for 6/18/17
written: 6/19/17
------
Mahal, alas dose ng gabi, naisulat ko ang tulang 'to, para sa'yo
Kahapon ko pa naisipan ngunit ngayon lang naisulat ang munting tula
Dahil hindi mawala sa aking isipan ng narinig ko ang isang kanta na tumatak sa aking isipan
So, eto na. Magsisimula na ako, sana'y makinig ka ng maigi
Mahal, hindi ko alam kung bakit mo ako nagawang iwan
Hindi ko mawari ang tunay na dahilan
Ng tuluyan ka ng lumisan
Siguro paulit-ulit ng naririnig ang linyang ito pero sa pang ilang-libong beses,
Uulitin ko sa iyo, kung saan nga ba ako nagkulang?
Mahal, naaalala mo pa ba nung palagi tayong magkasama kahit kapos tayo sa pera?
Naalala mo pa ba kung gaano mo ako napapangiti sa simpleng pagkain sa may eskinita?
Naalala mo rin ba kung gaano ako kasaya na makita ka minsanan sa isang buwan?
Alam ko naalala mo iyon, mahal.
Pero hindi mo alam kung paano ako umiyak mag-isa sa tuwing oras mo ng umalis
Hindi mo alam kung gaano ko gustong sabihin na sana'y manatili ka nalang palagi sa aking tabi
Hindi mo alam ang totoong dahilan kung bakit palagi kitang inaalapin sa tuwing nandiyan ka
Dahil kesa ituon mo ang iyong atensyon sa mga kaibigan, gusto ko sa akin na
Hindi man halata, pero gustong gusto ko na abot kamay lang kita
Ang sarap sarap mo magluto, buhay ko'y parang prinsesa
May panahon na nagbakasyon ako sa iyo, sa maliit na mumurahing tirahan
Sa hindi kamahalang pagkain na naibibigay pero ang saya-saya ko na makasama lang kita
Nakabuntot ako sa iyo palagi at ayokong naiiwan mag-isa dahil masaya ako sa iyong tabi
Mahal, andami nating pinagsamahan
Hindi ko man masabi-sabi, pero ikaw ang paborito ko
Hindi mo kasi ako sinasaktan ng sa kahit anong paraan
Hindi mo magawang magalit sa akin at kung magalit man ay nananahimik lang
Ganoon mo ako kamahal. Ang kaisa-isang babaeng pinakamamahal mo sa lahat.
Sa pagkakaalam ko.
Pero anong nangyari?
Ikaw ba'y nagsawa na?
Hindi mo man lang ba naisip ang masasayang ala-ala noong tayo'y magkasama?
Kung ika'y nagsawa man, hindi ba kayang higitan ng masaya ang pagkasawa?
Hindi ba lahat ng problema may solusyon?
Pero bakit, mahal?
Akala ko ba higit pa sa sarili mo ang pagmamahal mo sa akin simula nung unang araw na tumama ang iyong mga mata sa aking mukha?
Kampante ako pero ano nga bang nangyari at unti-unti kang bumitaw, mahal?
Kung napuno ka na sa lahat ng tao sa paligid mo, hindi pa rin ba ako sapat para maibsan ang inis mo?
Hindi mo man lang ba naisip kung ilang beses kitang napangiti at napatawa kahit sa mumunting paraan?
Alam kong marami akong pagkukulang at hindi ko masabi-sabing mahal kita
Pero sana, sinabi mo man lang nang ang pagkukulang ay mapunan ng hindi ka sana lumisan
Pero hindi. Walang pag-aalinlangan, walang pagdadalawang-isip, tuluyan mo akong iniwan
Nanatili akong walang kibo. Hindi kita pinigilan.
Dahil akala ko, hindi mo kakayanin at babalik ka pero mali ulit ang nasa aking isipan
Nang tuloy-tuloy ang iyong lakad na kahit isang tingin ay hindi mo na ginawa, wala pang dalawang minuto ay wala ka na
Ganoon kabilis kang nawala ng napatingin na ako sa tinahak mong daan
Wala ka na
Nagalit ako pero mas nainis ako dahil nakayanan mong iwan ako
Hindi ko alam
Paulit-ulit, hindi ko alam kung bakit ka agad lumisan
Sana simpleng pag-alis lang ang iyong ginawa pero walang awa mong dinala ang kalahati ng aking pagkatao
Kaya eto ako mahal
Sinusubukan kong kumpuniin at ipinagtagpi-tagpi ulit ang nabasag kong puso
Pero sa tuwing naiisip kita, parang paulit-ulit nabubuwal ang pandikit na ginamit ko
Mahal, pupwede bang bigyan mo ako ng eksaktong sagot?
Eksaktong rason kung bakit nagawa mo ang isang bagay na pinaka hindi ko inasahan?
At sana'y maibalik mo ang piraso ng pagkatao kong tinangay mo?
Dahil mahal, nahihirapan akong magtiwala
Paningin ko'y lahat ng makikilala ko magagawa akong iwan dahil ikaw mismo hindi nag-alinlangan
Hindi ko mapigilang isipin na ako palagi ang may mali kaya iniiwan
Sobrang nahihirapan akong magtiwala at magmahal ng walang halong kaba sa kalooban
Hindi ko alam
Ilang beses ba itong pumasok sa aking isipan?
Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang magalit sa'yo ng lubusan
Hindi ko alam kung mayroon pang pagmamahal na natira ng ako'y iwasan
Hindi ko alam kong minahal mo ba akong talaga o ika'y napilitan
Hindi ko alam kung bakit hindi kita magawang limutin kahit paulit-ulit na akong nasabihan na ika'y kalimutan
Hindi ko alam kung bakit hindi mabawas-bawasan ang aking nararamdaman
Pero alam mo ba mahal, ang pinaka hindi ko makalimutan?
Iyon 'yung kung bakit hindi ka man lang nagpaalam.
BINABASA MO ANG
Poems Of Different Kinds
PoetryPoems written in tagalog and english pero hindi na talaga poems lahat xD. Random thoughts of an author. Baka maka relate rin kayo kamo. hahaha