangon ka Greg, kasi marami kaming nakahandang sumuporta sa 'yo. Ako, si Tita Tere at ang Kuya---"
"Wala akong pakialam sa taong 'yon," giit ni Greg na nagpatahimik sa kanya. Hinayaan na rin niyang kumalas ito sa kanyang mga bisig.
"Sorry..."
"Kung wala ka ng iba pang sasabihin, p'wede ka nang umalis," giit nito.
"Hindi ako aalis hanggang hindi ka natatauhan," giit rin niya. Tumayo siya at hinatak si Greg paalis sa kama nito.
Pilit namang nagmatigas si Greg sa kanyang ginagawa. "Ano ba'ng gusto mo, Yssa?!" sigaw nito.
Hinila niya si Greg hanggang sa makalabas sila sa kwarto nito. "Wala akong gagawing masama sa 'yo. Kung may tiwala ka pa sa 'kin, susunod ka lang sa mga gusto ko..."
Biglang huminahon si Greg dahil sa mga sinabi niya.
Wala pa rin itong imik hanggang sa makarating sila veranda. Iginiya niya ito sa upuan upang makaupo ng maayos habang nakikinig sa surpresa niya.
"Bigyan mo 'ko ng pagkakataong pasayahin ka kahit ilang minuto lang Greg," pakiusap niya habang dahan-dahan niyang ini-strum ang kanyang gitara.

Tonight I need your sweet caress
Hold me in the darkness
Tonight you calm my restlessness
You relieve my sadness

Ipinikit ni Greg ang kanyang mga mata upang namnamin ang malamig na tinig ni Yssa. Siya ang nagturo rito ng pagtugtog ng kantang Hands to Heaven sa saliw ng gitara. Kaya pakiramdam niya ang bawat liriko ng kantang ito ay tila tumatagos sa kanyang puso.

As we move to embrace tears run down your faceI whisper words of love so softly
I can't believe this pain
It's driving me insane
Without your touch life will be lonely

Habang kumakanta si Yssa ay unti-unti rin niyang binabalik-tanaw ang masasaya nilang alaala ni Greg.
Anim na taong gulang pa lamang sila nang una silang magkakakilala. Naging tampulan ng panunukso si Yssa dahil wala siyang kinagisnang ama kaya umiiyak na lamang siya sa tuwing tinutukso siya ng kanyang mga kaklase. Hanggang sa isang araw ay nilapitan siya ni Greg at sinabing wala rin siyang kinagisnang ama ngunit hindi siya nalulungkot dahil mahal na mahal naman siya ng kanyang ina. Mula noon ay naging malapit na sila sa isa't isa dahil pareho lamang sila ng pinagdadaanan sa buhay.
"Yssa, maraming salamat..." Nangilid ang kanyang mga luha dahil sa pagpapasalamat ni Greg. Alam niyang nagustuhan nito ang kanyang ginawa.
"Sana 'wag kang mawalan ng pag-asa..." Napangiti na lang si Greg nang maramdaman niyang ang kamay ni Yssa sa kanyang kanang balikat. "Nandito lang ako para sa 'yo, bestfriend."
Kahit wala man siyang nakikita, nararamdaman naman ng kanyang puso ang mga taong nagmamahal sa kanya. Siguro nga sapat na sila upang mabuhay siya ng maayos.

Itutuloy...

Plagiarist II (Published under LIB Dark)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon