Chapter Five

7.7K 142 5
                                    

"KUNG patatawarin kita ngayon, titigilan mo na ba ako?"

Hindi nakasagot si Princeton sa tanong na iyon ni Ladylyn sa kanya. Sa totoo lang kasi, "hindi" pa rin ang isasagot niya rito. Kung titigilan niya ito, posibleng hindi na siya nito papansinin. Oo nga at patatawarin siya nito pero hanggang doon na lang iyon. Mukha kasing ayaw talaga nito sa kanya. Patatawarin lang siya nito pero ayaw nitong makipagkaibigan sa kanya.

Kapalit ng pagpatawad nito sa kanya ay ang lubayan niya ito. Iyon ay kung tatanggapin niya ang sinabi nitong kasunduan. Ayaw niyang mangyari iyon. Mas gugustuhin pa niyang kainisan siya nito kaysa hindi siya nito pansinin kapag nagkataon.

"O, ano na? Sasabay ka ba sa akin o hindi?" Iniba ni Princeton ang usapan. "Iisa lang naman ang patutunguhan natin, hindi ba?" dugtong pa niya. Kanina lang siya lumipat sa boarding house na tinutuluyan nito.

Hindi niya iyon pinaalam sa mga magulang niya. Pati ang pagpa-part-time niya sa bakery/restaurant. Saka na niya sasabihin iyon sa mommy niya. Siguradong magagalit ang daddy niya kapag nalaman nito ang ginawa niya. Kaya niyang suwayin ang daddy niya pero hindi niya kayang suwayin ang puso niya. Bahala na.

"Hindi pa rin ako sasabay sa 'yo. Tumabi ka nga!" Binunggo siya nito at dire-diretsong naglakad palayo.

Napailing siya habang sinusundan ito ng tingin. Talagang matigas ito. Pasasaan ba at mapapaamo rin niya ito. Mas na-challenge tuloy siya. Tiniklop na lang niya ang payong na iniaabot niya rito kanina. Nang nawala na ito sa paningin niya, ibinaba niya ang isang payong na hawak niya at nagpabasa sa malakas na ulan. Nagsimula na rin siyang maglakad patungong boarding house.

Lahat ng babaeng nakaengkuwentro niya ay nakakasundo niya kaagad. Kadalasan, ang mga babae pa ang unang lumalapit sa kanya upang makipagkilala o makipagkaibigan. Karamihan naman ay nagpapakita ng motibong gusto siya ng mga ito. Kaya napagkakamalan siyang playboy.

Pero hindi siya playboy. Kinakaibigan lang niya ang mga babaeng lumalapit sa kanya. Hindi rin niya sinasamantala ang pagkakataon sa mga nakikipag-flirt sa kanya. Kung ganoon ang ginagawa niya, dapat marami na siyang naging girlfriend. Si Janna ay first girlfriend niya.

Ngayon lang siya naka-encounter ng babaeng gaya ni Ladylyn. Ito ang kauna-unahang babaeng sumigaw, humampas, kumurot, nainis at nagalit sa kanya. Bakit kasi hindi maganda ang una nilang pagkikita?

Simula nang makita niya ito, hindi na niya maalis sa isipan niya ang cute at maganda nitong mukha. He was attracted to her the first time he saw her. Mabilis na tumibok ang puso niya nang una niyang makita ito.

Tumibok din ang puso niya para kay Janna pero hindi noong una silang nagkita nito. Mahal niya ang girlfriend niya pero bakit naiisip niya na maaaring atraksiyon at paghanga lang ang nararamdaman niya para rito? Dahil ba unang beses niyang naramdaman iyon sa isang babae nang makilala niya ito kaya akala niya ay pagmamahal iyon? O dahil hindi na niya ito mahal?

Nang nakita niya si Ladylyn, mas higit pa sa atraksiyon at paghanga ang nararamdaman niya para rito. Gusto niyang nakikita ito palagi. Ilang gabi na rin siyang hindi nakatulog nang maayos sa kakaisip dito. Gusto niyang makapiling ito. At palagay niya iyon ang tunay na pagmamahal. He was in love with her. Iyon pala ang tinatawag na love at first sight. Kung bakit kasi ngayon lang niya ito nakita?


"OMG! Lady, may bago tayong boardmate. At ang guwapo niya!" salubong na wika sa kanya ni Stephanie—isa sa mga roommates niya—nang pagbuksan siya nito ng pinto. "Lady" ang tawag nito sa kanya. Kakakilala lang niya rito pero madali niya itong nakagaanan ng loob kaya magkaibigan na sila nito at close na kaagad sila nito. Mag-isa lang ito nang pumasok siya sa kuwarto.

Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon