KABANATA 4

7 0 0
                                    

Kalayaan.

Yan ang salitang ipinaglaban ng ating mga ninuno sa higit na tatlong siglo sa kamay ng mga Kastila at ilang dekada naman laban sa mga Hapones at mga Amerikano.

Hindi man ako nabuhay sa mga panahong nakagapos ang ating bansa sa bakal na kadena ng mga banyaga, ramdam ko ang hirap ng nalilimitahan ang bawat kilos at galaw. Dama ko rin ang sakit dahil sa pakiramdam ng hindi makausad sa aking pupuntahan dahil sa higpit ng pagkakatali ko sa nakaraan.

Sa bawat hakbang na aking ibinibitaw, katumbas nito ang lalong paghigpit ng tali sa aking leeg na siyang nagpapahirap sa aking buhay.

Kailan ko ba muling mararamdaman ang pagluwag o ang tuluyang pagkatanggal ng lubid sa leeg ko? Yung tipong wala nang pumipigil sa bawat kilos ko o sa bawat tapak ko. Yung tipong hindi ko na iniisip na may hihila sa akin pabalik sa aking pinanggalingan sa tuwing maaabot ko ang hangganan ng tali na nakapalibot sa aking leeg. Nakalimutan ko na rin ang pakiramdam ng malaya kong nagagawa ang aking gusto.

Ano na nga ba ulit ang pakiramdam ng walang humihila sayo sa tuwing lalayo ka sa paglalakad mo patungo sa pupuntahan mo?

Kailan ba aamo ang walang pusong nakaraan at magsasabi sa akin ng mga katagang, "Malaya ka na."

O hindi na dapat ako umasang darating pa ang pagkakataon na iyon?

Naghihintay lang ba ako na mabulok kasama ng aking nakaraan? O may isang taong galing sa kasalukuyan na magpapadama muli sa akin ng kalayaan?

Ano na nga ba muli ang kalayaan?

Paano ito matatamo ng taong nakagapos at naging sunud-sunuran sa mga bagay na nakalipas na?

Kailan ito maibibigay sa taong durog na ang puso?

Inaanyayahan ako ng dalaga na sumama sa kanya. Kung saan man kami pupunta, wala akong ideya. Ipinangako niya na mararamdaman ko muli ang kalayaan kaya ako ay sumunod sa bawat hakbang na tinatahak niya patungo sa lugar na hindi ko alam kung saan.

"Halatang mahal na mahal mo talaga sya." bigkas ng dalaga na mula noong una kaming magkita at ngayong ilang oras na kaming magkasama, hindi ko pa alam ang pangalan niya.

"Sobra. Sya na ang buhay ko." sagot ko.

Tumawa siya ng malakas. "At ngayong may mahal na siyang iba, parang patay ka na?" tanong ng estranghera na nagpipigil ng tawa.

"Pakiramdam ko ay isa na akong ligaw na kaluluwa." banggit ko.

Sandaling tumigil yung dalaga sa paglalakad. "Ha? Multo ka na? Pero umaga pa lang, nagpapakita ka na?"

"Hindi ka rin palabiro no?" parinig ko sa kanya.

Kumindat yung aking sinabihan. "Masyado ka kasing seryoso. Masyado mong kinakawawa yang sarili mo dahil lang iniwan ka ng isang tao. Hindi ka makakalimot hangga't may nararamdaman ka pang sakit."

"Paano ba kasi matanggal agad ang sakit? Ikaw ba nagagawa mong alisin ang pagmamahal mo sa taong halos siya na ang kumumpleto sa buhay mo ng ganoong kadali lang?"

"Ha? Taong kumumpleto sa buhay ko? Paano mo masasabing sila ang magiging basehan ng iyong pagiging kumpleto kung iniwan ka nila? Hindi sila kumukumpleto sa akin. Kundi yung mga alaalang aming ginawa. Yun ang mga nagpapasaya sa akin. Yun din ang nananakit sa aking damdamin. Pero bakit ko naman iisipin yung mga minutong aming pinagsamahan kung gusto ko rin lang masaktan? Sumali na lang sana ako sa UFC para maramdaman ko kung paano maging duguan. Pero ayoko. Gusto kong maging masaya. Lahat tayo gustong maging masaya. Kailangan lang nating hintayin yung taong magpapasaya sa atin ng permanente. Yung hindi na aalis. Merong taong nakatakda para pangitiin ka sa bawat paggising mo sa umaga. Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa. Higit pa sa isang milyong babae ang naghihintay din ng taong makakasama nila."

BreakupTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon