Patak ng Luha

95 1 0
                                    

10/22/2017, 9:08PM


------------------------------

Hindi sa lahat ng pagkakataon, dapat malakas ka. 


Hindi ka palaging matatag. Minsan nakakapagod ding gumawa ng sariling bakod sa iyong pagkatao upang hindi masaktan. Nakakapagod ding magkunwari na malakas ka palagi. 

Na sobrang tigas ng puso mo. 

Na walang makakatibag nito. 

Na walang sinumang makakahila sa iyo pababa. 

Na hindi ka naaapektuhan sa mga bagay sa kapaligiran na pilit mong pinipikit ang mga mata at pagsarado ng tenga. 

Na kunyari wala lang sa iyo ang masasakit na salita nila at ang harapang kagaguhan niya. 

Minsan nakakaginhawa ring mapalabas ang sakit sa kalooban. Iyong pakiramdam na hahayaan mo na ang sarili na magpalabas ng emosyon. 

Emosyong kinikimkim ng matagal at kung napupuno na ang metro at naging sukdulan, saka na. 

Saka mo na mararamdaman ang unti-unting pagpitik ng pintig ng puso. 

Ang paghigpit nito na tila pumipilipit ng dahan-dahan sa iyong kaloob-looban.

Ang ilang ulit na pagpigil ng hininga mo na may pagbabakasakali pa ring pigilin ang nararamdaman pero hindi na magawa.

Hindi na mawaring maglabas ng isang salita dahil ang bibig ay nakatikom na at may halong nginig. 

Nakukuyom ang kamao. 

  Napapapikit. At ayun na..

...ang patak ng luha. 

Isang patak sa gilid ng kanang mata. 

Ikalawang patak sa kaliwang mata.

Paisa-isang tumulo ang mga luhang hawig ng patak ng ulan ngunit hindi kagaya ng ulan na malakas ang lagapak ng patak dahil ang sa kanya'y walang niisang himig. 

  Ang pagluha na tahimik na puno ng hinagpis ang siyang naturingan na pinakamasakit na tila ba isang sundalo na natalo sa digmaan ngunit hindi kagaya ng digmaan na sanduguan dahil ang sa kanya'y puso ang nagdurugo.   

Tahimik na lumuluha.  Ni isang tunog ay walang nalilikha. Tuluyan ng hinayaan ang sarili at binasag lahat ng bakod.

Isang masakit na pangyayari ng minsanan siyang tanungin kung bakit lumuluha pero nalito ang isipan kung bakit nga ba at alin nga ba doon ang eksaktong dahilan.

Idinilat ang mga mata, ngumiti siya at sinambit na hindi niya alam. Ang pinakamabilis na sagot para iwasang sagutin ang mahirap na 'bakit'.

Hindi naman niya talaga mawari kung ano ba talaga ang tunay na dahilan pero ang alam niya, may ginhawa sa naramdamang kalungkutan.

Ito ang pakiramdam na simpleng tao pa rin siya na may imperpektong emosyon.

Nakakaramdam naman talaga siya ng sakit.

Hindi nga lang niya madalas pinapakita at kung mayroon mang nakakita sa kanyang pagluha, ibig sabihin lang nito ay malaki ang kanyang tiwala. 

Ayaw ipakita sa iba dahil ang pinakatatakutan niya ay ang malaman ang kahinaan at gamitin sa kanya. 

Na sa kabila ng maskara, may nagtatagong kahinaan.

Bilang na bilang ng kanyang mga daliri kung iilan ang nakasaksi sa kahinaang ito. 

Ang dami daming salita na gustong sambitin pero hindi alam kung papaano dahil nagkakabulol-bulol sa loob ng isipan, walang ideya kung paano bibitawan kaya nadaan sa luhaan. 

Daan-daang patak ng luha.

Isang libong salita.

Isang matinding dahilan.


Hindi sa lahat ng pagkakataon, dapat malakas ka. 

Kung nais mong umiyak, umiyak ka. Bumigay ka sa sakit na nararamdaman dahil tao ka at hindi bato. 

Poems Of Different KindsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon