"Wala na siya, Crysca. Nahuli na tayo ng dating."
Agad na lumapit si Crysca sa kanyang Tito Rogelio dahil naguguluhan siya sa sinabi nito.
"Ano pong ibig n'yong sabihin?"
Hindi na siya sinagot nito bagkus ay sinenyasan siyang pumasok sa loob ng kuwartong iyon.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang bangkay ni Hiro na nakatali sa itaas ng kisame. Nagbigti ito upang matakasan ang kasalanang nagawa nito.
Isang nilamukos na papel ang nakita niyang hawak ni Hiro. Itinuro niya iyon sa kanyang tiyuhin kaya ito ang kumuha niyon upang hindi makaapekto sa crime scene.Oo, ako ang pumatay kay Geno! Pinatay ko siya dahil inagaw niya sa 'kin si Crysca. Siya lang ang babaeng minahal ko ng sobra pero iniwan niya ako dahil sa lalaking 'yon.
Hinding-hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko. Magkita na lang kaming dalawa sa Impyerno!Napailing na lang siya nang mabasa niya ang nilalaman ng suicide note ni Hiro.
"Sana matahimik pa rin ang kaluluwa mo. Kahit hindi mo man mapagbabayaran ang kasalanan mo kay Geno," aniya matapos niyang mag-antanda ng krus. "Lord, Kayo na po ang bahala sa kanyang kaluluwa..."
Nakayuko niyang nilisan ang kuwarto ni Hiro. Kahit paano ay mapapanatag pa rin ang kanyang loob dahil alam niyang mabibigyan na niya ng hustisya ang kanyang pinakamamahal.
Agad niyang ibinalita kina Aling Teresa at Tina ang mga nangyari. Ikinagulat din ng mga ito ang pagpapakamatay ni Hiro ngunit wala na rin naman silang magagawa kundi ipanalangin sa Diyos ang kaluluwa nito.
Paalis na siya sa apartment na iyon nang mapansin niya ang isang taong nakatayo sa harap nito. Agad itong tumalikod at dahan-dahang naglakad palayo. Nasisiguro niyang ito ang testigong tumulong sa kanya. Gusto sana niyang magpasalamat pero hindi na niya itinuloy pa ang pagtawag dito.
"Salamat sa 'yo..." bulong na lang niya sa hangin."IKUMUSTA mo na lang ako kay Satanas," ani ng taong kaaalis lamang harap ng apartment ni Hiro Kasimiro.
Nagtagumpay ang kanyang mga plano dahil sa pagpapakamatay ni Hiro. Hindi na niya kailangan pang dungisan ang kanyang mga kamay upang mapatay ito. Sadyang marupok lamang ang loob ni Hiro kaya hindi nito nakayanan ang pananakot niyang isusumbong sa mga pulis ang krimeng ginawa nito.
"Malas mo dahil napaniwala ko ang ex-girlfriend mo. Isa ka kasing malaking tanga. Gago! Papatay na rin lang, 'di mo pa inayos. Nagpahuli ka pa sa 'kin."
Totoong naroon siya nang mamatay si Geno dahil sa lasong nainom nito. Pero bago pa mangyari iyon ay nakita na niyang itinapon nito ang mineral water na inilagay ni Lucas. Nakita rin iyon ni Hiro pero ito ang nagbalik noon sa bag ni Geno.
Ginamit lamang niya ang pagkamatay ni Geno upang unti-unting pahirapan si Hiro. Wala itong kaalam-alam na siya ang nangba-blackmail dito noon pa man. Nang hindi niya napaamin si Hiro ay naisip niyang ibang tao na lang ang gumawa niyon para sa kanya. Doon na pumasok sa eksena si Crysca. Ang ilan sa mga clue na ibinigay niya rito ay hindi totoo pero nagawa pa rin nitong malutas ang misteryong iyon.
"Seren, sana maging masaya ka sa ginawa ko. Sa wakas, natupad ko na ang ipinangako ko sa 'yo."
Ginawa niya ang lahat ng iyon upang maipaghiganti ang kakambal niyang si Serenity na nagpakamatay dahil hindi pinanagutan ni Hiro ang dinadala nito sa sinapupunan.
Ngayong naisakatuparan na niya ang kanyang inaasam ay maaari na niyang kalimutan ang mga nangyari. Muli niyang ipagpapatuloy niya ang kanyang buhay ng nag-iisa.TULUYAN nang naisara ang kaso ni Geno dahil sa pagpapakamatay ni Hiro. May iilan pang ebidensya ang nakuha sa kuwarto niya gaya ng mga stolen shot ni Geno sa iba't ibang lugar na pinupuntahan nito.
Ang Tita Jerusha na lamang ni Hiro ang natitira niyang kamag-anak. Pero hindi na ito nagulat pa nang mabalitaan ang pagpapakamatay ni Hiro dahil ilang beses na itong nagtangkang kitlin ang sariling buhay. Nawalan na siya ng pag-asang mabuhay magmula nang mamatay ang mga magulang at kakambal nito sa isang sunog. Siya ang dahilan ng aksidenteng iyon kaya habambuhay niyang sinisi ang kanyang sarili sa kanilang pagkamatay.
Unti-unting nanumbalik ang liwanag sa buhay ni Hiro nang maging nobya niya si Crysca. Ngunit hindi rin nagtagal ang kanilang relasyon dahil sa pagiging obssesive at seloso niya. Kaya nang maghiwalay sila nito ay nanumbalik ang kanyang madilim na pagkatao.
BINABASA MO ANG
Plagiarist II (Published under LIB Dark)
Mystery / ThrillerBook II - Plagiarist Duology Hanggang saan ang kaya mong isakripisyo upang makamit ang pinakaaasam mong pagpapatawad mula sa taong pinagkakautangan mo ng isang napakalaking kasalanan? Muling magpapatuloy ang mga buhay ng magkakapatid na naging bikti...