Kapag lumuha ang pluma
Magsusulat ka pa ba?
Meron pa kayang magbabasa?
May papel pa kayang sasalo ng tinta?
Kapag lumuha ang pluma,
May maiintindihan ka pa ba?
Magtitiis ka ba't magti-tiyaga?
O susuko na lang at bibitaw ng kusa?
Kapag lumuha ang pluma,
Nandyan ka pa rin kaya?
Makiki-iyak ka ba't magluluksa?
At papahirin ang bawat patak ng luha?
Kapag lumuha ang pluma,
Malulunod ka ba sa mga salita?
Sisisirin mo ba ang mga nawawalang letra?
O magpapaanod ka lang sa emosyong hindi mahinuha?
Kapag lumuha ang pluma,
Makakasulat ka pa ba ng isang talata?
Makakabuo ka ba ng isang tula?
Mahahanap mo ba kung saan nagsimula?
Kapag lumuha ang pluma,
Makakapaglakbay pa ba ang napilay na diwa?
May sasayaw pa ba sa papel na nakatihaya?
O lalamunin na lang ng panahon at tuluyang maluluma?
Kapag lumuha ang pluma,
May madudungawan pa ba ang mga alaala?
Alaalang hindi kayang kuhanan ng tinatawag na camera
Sabihin mo, mayroon pa nga ba?
Kapag lumuha ang pluma,
Mapipigilan pa nga kaya?
Ang kalungkutang tumataas na parang baha
Sa mata ng mga nagnanais umunawa?
Kapag lumuha ang pluma,
Maririnig ba ang bawat pagpatak ng luha?
Luhang di malaman kung saan nagmula
Hindi mawari kung nagmamakaawa
Kapag ako ay lumuha,
Uulitin ko, magsusulat ka pa ba?
Kung hindi na'y baliin mo na lamang ako aking sinta
Pagkat hindi na 'ko magmamahal ng ibang plumista.
04.20.14