KAAGAD na nagpaalam si Ladylyn sa mga kaibigan niya na mauuna na siyang lumabas sa mga ito pagkatapos ng huling klase nila nang hapong iyon. Alas-tres y medya na. Thirty minutes na lang at papasok naman siya sa trabaho.
Working student siya. She has a part-time job in a bakery/restaurant. Bukod sa sari-saring breads, pastries, cookies and cakes, meron din doong ibang mga pagkain for meals and merienda kaya marami ring nagda-dine-in sa JD Bakeshop. Service crew siya roon.
Tinutulungan niya ang tatay niya sa mga gastusin. Mahirap lang kasi sila at tanging ang kanyang ama ang tumataguyod sa kanya at sa kapatid niya. Sumakabilang-buhay na ang nanay nila sa sakit na leukemia limang taon na ang lumipas.
Pahintu-hinto siya sa pag-aaral. Aral-trabaho ang ginagawa niya. Ibig sabihin, ngayong taon mag-aaral siya; sa susunod na taon naman, magtatrabaho siya. Minsan na rin nangyaring dalawang taon siya nahinto sa pag-aaral. Pero ngayon, kinakaya niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. At sisikapin niyang huwag nang huminto sa susunod na school year. Nasa ikatlong taon pa lang siya ngayon sa kolehiyo sa edad na beinte-tres. Kung tuluy-tuloy lang sana ang pag-aaral niya, dapat ay matagal na siyang naka-graduate.
Commerce ang kinukuha niya sa University of San Agustin. Dalawang linggo pa lang iyon ng klase. Umuulan-ulan kaya palagi siyang nagdadala ng payong. Mabuti na lang at walang ulan paglabas niya. Dumidilim lang pero basa pa rin ang daan at medyo malakas ang pag-ihip ng malamig ng hangin.
Nasa tapat na siya ng USA gymnasium nang may dumaang magarang kotse sa tabi niya. Idinaan iyon ng nagmamaneho niyon sa bandang may naipong tubig kaya natalsikan ng maruming tubig ang uniform niya. Pati ang mukha niya at kanang braso ay natalsikan din. Napadura siya sa tumalsik sa bibig niya.
"Hoy, bumalik ka rito! Bastos! Walanghiya!" sigaw niya habang nakatingin sa papalayong sasakyan. Pinahiran niya ng panyo ang mukha niya at braso.
Mukhang narinig siya ng nagmamaneho ng kotseng iyon dahil huminto ito nang malapit na sa tapat ng gate ng unibersidad at iniatras ang sasakyan pabalik sa kanya. Napatigil siya nang makita ang lalaking bumaba sa dark blue na kotse.
Napakaguwapo nito. Nakangiti ang magandang pares ng mga mata nito, tama lang ang kapal ng mga kilay, matangos ang ilong at katamtaman ang hugis ng mapupula nitong mga labi. Hindi ito gaanong maputi pero makinis ang pisngi nito at balat. Gusto niya ang kulay na ganoon sa isang lalaki. Para sa kanya, mas lalaking tingnan ang isang lalaki kapag hindi gaanong maputi. Hanggang batok at leeg nito ang haba ng buhok nito. Walang buhok na tumatabon sa noo nito dahil bahagyang nakatayo ang nasa bahaging iyon. Sa palagay niya ay may wax ang buhok nito dahil hindi nagugulo iyon ng hangin.
Puwede rin itong maging modelo dahil matangkad ito. Hanggang dibdib lang siya nito. Tantiya niya ay malapit na sa six feet ang height nito.
Simpleng light blue short-sleeved polo ang suot nito na tama lang sa katawan nito. Tama lang para bumakat doon ang mga braso nito, ang malapad na balikat at dibdib nito. Nakabukas ang ilang butones ng polo nito kaya kita niya ang gitna ng dibdib nito. Nakamaong na pantalon ito at Converse na sapatos. Bagay na bagay dito ang mga suot nito.
Masasabi niyang isa itong hunk. The guy was well-built and very attractive physically. And he's... well... hot, too. Pero balewala sa kanya ang mga katangian nitong iyon dahil sa ginawa nito sa kanya.
"Miss, I'm sorry," kaagad na paghingi nito ng paumanhin habang mabilis na lumalapit sa kanya.
"Ano'ng ini-expect mong sasabihin ko, okay?" pagtataray niya. "Tingnan mo nga ang ginawa mo sa 'kin! Kulang na lang, ipaligo mo sa 'kin 'yang maruming tubig!"
BINABASA MO ANG
Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]
Teen FictionThis novel was published by Precious Pages Corporation under Precious Hearts Romances imprint, 30 September 2009. Catchline: "Ang gusto ko, kung saan ka, doon din ako dahil gusto kitang makita palagi at mapalapit sa 'yo. Pasensiya ka na. Sinusunod...