“H-hoy…b-bakit ka tumayo?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Jenny nang makitang tumayo ang binatang parang sinto sinto kumilos. “P-problema nila ‘yan, ‘w-wag kang makisawsaw.” Hindi maintindihan ni Jenny ang sarili pero nakaramdam siya ng takot para rito. Marahil dahil iniisip niyang kababayan niya ito at ayaw niyang may nakikitang nabubugbog-saradong Pilipino sa harapan niya. “H-hoy,” tawag niya ulit dito nang tila hindi siya nito narinig at nagpatuloy lang sa paglalakad. “H-hoy!” Napalakas na ang tinig niya sa pangatlong pagtawag niya rito. Sanhi upang mapatigil ito at lumingon sa kanya. Akala niya magsasalita ito ngunit tinanggal lang nito mula sa balikat ang nakasukbit na katana at inihagis iyon sa kanya. Mabuti na lamang at alerto siya kaya nasalo niya iyon.
“Hoy sinto sinto! Huwag mong sabihin sa’king gusto mo silang labanan nang wala kang armas?!” pabulyaw na tanong niya sa lalaking mayabang na nakatayo sa harap ng mga nambugbog sa lalaking duguan. Sa pagkainis niya’y kinindatan lang siya ng binata at muli na itong tumalikod.
“Nakita mo ba ‘yon?” ‘Yung nabugbog na lalaki ang pinagbalingan niya ng pagkaasar. “Nakita mo ba ang ginawa niya?! Hah! Ang yabang niya talaga! Ang yabang!” Inis siyang napalingon ulit sa direksyon ng binata. “Mabugbog ka sana! Ang yabang mo! Akala mo ba kakayanin mo sila sa dami nila?! Hah! Yabang! Ang yabang yabang yabang yabang mo!” Inis na inis talaga siya. Hindi niya maintindihan ang sarili pero talagang naiinis siya.
“Ikaw!” Muli na naman niyang ibinaling ang pagkainis sa nakabulagta nang dayuhan. “Sabihin mo nga sa’kin, paano niya matatalo ‘yang mga sira-ulong yan? Eh ang dami dami nila! Nakakainis talaga. Nakakainis! Mabugbog sana siya!”
“H-huh?” hirap na hirap wika ng maputing dayuhan. Napahawak ito sa sugat nito sa dibdib at napadaing sa sakit.
“A-ah…” Oo nga pala, hindi nga pala Pilipino ang kausap niya’t hindi siya nito naiintindihan.
“H-help me… p-please…” Muli itong humingi ng tulong sa kanya. Dumaing na naman ito sa sakit ng mga sugat na natamo.
“T-teka.” Mabilis siyang tumayo sa kinauupuan upang tulungan ang lalaki. Mayamaya lang ay tarantang-taranta na siya sa pag-iisip kung paano niya matutulungan ang lalaki.
“Nakakainis talaga. Kung tinulungan ka na lang niya. Paano na lang kung mamatay ka rito?! Grabe talaga, inuna niya pang makipag basag-ulo kesa tulungan ka?! Bacteria siya! Bacteria!” Inis siyang tumayo ulit at kumuha ng damit mula sa bag niya.
“Eeeh! Nakakainis talaga! Itapon ko ‘yang mga katana niya eh! Bwisit talaga siya! Bwisit!” Para siyang bata habang nagsasalita.
Hindi naman talaga siya mahilig mag-rant. Pero hindi niya rin maipaliwanag kung anong meron sa barumbadong ‘yon at nagkakaganito siya ngayon.
Lalo pa siyang nainis dahil walang lumalapit sa kanila para tumulong pero panay naman ang sigawan ng mga taong naroroon.
Kumuha siya ng isang puting T-shirt at malakas na isinara ang zipper ng bag niya na ikinasira naman nito.
“Kapag napatay siya ng mga lalaking ‘yon itatapon ko lang siya sa dagat! Basagulero, masungit, ang pangit ng ugali!” she ranted again. Hindi na niya iniisip kung malapit lang ang mga iyon. Hindi na niya gusto pang lingunin ang mga ito.

YOU ARE READING
Blue Fangs
ActionWhen you think you're living a normal life, you'll realize that it's actually way beyond extraordinary.