Sa Isa Pang Pagkakataon

412 24 3
                                    

Nang abutin ko ang langit gamit ang aking hintuturo,
itinuro ko ang isang bituin at tumingin sa 'yo.
Ikaw ang hiling na hinintay kong matupad.
Nang umihip ang hangin, sa 'yo ako napadpad.

Sa oras na angkinin
muli natin itong gabi,
sa tabi mo,
gusto ko nalang manatili.
'Wag nang pasikatin ang araw,
sulitin ang bawat sandali.

Magpanggap tayong
sa 'tin ang mundo,
magpanggap tayong lasing
na lilimutin din lahat ng 'to.

Libutin natin ang lugar.
Sa balikat ko,
huwag kang tumigil
na sumandal.

Ibaling ang paningin sa kalawakan,
saksihan kung paano ito
gumawa ng paraan
upang ikaw at ako
ay mailagay dito sa tagpuan.

Saksihan mo
ang ekwentro ng init sa puso
at mga patak ng luha.
Huwag kang bumitiw,
kaunting sandali pa.

At pangako
na sa paglaho ng gabing 'to,
hindi na ako titingin
sa iyong mga mata.
Hindi na makiki-usap
na muli kang makasama.

Kaya sa natitirang segundo,
hayaan mong huwag akong huminga.
Ikulong mo ako sa yakap,
higpitan mo pa.

Dahil sa ikalawang pagkakataon,
muli akong magpapakatanga.
Sa ikalawang pagkakataon
hayaan mong maramdaman ko
na parang akin ka pa.

At sa maliwanag
na ilaw ng buwan,
sana'y hindi ko makita
ang iyong paglisan.
Idadaan ko nalang
sa madiing pikit,
habang unti-unti akong
kumakawala sa iyong kapit.

Hayaan mong sa pagsapit ng umaga,
sa pagmulat ng mga mata;
silawin ako
ng mga hawak mong
walang ibig-sabihin,
mga nakaw na sulyap,
at mga ipinagkait na tingin.
At hahayaan na rin kitang
minsan kong hiniling
na tuluyan nang tangayin ng hangin.

Ito ang aking huling hiling,
ito ang ating huli gabi.

Sa Pagsapit ng DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon