Chapter Ten

5.6K 102 0
                                    

DINALA si Ladylyn ni Mr. Mondejar sa opisina nito sa hotel nito.

"Nagpapasalamat ako sa 'yo," panimula nito. "Nagpapasalamat ako dahil inayos ni Princeton ang pag-aaral niya. Alam kong dahil sa 'yo 'yon."

"S-salamat po."

"Pero tatapatin na kita. Hindi kita gusto para sa kanya. Si Janna ang gusto ko para sa kanya." Nasaktan siya sa sinabi nito. "Pasensiya ka na kung diniretso kaagad kita."

"Pero... m-mahal ko po siya. Bakit hindi po ninyo ako bigyan ng pagkakataong makilala po ninyo ako."

"Hindi na kailangan. Ayokong mapahamak uli ang anak ko dahil sa 'yo. Magkano?"

"A-ano po ang ibig ninyong sabihin?"

"Magkano ang kailangan mo para layuan mo ang anak ko?" Akala alaga nito ay pera lang ang habol niya kay Princeton. Kaya pinaghinalaan siya nitong kasabwat siya ng holdupper na iyon.

"Ayaw po ba ninyo sa akin dahil mahirap lang ako at pera lang ang habol ko sa anak ninyo?"

"Hindi ba't tama ako? Mahirap ka lang."

"Mahal ko po ang anak ninyo ng buong puso. Hindi po mapapalitang ng kahit magkano ang pagmamahal ko sa kanya."

"I'll offer you three million. Tama na siguro iyon para makalipat ka sa mas magandang boarding house. Puwedeng hindi ka na magtrabaho. Sapat na iyon para magpundar kayo ng negosyo. Sobra na iyon para makapagtapos ka ng college." Tama ito. Sobra-sobra na ang perang iyon.

"Hindi ko po tatanggapin ang pera ninyo."

"Bakit, kulang pa ba? Sabihin mo lang. Basta ipangako mo na hindi ka na magpapakita sa anak ko."

"S-sige po. Lalayuan ko po si Princeton. Hindi na po ako magpapakita sa kanya. Pero... hindi po ninyo mababago ang desisyon ko." Labis siyang nasasaktan sa sinabi niyang iyon. Pakiramdam niya, kahit ano pa ang sabihin niya, hindi pa rin siya magugustuhan nito para sa anak nito. Pinigil niyang pumatak ang mga luha niya.

"Ikaw ang bahala kung ayaw mo. Sasabihin ko pa rin sa kanya na tinanggap mo ang pera para magalit siya sa 'yo at kalimutan ka na niya. Para maging maayos ang lahat, pirmahan mo ang kontratang ito." Inabot nito sa kanya ang isang piraso ng papel. Nakalagay roon na tumanggap siya ng tatlong milyong piso mula rito kapalit ang paglayo niya kay Princeton. "Nang malaman ko ang tungkol sa inyo ng anak ko, naisip ko nang gawin ito dahil alam kong magagamit ko ito sa 'yo. Kung ako sa 'yo, tatanggapin ko na lang ang pera dahil magagamit ko pa ito."

Umiling siya. "Pipirma po ako. Pero kahit ano po ang sabihin ninyo, hinding-hindi ko tatanggapin ang pera ninyo. Hindi kop o magawang ipagpalit ang pagmamahal ko sa anak ninyo sa kahit gaano kalaking halaga," matapang na sabi niya.

"Kung gano'n, pirmahan mo na 'yan at nang makaalis ka na."

Magalang siyang nagpaalam dito pagkatapos niyang pumirma. Paglabas niya sa opisina nito, saka niya hinayaang pumatak ang mga luha niyang kanina pa niya pinipigilan.

Habang naglalakad siya pauwi sa boarding house, humahagulgol siya. Hindi na siya puwedeng makipagkita kay Princeton. Ano ang gagawin niya? Paano na siya ngayon? Paano na siya mabubuhay nang wala ito sa tabi niya?


DAHAN-DAHANG bumangon si Princeton pagkatapos niyang imulat ang mga mata. Nagtaka siya kung bakit nasa hospital siya. Naalala niya ang nangyari kagabi. Kaagad niyang naisip si Ladylyn.

Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon