HINAYAAN na lang ni Ladylyn na sundan siya ni Princeton. Ilang beses na niya itong sinabihan na huwag siyang sundan pero makulit talaga ito. Kaya mabuti pang hayaan na lang niya ito. Wala rin namang epekto rito ang pagpapatigil niya rito. Napapagod na siya.
Hindi talaga siya sumakay sa kotse nito. Sa tuwing bumubusina ito, nagkukunwari siyang walang narinig. Hanggang sa makarating na siya sa boarding house.
Tuluy-tuloy siyang pumasok sa loob. Hindi niya ito nilingon. Tingnan natin kung masusundan mo pa ako! Alam niya kasing hindi ito makakapasok doon. Hindi puwedeng pumasok ang mga bisita roon. Mga magulang o kamag-anak lang ng mga boarders ang puwedeng pumasok at matulog pa roon kung gusto ng mga ito.
Tumigil siya sa paglalakad nang nasa unang baitang siya ng hagdan patungong ikalawang palapag kung saan naroroon ang kuwarto nila. Naalala niya ang susi ng kuwarto. Nakalimutan niyang tingnan kung naroroon iyon doon sa mini-locker.
Baka sarado kasi ang kuwarto at walang tao. Ayaw niyang bumaba uli para kunin ang susi kaya tinitingnan niya iyon kung nandoon o wala bago siya umakyat. Nandoon ang susi nang tingnan niya. Ibig sabihin, wala ang mga roommates niya sa kuwarto nila.
Aakyat na siya nang makita niya si Princeton na papasok sa boarding house. Nakatingin ito sa kanya. Saglit lang siyang tumingin dito at ipinagpatuloy ang pag-akyat sa hagdan. Kahit na parang may humihila sa mga paa niya pabalik dito.
"LADYLYN!" tawag ni Princeton sa pangalan ng babaeng sinundan niya nang nawala na ito sa paningin niya. Gusto pa sana niyang sundan ito nang nakita niyang umakyat ito sa hagdan pero may pumigil sa kanya.
"O, dali lang." Isang matandang lalaki ang pumigil sa kanya. Hinarangan siya nito para hindi tuluyang makapasok. "Sin-o ka ya?" Tinanong nito kung sino siya. Ito marahil ang may-ari ng bahay-paupahang iyon.
"Kaibigan po ako ni Ladylyn."
"Kaibigan ka ni Lyn-lyn?"
"Ni Ladylyn po."
"Oo nga. "Lyn-lyn" ang palayaw niya."
"Ah... Gano'n po ba?" Akala niya ay bingi ang matanda. Palayaw pala ni Ladylyn ang binanggit nito.
"Kaibigan ka ba niya 'kamo? Daw akig man to sya sa imo?" Parang galit naman daw ang babae sa kanya.
"Hindi naman po. May konting hindi pagkakaunawaan lang kami," diskarte niya.
"Gano'n ba? Kaso hindi pupuwedeng pumasok ang mga kaibigan ng mga boarders dito. Kung gusto mo, mag-board ka na rin dito."
Nagkaroon siya ng ideya. "Magkano po ba ang bayad dito buwan-buwan?" tanong niya.
Sinabi ng matanda ang halaga. Nagpasalamat muna siya bago nagpaalam dito. Babalik siya. Hindi niya titigilan ang babaeng iyon hangga't hindi siya nito pinapatawad at hangga't hindi ito makikipagkaibigan sa kanya.
NARINIG ni Ladylyn ang tunog ng pinaandar na kotse. Mabilis siyang tumingin sa bintana pagkatapos magbihis ng pambahay. Ang kuwarto kung saan siya naroroon ay malapit sa daan kaya nakikita niya mula sa bintana ang kotseng papalabas sa eskinitang iyon. Kotse iyon ni Princeton.
"Mabuti naman at umalis na," bulong niya habang sinusundan ng tingin nag papalayong sasakyan. "Ang bastos na lalaking 'yon, makulit din. Sana hindi na tayo magkita pa uli."
BINABASA MO ANG
Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]
Roman pour AdolescentsThis novel was published by Precious Pages Corporation under Precious Hearts Romances imprint, 30 September 2009. Catchline: "Ang gusto ko, kung saan ka, doon din ako dahil gusto kitang makita palagi at mapalapit sa 'yo. Pasensiya ka na. Sinusunod...