Bago ko pa makilala ang mga kaibigan ko, isa muna akong blangkong espasyo ng kawalan. Naghihintay na mapuno sa mundong puno ng kapupulutan, kesyo aral man o kabalbalan, tama o mali. Huwag tayong matakot na mahila ng kung ano ba ang tama o mali, nabubuhay ang lahat sa pagiging parehas at tayo na ang bahala kung ano sa dalawang panig ang pagtitimbangin natin ng mas mabigat. Kailan man ay hindi naging madali ang paghahanap sa kung sino tayo, dahil tuwing pupulot tayo ng kaalaman ay nag-iiba ang tingin natin sa dating mga simpleng bagay. Pag mas marami ang ating nalalaman mas nagiging komplikado ang lahat. Pero huwag kang matakot at huwag mong paabutin sa puntong narating ko. Nakakalimutan lang siguro natin na kailangan din natin minsan mag-isip ng mababaw at tingnan ang mga kaganapan bilang isang masamang biro. Masama man, biro parin naman hindi ba? At sa paglipas ng panahon, kung ano mang mali ang iyong nagawa, baka pag naisip mo na lang bigla matawa ka na lang.
"Henry! Hahahahaha! Tingnan mo ako!"
"Theon! May water gun si Benedict!"
"Oi, mag volleyball na lang tayo."
"Yung team lang ni Lyle at Henry mananalo."
"Kailangan niyo lang malaman kung paano kami taluhin! Samin na yung mga di magagaling!"
Hindi niya talaga malaman.
Bakit sinasabi nila sa kaniya kung paano gumalaw ang mga kontinente? Bakit lahat ng teoryang sinaliksik ng ilang taon at dekada ay nakasulat sa notebook niya? Bakit pinapa-kabisa pa nila sa kaniya ang mga nangyaring ito sa nakaraan, kung kalaunan ay ipababasa din sa kaniya ang isang librong nilahad kung paano nabuo ang mundo, na wala nang mga takdang araw na tatandaan at eksplanasiyong komplikado? Isang librong nagmula sa isang dakilang nilalang.
"Lyle, mahilig ka sa libro diba?"
Nagtatanong lang naman siya dahil sa nakikita niya ay wala tayong ginagawa kundi ang maniwala, kung kahit tayo, sa sarili natin, ay hindi maniniwala kung walang ebidensiya. Pero sa tingin niya tunay na hipokrito ang mga tao, aminado din siya na siya ay ganoon rin. Siguro ay may mga bagay lang na di natin maiintindihan kaya wala tayong magawa kung hindi sundan ang nakararami, wala naman mawawala kung hindi tayo susunod hindi ba?
Pero paano kung ang kwento ng langit at impyerno ay nabubuhay upang iparating lamang na mayroon tayong pagpipilian at papanigan?
Tinanong niya ang sarili niya kung bakit ito ang mga naiisip niya gayong nasa ikaapat na baitang pa lamang siya ng elemtarya. At ang isa pang katotohanan ay siya ang pinaka-hindi importanteng tao na kwinikwestiyon ang katotohanan at presensiya ng Diyos.
BINABASA MO ANG
Dahil Wala Nang Mga Bituin.
Historia Corta"Buong buhay ko iniisip ko kung anong gusto kong maging, kung ano ba ako sa hinaharap. Pero nandito na tayo. Tangina Jaime, ang saya-saya natin dati. Anong nangyare?"