Five years after…
TINIKLOP ni Maddie ang payong at nagmamadaling pinanhik ang hagdan. Mabuti na lang talaga ay hindi niya inaalis ang payong sa bag niya. Sino’ng mag-aakala na uulan ngayon samantalang paglabas niya ng bahay kanina ay napakaliwanag ng sikat ng araw.
Tumayo siya at naghintay ng tren. Kasalukuyan siya ngayong nagtatrabaho sa isang advertising company. Siya ang naka-assign sa paglalagay ng mga advertisement sa mga train station. Siya rin ang naghahanap ng mga client na gustong mag-advertise.
Nasa kalagitnaan siya ng pagtuyo sa kaniyang tumutulong payong nang makita niya ang lalaking naglalakad palapit. Magkasalubong ang mga kilay na pinagmasdan niya ito. He was walking calmly, almost as if in slow motion. Huminto ito malapit sa orasan. Ang kunot sa kanyang noo ay agad na nawala at napalitan ng ilang ulit na pagkurap ng kanyang mga mata. Biglang may kung anong kumabog sa kanyang dibdib nang makita ang lalaki sa ilalim ng orasan. She closed her eyes tightly. Hindi niya gusto ang nararamdaman. Sa loob ng maraming panahon ay kinalimutan na niya ang umasa. Tumigil na siya sa paghihintay. Naubos na ang mahabang pagtitiiis na mayroon siya.
In fact, kaya niya pinili ang trabahong advertising sa train station ay dahil sa pag-asang muli niyang makikita ang lalaki na tinulungan niya at ang lalaking unang nakadampi sa kanyang mga labi. Hanggang sa tuluyan na siyang napagod at kinalimutan ang bagay na iyon. Until now. Nilingon niya ang lalaki.
She could vividly remember the face of that person. Kahit sa panaginip niya ay lumilitaw ang maamong mukha ng lalaking iyon. Ang malamlam na mga mata nito na tila ba nagmamakaawa. At sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay para bang nagkita na sila ng lalaking iyon.
Bakit parehas sila ng taas?
His hair.
They have the same hair.
Hindi makalma ni Maddie ang sarili sa nararamdaman. Gusto niyang lumapit sa lalaki at baka sakaling mamukhaan siya. Ngunit agad din niyang inawat ang sarili. Marahil ay nagkataon lang. Nangyayari naman na nagkakamukha ang mga tao. Nahimasmasan siya sa katotohanang iyon. Muli niyang ibinalik ang atensyon sa riles ng tren. Umaasa siyang namamalikmata lang siya.
Namamalikmata lang ako…
Hindi siya iyon..
NAGMAMADALING pinunasan ni Drew ang sarili. Hindi niya inaasahang uulan kanina. Mabuti na lamang at maikli lang ang nilakad niya kaya hindi siya tuluyang nabasa. Tinanggihan pa niya ang ipinadadalang jacket sa kanya ng mama niya.
Muli niyang isinukbit ang messsenger bag sa balikat nang makitang paparating na ang tren. Naglakad siya papunta sa hintayan. Hustong paghinto niya sa dilaw na linya ay siya namang paghimpil ng tren sa harapan niya. Kaagad siyang pumasok nang bumukas ang pinto niyon. Akmang uupo na siya nang mapansin niya ang kasabay na babae. Hindi niya nagawang sabihin man lang na ito na ang maupo. Sa halip ay lumayo siya at hinayaan na lang itong ukupahin ang dapat sana ay sa kanya.
Pinagmasdan niya ang babae. Pamilyar sa kanya ang mukha nito. Parang nakita na niya ito. Agad na umiling si Drew at ibinaling sa ibang lugar ang atensyon. Baka nagkakamali lang siya. O marahil ay kamukha lang nito ang babae. Kinuha niya ang cellphone at nagsign in sa facebook niya. Nagpunta siya sa message at nag-iwan ng mensahe kay Nicky—his bestfriend.
Kailan ka uuwi? He typed and pressed send. Nagulat siya nang sumagot agad ito.
May girlfriend ka na ba? Reply ni Nicky na may kasamang emoticon na nakangisi.
