Nabagok ang ulo ni Lucas kaya ipinasya ng doktor na obserbahan ang kanyang kalagayan. Nagtamo rin siya ng maliit na sugat sa likod ng kanyang ulo. Mabuti na lamang hindi siya gaanong napilayan dahil sa lakas ng pagkakabagsak niya sa sahig.
"Tita, posible kayang bumalik na ang mga alaala ni Lucas dahil sa pagkakabagok ng ulo niya?" pagpapalagay ni Tina habang mahigpit na hawak ang kanang kamay ng kanyang kasintahan.
"Iyon din ang ikinakatakot ko, anak. Hindi ko na alam kung paano ko ipapaalam sa kanya na dapat na niyang patawarin ang kanyang sarili," nanlulumong sagot ni Teresa. Muli niyang hinawi ang mga luhang tila hindi na niya maapula.
"Ako po ang magpapaliwanag sa kanya," ani Tina. Balak na rin niyang ipagtapat kay Lucas ang katotohanan sa oras na magising ito.
"Salamat, Tina."
Huminga ng malalim si Tina upang ihanda ang kanyang sarili. Napagdesisyunan na nila ni Crysca na sabihin na rin ang katotohanan sa ina ni Lucas.
"Tita, may gusto po akong sabihin sa inyo tungkol sa pagkamatay ni Geno," panimula niya na ikinagulat nito.
"Ano'ng ibig mong sabihin, Tina?"
"May tao pong nakasaksi sa mga totoong nangyari noon. Sa ngayon po ay tinutulungan niya kami ni Crysca na alamin kung sino ang totoong pumatay kay Geno."
Hindi agad nakapagsalita si Teresa dahil sa pagkabigla. Hindi niya matanggap na nasira ang buhay ng kanyang mga anak dahil lang sa isang malaking kasinungalingan.
"Noon, kahit napakahirap ay pinatawad ko si Lucas nang malaman kong siya ang nakapatay kay Geno. Hindi ko kayang ipakulong ang sarili kong anak kaya hindi ko na ipinagpatuloy ang kasong 'yon." Muling napaluha si Teresa ngunit sa pagkakataong ito ay nangingibabaw ang galit niya sa taong pumatay kay Geno. "'Yon pala, pare-pareho tayong nabiktima ng panloloko ng taong 'yon. Sinira niya ang buhay ng mga anak ko."
"Tama na po, Tita. Kapag nalaman na natin kung sino ang taong 'yon, wala nang mangyayari pang masama kay Lucas," ani Tina habang hinahaplos ang likod nito.
"Kailangang malaman ng mga pulis ang tungkol dito," giit ni Teresa.
"Ako na pong bahalang mag-report. Pulis po ang Tito Rogelio ko. Pero sa ngayon po, mas makakatulong po kung ipaalam natin sa kanila kapag nakilala na natin ang taong 'yon," katwiran ni Tina.
"Sige. Sana lang hindi kayo mapahamak ni Crysca sa gagawin n'yo."
"Opo. Mag-iingat po kami."
"Dito ka muna, anak. Kakausapin ko lang ang doktor," ani Teresa bago lumabas sa kuwartong iyon. Balak niyang sumangguni sa doktor upang mapabilis ang pagbabalik ng mga alaala ni Lucas.
Napagpasyahan ni Tina na taimtim na lamang na manalangin para sa kaligtasan ni Lucas.Bunso, 'wag kang magalit kay Kuya Lucas. Wala siyang kasalanan...Wala siyang kasalanan...
Naalimpungatan si Greg nang maulinigan niya ang boses ng kanyang Kuya Geno. Kasabay nito ang muling pagkalam ng kanyang sikmura. Hindi na siya bumaba ng kanyang kwarto mula nang iwan siya ng kanyang ina upang dalhin sa hospital si Lucas. Halos ilang oras na rin siyang nagkukulong dito kaya nakatulugan na niya ang gutom at ang sobrang pagkainip.
"Hindi ko siya kayang patawarin, Kuya."
Nanatili siya sa kanyang pagkakahiga habang mahigpit niya hawak ang kanyang laruang kotse.
"Greg, p'wede ba tayong mag-usap?" Agad niyang nakilala ang boses ni Crysca kaya agad ding siyang bumangon upang pagbuksan ito ng pinto.
Nang makapasok si Crysca ay inalalayan pa siya nito palapit sa kanyang kama. Hindi na siya nag-usisa pa kung bakit gusto siyang makausap nito dahil sigurado siyang may kinalaman iyon sa nangyari kanina.
"Okay ka lang ba rito? Kumain ka na ba?" tanong nito na sinagot niya sa pamamagitan ng marahang pagtango. "Pinapunta ako rito ni Tita Teresa para samahan ka."
"Salamat, ate," matipid niyang sagot. Kinapa niya ang kanyang headset upang muling aliwin ang sarili sa pakikinig ng musika.
"Greg, alam kong galit ka pa rin kay Lucas..." Bigla siyang napayuko nang bigla itong sabihin ni Crysca, "Pero sana sa sasabihin ko sa 'yo ngayon ay unti-unti mo na siyang mapatawad."
"Ano'ng ibig mong sabihin, Ate Crysca?"
"Paano kung hindi talaga si Lucas ang pumatay kay Geno?" makahulugan nitong tanong.
Hindi siya nakasagot dahil ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya ang tanong na iyon.
"Alam mo bang may isang testigo sa pagkamatay ng Kuya mo. At ngayon ay tinutulungan niya akong alamin kung sino ang totoong pumatay kay Geno," giit nito.
"Si Lucas ang pumatay sa kanya. Kaya hindi mo mapapatunayang inosente siya, Ate," giit niya.
"Pero---"
"'Yon lang ang paniniwalaan ko," giit pang muli ni Greg.
Napabuntung-hininga na lamang si Crysca dahil sa naging reaksyon ni Greg. Talagang hindi niya mapipilit pa ang nais niyang ipaintindi rito. Maaaring panahon na lamang ang magpapawi sa nararamdaman nitong galit kay Lucas.
"Sige, naiintindihan kita," aniya. Tumayo siya upang ipaghanda ng makakain si Greg, na ibinilin ng kanyang Tita Teresa. "Dadalhin ko na lang dito 'yong pagkain mo."
"Sige, ate. Salamat," matipid nitong sagot.
BINABASA MO ANG
Plagiarist II (Published under LIB Dark)
Mystery / ThrillerBook II - Plagiarist Duology Hanggang saan ang kaya mong isakripisyo upang makamit ang pinakaaasam mong pagpapatawad mula sa taong pinagkakautangan mo ng isang napakalaking kasalanan? Muling magpapatuloy ang mga buhay ng magkakapatid na naging bikti...