-Chapter One-

25.7K 298 9
                                    


"WHAT THE HECK? Hindi pa rin nagsasawa ang lalaking 'yan? Ugh!" nayayamot na sambit ni Katrina habang nakasilip siya sa bintana. Mag-a-alas –siyete y medya na nang gabi ngunit ang masugid na manliligaw niyang si Winston ay hindi pa rin umaalis sa puwesto nito sa tapat ng "The Red Carpet"— ang Salon and Day Spa for celebrities na pag-aari niya. Lahat ng klaseng pagpapaganda at pagpamper sa sarili ay matatagpuan sa The Red Carpet. — nakasandal ito sa hood ng kotse nito. Nag-aabang sa paglabas niya.

Ilang beses na niyang sinabi sa binata na wala itong maasahan sa kanya maliban sa pagiging kaibigan subalit heto at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagsasawa na puntahan at abangan siya sa work place niya. Ilang linggo na nitong ginagawa iyon. Kung masama lang siya ay tinarayan at tinalakan na niya ito upang palayasin ito roon. Hindi nga lang niya magawa dahil mabait naman ito sa kanya. Makulit nga lang talaga at may pagkamayabang din. At naawa siya rito. Naaawa in a sense na mukhang kaaawa-awa kasi ang hitsura nito. Winston looked like a... well, a loser. Nang magsabog yata ng kaguwapuhan ang Diyos ay tulog ang nanay nito habang ipinagbubuntis ito. Nakahati sa gitna at lagi pang nakapomada ang buhok nito na napakalagkit tingnan. Malalaki ang mga mata ni Winston. At nakausli ang ngipin nito sa harapan. Kapag nakikita niya ito ay tila gusto niyang tahiin ang bibig nito para magsara lamang iyon. Hindi niya maintindihan na sa kabila ng malaki naman ang kinikita nito sa negosyo nitong buy and sell ng mga sasakyan ay hindi pa nito naisipan ang bumisita sa isang dentista upang ipaayos ang mga ngipin nito. At higit sa lahat, baduy itong manamit. Parang ngayon. Mismatched ang suot nitong bulaklaking long sleeve polo—na hanggang leeg ay nakasara ang mga butones— sa bell bottom pants nito. Uso ang porma nito noong dekada sitenta, pero 2014 na! Hindi rin sila nagkakalayo sa tangkad nito. Napapangiwi siya habang pinagmamasdan ito. Kaya hindi niya talaga maisip na maging boyfriend ito. Hindi niya type ito. Kinikilabutan siya maisip lang ang bagay na iyon.

Kung bakit naman kasi pumayag akong makipag-date sa lalaking 'yan!? Naiinis na naman si Katrina. Kasalanan din kasi niya. Kung hindi siya pumayag na makipag-date noon kay Winston ay hindi siya magkakaroon ng isang makulit na manliligaw. Pero mas kasalanan iyon ng Papa niya dahil ito ang nagpakilala sa kanya kay Winston. Ang papa niya ang pumilit sa kanya na pagbigyan si Winston na makipag-date sa kanya. Naging kliyente kasi ni Winston ang papa niya nang bumili ang papa niya ng second-hand na sasakyan para sa graduation gift nito sa nakababatang kapatid niyang si Nathan. At upang mabigyan ng mas murang halaga ang kanyang papa ay pumayag itong mai-date siya ni Winston. Dahil masunurin siyang anak ay pinagbigyan niya ang hiling nito.

Matagal na raw kasi siyang crush ni Winston. Ang sabi nito ay nakita siya nito sa mga TV commercials na ginawa niya noon. At naglakas-loob daw ito na yayain siyang mag-date nang magkakilala sila ng pormal. Ngayon, hindi lang malakas ang loob ni Winston, sobrang lakas ng loob at bilib sa sarili nito! Dahil hindi lang isang date ang gusto nito. Nais nitong maging girlfriend siya! Que horror!

"Madam! Sino'ng sinisilip mo diyan?" pukaw ng Chief hairstylist niyang si Mischa. Binabae ito. Loyal ito sa kanya at tatlong taon na silang magkasama.

Itinuro niya rito ang tinitingnan niya. "Si Winston," nakasimangot na sagot niya. Tatakasan na lang siguro niya ito mamaya. Bahala na.

Pumilantik ang kamay nito. "Bakit kasi hindi mo pa sagutin, madam? Mukhang love na love ka naman niya, o. Kanina pa siya riyan." Nanunukso namang sabi ni Mischa.

Nilingon niya si Mischa at hinila ang buhok nito. "Eh, kung kalbuhin kaya kita riyan? Kahit ikaw, hindi mo naman papatulan 'yang si Winston."

Inayos ni Mischa ang buhok nito. Feeling maganda talaga ito. "Kahit beki ako, madam, nunca na patulan ko 'yang mga ganyan. May taste naman ako, 'no! Pang guwapong bagets lang ang alindog ko!"

A Stolen Kiss and A Love Charade (Published under PHR 2015) - COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon