-Chapter Two-

9.4K 250 10
                                    


"ALAM mo, Winston," humugot ng hininga si Kat bago ipinagpatuloy ang pagsasalita. "Ilang beses ko nang sinabi sa'yo na wala ka talagang maaasahan sa akin. I'm hoping that you understand it by now." Pinilit niyang maging malumanay ang kanyang tinig kahit ang gusto niyang gawin ay bulyawan ito sa mga sandaling iyon. Ang hirap kasi sa lalaking ito ay hindi makuha sa isang salita. Kahit sinabi na niya sa kanyang papa na pakiusapan si Winston na tigilan na ang pagsunod-sunod sa kanya ay hindi pa rin ito nakinig sa kanyang ama. Buo pa rin ang loob nitong maging nobya siya.

"Hindi ako susuko hangga't hindi ko nakukuha ang matamis mong 'oo'. Ipaglalaban ko ang pag-ibig ko sa'yo, Katrina," puno ng kompiyansa namang tugon ni Winston.

Napahawak si Kat sa sentido. Ipinikit niya ang mga mata at pinilit ang sariling magtimpi sa kakulitan at kabaduyan ni Winston. Sumasakit na talaga ang ulo niya rito. Kung nakakapagbuga lang siya ng apoy ay kanina pa niya iyon ginawa dito. Nagtagumpay siyang iwasan ito noong nakaraang gabi subalit ngayon ay hindi niya ito nagawang takasan nang sumapit ang tanghali. Ang akala niya ay wala ito sa vicinity ng The Red Carpet. Hindi niya nakitang nakaparada sa tapat niyon ang kotse nito. Nagulat na lamang siya nang makita ito sa Jae's Story— ang favorite Japanese restaurant niya na isang kanto lang ang layo mula sa salon niya—kung saan niya naisipang mag-lunch. Hindi pa man siya nakaka-order ay agad na itong umupo sa harap niya.

Bigla niyang naisip ang payo ni sinabi ni Mischa sa kanya, Jowa lang ang solusyon diyan, madam.

Tiningnan niya si Winston. Hopeful pa rin ang itsura nito. Naaawa talaga siya rito ngunit ayaw naman niya itong paasahin sa wala. At isa pa, hindi niya na kayang palagi siyang sinusundan-sundan nito. Hindi na tama iyon. "I'm sorry, Winston but I already have a boyfriend," she said in her very serious tone. Umaasang sa papamagitan ng pagsisinungaling niya ay titigilan na siya nito.

Ngumiti ito. Parang hindi affected sa ipinahayag niya. "Alam kong nagbibiro ka lang, Kat."

Hindi niya napigilan ang mapabuga ng hangin sa inis. "Hindi ako nagbibiro, Winston. May boyfriend na ako kaya wala ka talagang maaasahan sa akin."

"Sino naman ang boyfriend mo? Kung talagang may boyfriend ka, eh, di sana noon ko pa nakikita na magkasama kayo," ang sabi naman ni Winston.

"Bago pa lang kami kaya hindi mo siya nakikita na kasama ko," sagot naman niya.

"Hindi ako naniniwala sa'yo, Kat. Sinasabi mo lang 'yan para iwasan ako." Umiling-iling pa ito. Hindi pa rin kumbinsido sa sinabi niya.

Ngalingaling tarakan niya ng tinidor ang ulo nito. Bakit ba ang kulit mong leche ka? "Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Isusumbong kita sa boyfriend ko kapag hindi mo ako tinigilan," pagbabanta pa niya. Bahala na kung sino ang boyfriend na ipapakita niya rito. Saka na niya iyon iisipin. Ang mahalaga ay maitaboy niya ito, once and for all. Kahit kasi tarayan niya ito ay hindi iyon umuubra dito.

Tumawa ito. "Hangga't hindi ko nakikita ang sinasabi mong boyfriend mo, liligawan pa rin kita, Katrina. Saka hindi ka pa naman ikinakasal sa kanya kaya may pag-asa pa rin ako sa'yo." Hindi pa rin nawawala ang kompiyansa ng lalaking mas cute pa ang rabbit.

Kat couldn't help rolling her eyes in annoyance. "Ipapakilala ko siya sa'yo, one of these days. Guwapo 'yon, 'kala mo?"

Inayos ni Winston ang kuwelyo ng suot nitong polo. "May mas guguwapo pa ba sa akin?" anito, nakalabas ang malalaki at nakausling mga ngipin. "Ewan ko ba naman sa'yo kung bakit ayaw mo pa akong sagutin, eh. Bagay naman tayo. Hindi nalalayo ang height natin sa isa't isa. Mayaman naman ako. Kaya kitang buhayin at ang mga magiging anak natin." Tumaas-baba pa ang mga kilay nito.

A Stolen Kiss and A Love Charade (Published under PHR 2015) - COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon