PROLOGUE

60 1 0
                                    

 

TATLONG estudyante ang nakapaligid sa lalaki na katulad ng mga ito ay estudyante rin. Ang dalawa ay nagmamasid. Nakaluhod siya at may piring ang mga mata. Naririnig niya ang mahinang tawanan ng mga ito. Kasabay ng mga tawang iyon ay ang ugong ng tren. Alam niya kung nasaan sila. Isang tagong lugar sa isa mga istasyon ng tren malapit sa university nila.

            “Hindi ka sumunod sa usapan, bro!” wika ng isa.

            Naramdaman niya ang pagtapik nito sa kanyang balikat at walang sabi-sabing inundayan siya ng suntok. Ungol lang ang naging tugon niya sa ginawa nito at napahandusay siya sa semento. Hindi siya dapat naririto sa ganitong kalagayan kung nakinig siya sa kaklase niya. Ngunit sadyang matigas ang ulo niya. Sumali siya sa fraternity dahil iyon ang pustahan nila ni Grent, isa sa mga kabarkada niya. Pinigilan siya ng isa sa kabarkada niya ngunit hindi siya nakinig.

            Nakapasa siya noon sa unang initiation. Hindi naman mahirap ang ipinagawa sa kanya. Ngunit ang sumunod ay naging mahirap na at hindi na kaya ng konsensya niya na gawin. Ipinag-utos ng mga ito na bugbugin ang isa sa mga kaklase nito. Walang dahilan. Basta bugbugin lang. Hindi nya magagawa iyon. Pustahan lang nila ni Grent na kapag naipasa niya ang unang pagsubok titiwalag na siya sa grupo. Ngunit gayon na lang ang pagkabigla niya na hindi birong grupo ang napasukan niya. Handa ang mga ito na pumatay ng kahit sinong maibigan.

            Naramdaman niya ang paghatak sa kanya ng isa pang estudyante. Malalaki ang mga ito kumpara sa kanya. Fourth year college na ang mga ito samantalang siya ay nasa second year college lang.

            “Alam mo naman ang nangyayari sa mga hindi sumusunod sa usapan, hindi ba?” anang lalaki na humatak sa kanya patayo.

            Umubo siya. “P-Pasensya na. H-Hindi ko kaya ang ipinagagawa ‘nyo sa akin,” aniya sa nanghihinang tinig.

            “Pasensya na rin, pero hindi ko tinatanggap ang dahilan mo.” Muli inundayan siya ng suntok nito.

            Pagkatapos ay tinanggal ng isa ang piring niya sa mata. Limang estudyante ang humantad sa kanya. Pakiramdam niya ay dugo na ang dumadaloy na pawis sa kanya. Naging malikot ang kanyang mga mata. Pinunasan niya ang mukha at kasabay niyon ay nag-iisip na kung paano tatakasan ang mga ito. Nakarating na siya rito. Mga dalawa o tatlong beses marahil. Alam niya kung saan siya posibleng tumakbo kung sakaling balak siyang patayin ng mga ito.

            “G-Ga..Gawin ko ulit ang ipinagagawa ‘nyo. Bigyan ‘nyo pa ako ng isa pang pagkakataon, bro.” Pagmamakaawa niya sa mga ito.

            Humakbang palapit sa kanya ang lider ng grupo. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang pagkislap ng metal na hawak nito. Alam na niya ang gagawin nito. Ngunit bago pa siya tuluyang makatakbo ay nahawakan siya nito. Itinaas nito ang hawak na kutsilyo at iuunday na sa kanya.

            Mabilis siyang nakaiwas. Ngunit nadaplisan ang kanang dibdib niya. Hindi niya alam kung daplis nga lang ba iyon. Wala na siyang maramdaman kundi’y kaba at takot. May dugong dumaloy sa kanyang kamay. Inubos niya ang natitirang mga lakas upang tumakbo. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa makakaya niya. Umakyat siya sa hagdan ng istasyong iyon at sinikap na humalo sa mga tao.

        The first person was her...

The First Time I Loved ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon