ISANG MAHABANG paghinga ang pinakawalan ni Maddie habang pinapanood ang mga tao na bumaba at sumasakay sa tren. Pangalawang tren na iyon simula nang dumating siya. Luminga-linga siya sa paligid at pilit na hinahanap ang random guy na nakita niya noong isang araw. Sumulyap siya sa relos sa itaas na bahagi ng istasyon na iyon.
6:30.
Hinawakan niya ang dalawang strap ng backpack niya, tinapik-tapik ang kanang paa sa semento at muling luminga sa paligid. She groaned.
“Bakit wala pa siya?” bulong niya. Nilingon niya ang tren na dumating. “Last na ‘to…” aniya sa sarili.
Ang susunod na darating na tren ay sasakyan na niya. Gusto niyang pagalitan ang sarili sa ginagawang kalokohan. Iba na ang ayos niya ngayon. Dati-rati’y ay palagi siyang naka-pony tail at ni walang polbo sa mukha. Ngayon ay inabot siya ng treina minutos sa harap ng salamin para lamang mag-ayos. Inilugay niya ang kanyang buhok at nagpabango siya. Pabango. Hindi baby cologne. Naglagay rin siya ng lip gloss para magkaroon ng buhay ang namumutla niyang mga labi. Pero sa kalagayan ay tila mawawalan din ng saysay ang kanyang make-over sa sarili dahil kahit anino ng random guy na iyon ay hindi niya natatanaw.
“Excited pa naman akong magpacute…” wika niya.Nagpalinga-linga siya at umaasang makikita ang lalaki.
Napabuntong-hininga siya nang makita na ang paparating na tren. Laglag ang mga balikat ay naglakad siya palapit sa tamang tayuan. Maybe she hoped too much. Baka nga naman nagkataon lang na nagkasabay sila. Nang bumukas ang pinto ng tren ay hinayaan muna niyang makalabas ang mga nasa loob saka siya pumasok at naupo.
Kating-kati na siyang ipusod ang buhok. Sayang lang ang effort niyang magpaganda dahil hindi rin naman niya nakasabay si Random Guy. Binuksan niya ang backpack niya at naghanap ng panali ng buhok. Ngunit kahit anong puwedeng ipantali ng buhok ay wala siya. Muli niyang isinara ang kanyang bag. Pag-angat niya ng tingin ay biglang bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. Nakatayo ang lalaking hinihintay niya ilang hakbang mula sa kanya. Ang kaninang ingay ng tren na naririnig niya ay napalitan ng malakas na kabog ng kanyang dibdib.
Nakahawak ang kamay nito sa handle at ang isang kamay ang nasa bulsa. Nakapatong ang polo nito sa isang balikat. Malinis ang gupit ng buhok nito hindi kagaya ng ibang mga nakakasabay niyang estudyante na hindi niya maunawaan kung ano ba talaga ang istilo ng pananamit at ayos ng buhok ang ginagaya.
Bakit hindi pa niya ako napapansin?
Napanguso siya. Muli niyang binuksan ang bag niya ay hinanap sa loob ang kanyang cellphone para itext si Tricia. Hindi sinasadyang nailabas niya ang kanyang train ticket at humagis iyon malapit sa paanan ng lalaki. Napasinghap siya at tiningnan ang lalaki. She froze and stared at him nervously.
Niyuko iyon ng lalaki at balewalang dinampot ang train ticket niya. Humakbang ito palapit sa kanya.
“Nalaglag mo ito…” wika ng lalaki. His voice was soft and deep.
Nanginginig ang kamay na inabot iyon ni Maddie. “S-Salamat.” Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang kumurap. Kung puwede lang kurutin niya ang sarili ay ginawa na niya para lamang matiyak niya na hindi siya nananaginip.
Nagkibit lang ang lalaki at muling bumalik sa puwesto nito. Samantalang si Maddie ay nakatitig pa rin sa train ticket na inabot ng lalaki. Gusto niyang hagkan ang train ticket dahil kung hindi niya iyon nalaglag ay hindi siya mapapansin ng lalaking hinahangaan.
Ang ganda ng boses niya! Parang DJ!
Kinuha niya ang kanyang notebook at nagsimulang magsulat.
I heard his voice for the first time. Parang vicks vapor rub. Humahagod!
Inipit niya ang ballpen sa notebook at muling ibinalik iyon sa bag. Nilingon niya ang lalaki. Nakatalikod na ito at nagtetext. Napangiti siya nang maalala ang sinabi ni Tricia na maglaglag siya ng panyo para mapansin siya ng lalaki. Makabagong panahon na ngayon at hindi na panyo ang inilalaglag. Train ticket na!
NANLALAMIG ang mga kamay ni Charles habang nagtetext kay Grent. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam siya ng matinding kaba.
Dude, aatras na ako sa usapan. Hindi ko kaya.Text niya kay Grent.
Ngayon pa? Kilala mo ang grupo nila Francis. Hindi ka titigilan ng mga ‘yun!
Humigpit ang hawak ni Charles sa cellphone. Sandali niyang nilingon ang babaeng nahulog ang train ticket kanina. Ibinalik niya ang atensyon sa cellphone at tiningnan ang larawang ipinadala sa kanya ni Francis.
It was her.
Ang babae na malimit niyang makasabay sa tren ang target ng grupo nila Francis!
Bakit siya?
Narinig niya minsan sa usapan ng mga kaibigan ni Francis na may kursunada itong estudyante sa kabilang school. Pinagtawanan pa niya ang bagay na iyon. Marami siyang kilalang estudyante sa kalapit nilang escuelahan. Hindi sa pagmamayabang ay kilala niya halos lahat ng mga tpinakamagagandang babae sa escuelahang iyon. Pero sa pagkakataong ito ay ngayon lang yata niya nakita ang babaeng kursunada ni Francis.
Maganda ito at mukhang may lahing Chinese. Kilala niya lahat ng miyembro ng sorority group sa kabilang escuela. Malamang ay hindi ito miyembro ng kahit anong sorority group kaya hindi niya kilala.
Isang mahabang paghinga ang ginawa niya. Gusto ni Francis na kidnap-in ang babae at dalhin sa teritoryo nito. Hindi na niya iyon magagawa. Aatras na siya sa usapan. Akala niya ay simpleng initiation lang ang ipagagawa sa kanya kaya lakas loob siyang pumayag. Muli siyang nagtext kay Grent at sinabing magkita sila sa canteen.
MABILIS na dinura ni Charles ang dugo sa bibig. Grent set him up. Hindi ito sumipot sa usapan nilang magkita sila sa canteen. Sa halip ay grupo nila Francis ang naabutan niyang naghihintay roon. Masama na ang kutob niya sa una pa lang na makita niya ang grupo nila Francis kanina. Nang sabihin ng mga ito na sumama sa kanila ay hindi na siya pumalag. Hindi niya gustong umabot pa sa guidance ang nangyayari.
Namimilipit siya sa sahig habang pilit na umiiwas sa mga sipa at palo na tinatamo niya mula sa grupo ni Francis. Nanghihina na siya nang buhatin siya ng dalawang lalaki. Pag-angat niya ay si Francis ang nakita niya.
Nagmakaawa siya rito ngunit bingi ito sa mga sinasabi niya. Hanggang sa mahagip ng mga mata niya ang metal na bagay na hawak nito. Kaagad siya nilukuban ng takot. Alam na niya ang mangyayari sa kanya. Kailangan na niyang mag-isip nang mabilis kung paano makakatakas sa mga ito.
Kasabay ng pagdaan ng tren ay kaagad siyang bumitaw sa mga lalaking nakahawak sa kanya at tumakbo nang walang lingon. Umakyat siya sa pinakamalapit na istasyong nakita niya. Kahit nanlalabo ang kanyang mga mata ay nakita niya ang babaeng kursunada ni Francis.
Sa nanghihinang tinig ay nagsalita siya, “M-Miss…”