Isang Gabi

414 15 11
                                    

Pagkatapos ng gabing 'yun, wala na.
Wala ng kasunod.

Hindi na kita makikitang gegewang,
habang nagkukwento ng mga hapdi at sugat.
Hindi ko na rin kailangang makinig,
habang tinatapik ang iyong balikat.

Wala ng akbay na aabangan.
Wala ng yakap na hihigpitan.
Wala ng ikaw at ako na uusbong sa kalangitan.

Wala ng ngiti na ikukurba.
Wala ng ihahagalpak na tawa.
Wala ng gabi na magkasama.

Aasa pa ba sa susunod at sa isa pang pagkakataon?
Aasa pa ba sa surpresang darating at sa pag-ulit ng kahapon?

Hindi na, siguro.

Hindi na siguro, kasi wala naman talagang namagitan.
Hindi na siguro kasi wala naman talagang naging ugnayan.

Wala namang pinagsulatan ang ating pangalan.
Wala namang isinugal ang mga pusong luhaan.

Nalasing ka lang sa alak,
habang nalasing ako sa init ng titig mo.

Nalimutan mo din naman ang lahat,
pero tandang-tanda ko.

Natandaan kong wala naman talaga.
Kinabukasan, kusang bumalik sa umpisa.

Isang tagay lang,
isang gabi lang.

Sa Pagsapit ng DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon