Babae ako, hindi nga lang halata
Dahil natatakpan ng buo at matapang kong boses
Ang aking mahinang kalooban
Babae ako, hindi nga lang halata
Dahil mas matigas pa ang kilos at kamao ko
Sa mga kaibigan kong compshop ang tambayan
Babae ako, hindi nga lang halata, dahil pinili kong kumuha ng isang panlalaking kurso
Kaysa kumuha ng kursong tulad ng sa mga babaeng kasabayan ko sa paaralan
Babae ako, hindi nga lang halata
Dahil nadadaig ng aking malatomboy na pananamit
Ang mga kolorete sa'king mga mata
Babae ako, hindi nga lang halata
Dahil minsan mukha pa akong kadete sa isang kampo
Hindi mukhang binibining aakit sa mga mata mo
Babae ako, hindi nga lang halata
Dahil piniling maging mapag-isa
Kaysa idepende ang kaligayahan sa katauhan ng iba
Babae ako, hindi nga lang halata
Dahil pinili kong maging matigas
Sa kabila ng pagkakaroon ng pusong dinurog ng lumipas
Hindi man ako tulad ng mga babaeng nasa iyong paligid
Hindi ko man kayang maging mahinhin
Babae pa rin ako, kahit na isang tigasin
Naghahanap pa rin ng sasaklolo sa'kin
YOU ARE READING
I'm Fine
PoetryMga tulang sumagi lang sa isipan nang wala sa oras, hinugot sa realidad, at nabigyan ng pagkakataong masulat ng mga kamay na kating-kati magtipa, utak na kung ano-ano ang laman, at ng pusong hindi malaman kung ano ba ang dapat nitong maramdaman.