“THANK YOU, CRAYON! Thank you, thank you, thank you!” naiiyak na pasasalamat ni Antenna sa kanyang pinsan.
Nalaman kasi niya na bukod sa nasukahan niya ito kagabi ay ito pa ang naglinis sa mga kalat niya. Ito rin ang nagbihis sa kanya. Kaninang umaga naman, dinalhan siya nito ng aspirin at pinagluto pa ng sopas. Ngayon naman, dinalhan pa siya nito ng lunch sa Art Room.
“Hindi mo kailangang magpasalamat, Antenna. Ginagawa ko 'to dahil kapatid kita. Pati si Mama, nag-aalala na sa’yo,” sabi nito habang nilalagay sa bag ang Tupperware at mga pinagkainan nila. Talaga ngang higit na sa pinsan ang turing nito sa kanya. “Mabuti nga at marami kang nakain.”
Napayuko siya. “Crayon, pasensiya na talaga kayo ni Tita sa nangyari kagabi.”
“Alam mo, Antenna...” Hinawakan nito ang kamay niya. “Kung kailangan mo ng tulong, 'wag kang mahihiya sa’min. Pamilya ka na namin kaya kahit kelan, hindi ka naman ituturing na abala.”
Nag-angat siya ng tingin dito. Na-touch siya sa mga sinabi nito. Totoo kasing sinisikap niyang huwag maging problema dahil ayaw niyang makaabala sa mga ito. Para kasi sa kanya, sobra-sobra na nang kupkupin siya ng mga ito. “I’m sorry.”
Ngumiti ito. “Tama na nga ang drama. Anyway, ano bang problema mo at naglasing ka kagabi?”
She smiled sadly. “Na-realize ko kasi kung gaano ako naging ka-selfish para ipagpilitan ang nararamdaman ko sa isang lalaking alam kong hindi naman ako mahal.”
“Oh. I knew it has something to do with Shark. Anyway, Antenna, gusto ko lang malaman mo na wala kang kailangang gawin para mahalin ka ng ibang tao. Because if he’s going to love you, he will. Hindi mo dapat ipagpilitan ang sarili mo. You deserve something better than that. Nasasaktan akong nakikita kang nagkakaganya,” malungkot na wika nito.
“Ano ka ba, Crayon? 'Wag kang mag-alala, nakapag-isip na ko. 'Wag ka nang malungkot, hmm?”
Bumuntong-hininga ito. “Sige na, sige na. Tapos na ang vacant period ko, babalik na ko sa klase namin,” anito habang nagpapasak ng earphones sa mga tainga nito.
Hinatid niya ito hanggang labas ng Art Room. Nagulat pa siya nang pagbukas niya ng pinto ay nakita niya si Riley na padaan. May nakapasak na earphones sa mga tainga nito at nakapamulsa habang naglalakad. Pero huminto ito at tumitig kay Crayon.
Inalis ni Riley ang earphones sa tainga nito. “Hi,” bati nito sa pinsan niya.
Pero dahil may earphones na sa tainga nito si Crayon, hindi nito marahil narinig ang binata. Ni hindi nga nito ito tinapunan ng tingin. Dire-diretso lang nitong nilagpasan ang lalaki.
Riley was obvioulsy hurt as he followed Crayon with his gaze.
Natawa lang siya. “Ahm, Riley... Nakita mo ba si Shark?”
“He’s in the clubroom. Pero bilisan mo dahil in thirty minutes, his next class will start.”
Tinapik niya ito sa balikat. “Thanks.”
Habang naglalakad papunta sa clubroom ng HELLO ay pinag-iisipan niya ng husto ang mga sasabihin niya kay Shark.
Siguro, unang-una ay hihinga siya ng tawad dito dahil sa pagiging isip-bata at makasarili niya. Hindi naman sa isusuko na niya ang pag-ibig niya rito. Bibigyan niya lang ito ng space para makapag-isip ito dahil ayaw naman niyang isipin na napipilitan lang ito sa kanya.
Pagkatapos, si Miss Serenity naman ang hihingan niya ng tawad. Mali nga naman na pinanghimasukan niya ang pribado nitong buhay at inakusahan ng kung anu-ano. Masyado lang siguro siyang napangunahan ng selos. Maaaring mali ang mga hinala niya.
BINABASA MO ANG
A Playboy May Cry (Complete)
TeenfikceHELLO Band Series 1: Antenna fell in love with Shark the moment she saw him cry. Naniniwala kasi siyang iba magmahal ang mga lalaking iniiyakan ang mga babae. Pero genuine tears nga kaya ang nakita niya o inuuto lang siya ng playboy na 'to?