Naiintindihan Ko Po

26 3 0
                                    

"You're on top six Lyle."

"..."

"Hey, don't be so hard on yourself."

Hindi naman siya ganon, siguro yung iba.

Nanalo siya pero hindi niya natanggap ang piniling kategorya, sa halip na lathalain ay sa pagsusulat ng balita siya napunta. Lumipas ang mga araw, lumayo siya sa paningin ng marami, pinanood niya ang kaniyang dating mga kaibigan habang isinusulat ang isang bagay na hindi niya gusto. At sa halip na pag-aralang maigi ang pagsusulat, ibinalik niya ang kwaderno at ballpen sa kaniyang bag at inabala sila.

"Pwede ba akong sumali?"

Ito ang mga unang salitang lumabas sa kaniyang bibig pagkatapos nilang iwanan siya mula elementarya, alam niyang magkakakilala parin sila, alam parin nila ang kaniyang pangalan at sino siya dati, pero siguro'y hindi na nila maatim na makilala siya ngayon.

"Practice 'to para sa laban."

"Ano naman? Gusto ko lang makisali, hundi rin naman kasama si Malik sa team diba?"

"Kung gusto mong sumama tumigil ka sa pagsusulat ng fairytales."

Pinagtawanan siya ng mga ito.

"Sabi nung lalaking walang magawa kung hindi pagpantasiyahan isang babaeng wala pa sa tamang edad, baka nga hindi pa para sa edad niya yung mga pambatang sinusulat ko."

"Ano kamo?! Putangina mo ha!"

Pinagbuhatan siya ng kamay ni Henry. Sinabi na lang niya sa kaniyang sarili, na isa itong magandang araw para suntukin sa mukha ang matalik niyang kaibigan.

"Sinimulan mo 'to."

Na kay Henry na ang lamang ng unang buga, pero hindi niya inakalang babagsak na ito sa pangatlong ganti niya. At habang wala siyang tigil sa pagsuntok, pakiramdam niya ay sinusuntok niya ang sarili sa bawat bira parusa sa sarili dala ng mga mali niyang desisiyon. Hindi siya galit kay Henry dahil grade six pa lang ang girlfriend nito, o kahit iniwanan siya nito dati, hindi siya galit dahil ininsulto nito ang sinusulat niya, dahil habang nakikita niyang humuhulas ang dugo nito sa ilong, at namantiyahan na nito ang kaniyang mga kamao...

Napaurong na lamang siya habang blangko ang tingin sa bawat isang nakakita ng ginawa niya.

... napagtanto na lamang niya na ginawa niya ito dahil kung sino man siya ngayon, nakita nito ang taong siguro ay siya.

Umuugong ang kaniyang ulo, pakiramdam niya'y binatukan siya ng tubo, tanging mga eko lang ang narinig niya, nakakakita, pero walang pumapasok sa utak.

"Lyle?"

Nagkita nanaman sila.

"Lyle.. yung mata mo."

Binato niya paalis ang mga kamay nito palayo.

"Hindi ko kailangan ng awa ng kahit sino!"

Ano na nga ulit ang pangalan ng babaeng ito?

"Lagi akong pagod dahil sayo, tanggap ng labada, luto, hugas ng pinggan. Anak! Saan ba ako nagkamali?! Tingnan mo nga ang sarili mo."

Nakita na lamang niya sa sulok ang babaeng kapatid na nakadungaw, hindi na siya nilalapitan, hindi na nag-aayang makipaglaro. Siguro nga nag-iiba na ang takbo ng mundo.

Alam mo ba kung saan ka nagkamali?

Sa tingin niya ay nagkamali ang kaniyang nanay noong naisipan nitong magkaroon ng anak.

Hindi manlang ba niya naisip na patayin na lang sana niya ang kaniyang anak dahil wala rin naman itong magagawa sa pambubugbog ng haliging walang sinasandigan?

Hindi manlang ba niya naisip yon?!

"Hindi po, wala po kayong nagawang mali."

At gamit ang pluma at papel, tinakasan niya ang lahat.

Dahil sa mga nagawa niya, uminit ang dugo ni Henry at mga kabarkada nito sa kaniya.

"Pagkatapos mong isulat yung balita tungkol sa terrorism, pwede bang dito ka muna?"

Wika ng editor in chief, isang fourth year student na walang ginawa kung hindi ang magbasa ng nakakakilig na pocket books, at alam nito na mayroon siyang pagkabrutal sa pagsulat. Kaya kahit hindi siya inilagay ng mga guro sa lathalain, sinusubukan niyang bigyan si Lyle ng mga paksang gugustuhin nitong sulatin.

"Bakit?"

"Hindi ka pwedeng maggala lang sa campus habang hinahanap ka ng nga third years."

Hindi siya sumagot, iniwanan niya ang kaniyang mga libro at isinara ang pintuan sa kaniyang likuran. Tulad ng inaasahan, hinihintay na siya ng mga ito sa labas.

Tumakbo lang siya patungo sa kanila na para bang sumasalpok sa walang lubay na alon.

"Opo, hinahanap ko po yung anak ko—— Lyle Luchessi po, third year."

Natatakot siyang magmukhang kabiguan sa mata ng kaniyang ina. Natulog siya sa palaruan at mga silong, tatlong araw na kumalam ang kaniyang tiyan. Pero hindi siya nito pinahinto sa pag-aaral. Gusto niyang patunayan na kaya niya kahit walang kasama. Pero nakita na lamang siyang walang pag-asa at pariwara habang basa sa ulan at nanginginig sa lamig. Kaya nang umuwi siya, walang salitang binanggit ang kaniyang ina hanggang sa umabot ang gabi at nagsisigaw ito sa bawat hambalos ng kaniyang ama.

Pero ayaw rin naman niyang makita silang mukhang ayos lang. Dahil alam nilang lahat na bawat isa sa bahay, kahit si Leisya na bata pa ay wasak na ang buhay. Walang trabaho at nambababae ang kaniyang ama, hindi makausap ng matino ang kapatid niya, mukhang tangang nagkukunwaring masaya ang kaniyang ina, at nakahinto ang oras niya sa paulit-ulit na kaguluhan. Dumating ito sa puntong wala na silang pakialam kung kumakain ba ang bawat isa o nakakatulog manlang. Ang mahalaga lang ay nakikita nila ang isa't isa bawat araw na buhay na masasabing patay na rin.

"Nanalo daw yung volleyball team anak?"

"Nung grade six pa ako hindi nagba-volleyball."

"Ganoon ba.."

"Siguro hindi mo din alam na kasama ako sa journalists sa school."

"Patawarin mo na si nanay... medyo—"

"Naiintindihan ko po."

Dahil Wala Nang Mga Bituin.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon