ISANG malakas na sampal mula sa daddy niya ang sumalubong kay Princeton pagdating niya sa bahay nila. Pinauwi siya nito nang tumawag ito kanina.
"Suwail ka talaga!" Halos mabingi siya sa lakas ng sigaw ng daddy niya. "Galing dito si Janna kahapon at sinabi niya ang lahat. Totoo ba?"
"Dad, I'm sorry," nakayukong paghingi niya ng tawad.
"Nagtiwala ako sa 'yo kaya hinayaan lang kita. Tumira ka pa rin sa boarding house at nag-working student pa. Mayaman tayo. Hindi mo na kailangang gawin iyon. Nang dahil lang sa babaeng 'yon, nagawa mo ang lahat nang ito?"
Hindi siya sumagot. Nanatili siyang nakayuko.
"Gusto kong umalis ka sa boarding house na 'yon at mag-resign ka sa bakeshop na 'yon. And stay away from that girl!"
"Mahal ko po siya."
"Mahal? Hihiwalayan mo si Janna dahil sa mahirap na babaeng iyon? Kapag nalaman ito ng Tito Robert mo, nakakahiya!" Si Tito Robert ang daddy ni Janna. He was also a businessman. May-ari ito ng isang mall.
"Dad, hindi ko na po mahal si Janna."
"Siya ang gusto ko para sa 'yo. Kayo ang bagay."
"Mula pagkabata, kayo na ang nasusunod sa bahay na 'to. Pinag-aral n'yo ako sa kursong hindi ko gusto, pinagbigyan ko kayo. Pero hindi n'yo mauutusan ang puso ko sa gustong mahalin nito." Ngayon lang niya nasagot ang daddy niya nang ganoon. Pinaglalaban lang niya ang nararamdaman niya.
Sasampalin uli siya sana ng daddy niya pero pinigilan ito ng mommy niya. "Henry, tama na. Tama si Tonton. Hindi natuturuan ang puso. Hayaan mo na ang anak natin. Hayaan mo na siyang maging masaya," naiiyak na wika nito.
Matalim siyang tinitigan ng daddy niya. "Hindi pa tayo tapos, Princeton," banta nito saka pumanhik sa taas.
Niyakap siya ng mommy niya. Kahit papaano ay nakaramdam siya ng comfort. Bahala na. Anuman ang mangyari, ipaglalaban niya ang pagmamahalan nila ng babaeng mahal niya.
HINAWAKAN kaagad ni Princeton ang kamay niya nang lumabas sila sa bakeshop nang gabing iyon. Nakangiting tiningnan naman niya ito. The next thing she knew, magka-holding hands silang naglalakad pauwi sa boarding house.
Kahit nakangiti ito, nakikita niya sa mga mata nito ang kalungkutan. Parang may problema ito na hindi sinasabi sa kanya. Basta, may nararamdaman siyang iba sa itsura at ikinikilos nito ngayon. Tatanungin niya sana ito tungkol sa hinala niya nang magsalita ito.
"Huwag kaya muna tayong umuwi."
"H-ha? Bakit? Saan tayo pupunta?"
"Mamasyal tayo. Kakain. Maglakad-lakad. Gusto mo?"
"Siyempre naman."
Hinalikan nito ang kamay niya.
Sa isang seafood restaurant siya unang dinala nito. Doon na sila naghapunan. Pagkatapos ay naglakad-lakad sila, magkahawak-kamay. Nang may makita silang mga nagtitinda ng fish balls sa may banda roon, tumungo sila roon at bumili. Kumain na naman sila. Nagsubuan pa sila nito.
Pagkatapos ay naglakad uli sila. Magka-holding hands na naman. Hindi nila namalayang malapit na sila sa isang park—sa Plaza Libertad. It was a small park na bihira na ngayong puntahan ng marami. Doon na sila tumigil. Umupo sila sa isa sa mga upuan doon. Hindi pa rin naghihiwalay ang mga kamay nila.
BINABASA MO ANG
Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]
Teen FictionThis novel was published by Precious Pages Corporation under Precious Hearts Romances imprint, 30 September 2009. Catchline: "Ang gusto ko, kung saan ka, doon din ako dahil gusto kitang makita palagi at mapalapit sa 'yo. Pasensiya ka na. Sinusunod...