Chapter 19: Rejoices with the Truth
"Love rejoices with the truth. Love gets excited when it hears of spiritual victories." -Steven Cole
"Truth and love go together like hand in glove. Truth must make our love discriminating, and love must make our truth compassionate and forgiving." -Keith Krell
***
DALAWANG araw ang mabilis na lumipas sa Monte Amor. Nasundan pa ng mas maraming kasiyahan ang pamilya nina Terrence. Inililibot niya rin si Eunice sa buong probinsiya. Ipinapakita niya rito ang mga lugar kung saan mahilig silang magpi-pinsan na pumunta sa tuwing nagbabakasyon sila roon noong mga bata pa sila.
Pero sa dalawang araw na iyon ay napapansin lagi ni Terrence na tila may ibang iniisip si Eunice. Although she's smiling, napapansin niya ang mga kakaibang kilos nito. Minsan pa ay napakalayo ng mga tingin nito. At sa gabi, sa tuwing natutulog sila ay sadyang nilalayo nito ang sarili sa kanya.
"Terrence!"
Napalingon si Terrence at nakitang papalapit ang pinsang si Matthew.
"Mukhang malalim ang iniisip natin, ah!" anito habang umuupo patabi sa kanya. Nakatambay siya ngayon sa pilapil kung saan may palayan na pagmamay-ari ang isa niyang tiyuhin. Iniwan niya si Eunice sa bahay dahil maghahanda raw ito para sa gaganaping sayawan sa malaking bakuran nila.
"Something's wrong with Eunice."
"Nag-away kayo?"
Umiling siya. "We didn't. But she barely talk to me. Parang laging malayo ang isip niya," nag-aalalang wika niya.
"Well, mukhang masaya naman siya sa mga past parties natin."
Nagkibit-balikat siya. "Iyon nga, eh. Kapag iba ang kasama niya ay masigla siya. Kapag kami na lang..."
Tinapik-tapik siya nito. "Out-of-the-kulambo ka pala," natatawang sabi nito.
Tiningnan niya ito nang masama. "Hindi iyon. Pero... parang iniiwasan niya 'ko." Ano kayang mali ang nagawa niya?
"Baka na-turn off sa'yo nang nakikipag-agawang buko ka?" biro pa nito.
"Ang laking tulong mo talaga," sarkastikong wika niya. Kung hindi lang din nasa bakasyon si Dale at ang asawa nito ay tumawag na siya sa kaibigan. Walang matinong kausap sa mga pinsan niya, kahit kailan.
Tumawa ito. "Okay, okay. Ang akala ko pa naman si Rachelle ang iniisip mo."
Maraming alam si Matthew tungkol sa sitwasyon ni Terrence. Ito ang katulong niyang maghanap kay Rachelle dahil isa itong NBI agent.
Napabuntong-hininga siya. Gusto niya na sanang makita si Rachelle at ang anak nila pero parang laging pinipigilan iyon ng panahon.
"Bumalik na raw ba sa bahay nila?" mahinang tanong niya. Nadaanan niya na rin minsan ang sinasabing tinitirhan ni Rachelle na malapit lang pala sa bayan.
Matthew deeply sighed. Napalingon siya rito.
"Bakit?" magkasalubong ang mga kilay na tanong niya.
Tumingin ito sa kanya. "Mukhang hindi na siya babalik ng Monte Amor, Terrence."
"What do you mean?" nagtatakang wika niya. Nalaman ba ni Rachelle na taga-Monte Amor siya at umalis ito dahil talagang pinagtataguan siya nito? Ayaw ba nitong makilala niya ang anak niya rito?