Kapitulo XI - Sikreto

189 9 0
                                    

Pakiramdam ni Crysca ay tila may nag-uudyok sa kanya na muling buksan ang kanyang Facebook account. Napagpasyahan niyang hindi na iyon buksan makalipas ang dalawang linggo matapos mailibing si Geno. Sapagkat naisip niyang mas lalo lamang siyang masasaktan kapag nakita niya ang mga pictures at private message nila roon.
Halos aabot na sa isang libo ang notifications at sampung friend requests ang natanggap niya roon. Ang una niyang naisip buksan ay ang labing-tatlong private messages.
"Nag-PM sa 'kin si Geno?" nagtataka niyang tanong nang makita niya ang pinakahuling mensaheng naroroon. "Ibig sabihin, ipinadala niya 'to tatlong araw bago siya---" Hindi na niya tinapos ang kanyang sasabihin dahil agad na niya itong binuksan.

Loveyko,

May sikreto akong gustong sabihin sa 'yo. Malalaman mo ang mga 'yon sa pamamagitan nitong secret email address ko.
email address: mysterious.eyes0704@yahoo.com.ph
password: Theonebehindthosemysteriouseyes
Sana maintindihan mo ang mga ginawa ko. Mahal na mahal kita, higit pa sa iniisip mo.

Napatitig siya sa screen ng kanyang laptop nang mabasa niya ang mensaheng ito ni Geno. Hindi na rin siya nagdalawang-isip pa kaya agad siyang nagbukas ng bagong tab upang mai-log-in ang account na iyon sa Yahoo! website.
Halos sampung libong mensahe sa Inbox ang bumungad sa kanya sa email address na iyon. Ang limampung pinakabagong mensahe mula roon ay may kaugnayan sa Wattpad.
"Ibig sabihin, ito ang secret account niya bilang si Mysterious Eyes."
Isa-isa niyang binuksan ang mga mensaheng iyon upang alamin kung ano pa ang sikretong gustong ipaalam sa kanya ni Geno. Pero napahinto siya sa kanyang ginagawa nang maisipan niyang buksan muna ang Sent items at mga Drafts.
Wala namang kakaiba sa mga mensaheng ipinadala ni Geno, na karamihan ay para sa mga kaibigan niya sa Wattpad.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang mabasa niya ang pinakahuling unsend email ni Geno para sa kanya.

To: crystal02cassandra@yahoo.com
Subject: Mysterious Secrets
Draft Saved: December 11, 2012

"Ano kayang gusto niyang sabihin sa 'kin pero 'di niya itinuloy?" aniya nang akma na niyang bubuksan ang mensaheng iyon.

Loveyko,
Kapag nabasa mo 'to, siguradong alam mo na ang sikreto kong pagkatao bilang si Mysterious Eyes. Isa akong manunulat sa Wattpad mula pa noong August 15, 2011 hanggang sa kasalukuyan.
Itinago ko ang sikretong ito lalong-lalo na kay Mama dahil natatakot akong pigilan niya ako sa pagsusulat. Alam kong ayaw niya lang akong mapahamak gaya ni Papa. Pangarap kong makapagpalimbag ng mga librong alam kong magugustuhan at tatangkilikin ng mga tao. Kaya hinding-hindi ko kaya talikuran ang pagsusulat.

Naihinto niya ang pagbabasa rito nang maalaala niyang minsan na pala niyang nakita ang mga kuwentong nakatago sa laptop ni Geno. Hindi na siya nag-usisa pa noon dahil iginagalang niya ang privacy ng kanyang kasintahan. Basta ang alam lamang niya ay may talento si Geno sa pagsusulat ng mga tula, na lagi nitong ihinahandog sa kanya.

Hindi lamang ito ang gusto kong malaman mo, loveyko. Malaki ang naitulong ng pagsusulat upang malaman ko ang isang bagay na magpapabago sa aming mga buhay.
Isang tao ang nakilala ko sa Wattpad, si darkprince_Lucas na kalaunan ay naging kaibigan ko na rin. Noong una ay hindi ko ipinaalam kung sino talaga ako. Ngunit dahil sa pagiging malapit namin ay naisip kong ipagkatiwala na rin ang mga sikreto ko.

"Si Lucas ang tinutukoy niya," aniya.

Habang tumatagal ang aming samahan ay unti-unti na rin naming nakikilala ang isa't isa. Hanggang sa isang malaking rebelasyon ang nalaman ko tungkol sa kanya. Magkapatid kami sa ina ni darkprince_lucas o si Lucas De Dios. Ibig sabihin nito ay may nakakatanda kaming kapatid ni Greg. Sigurado akong matutuwa si Bunso kapag nalaman niya ito.
Dahil sa nalaman ko ay pumayag ako sa plano ni Kuya Lucas na magkita kami sa Morris Paradise sa bisperas ng kasal ni Bb. Maria Mariposa. Ngayon ang araw na iyon, pero hindi niya ako sinipot. Hindi ko alam kung bakit pero may nararamdaman akong kakaiba.

Plagiarist II (Published under LIB Dark)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon