"Hi! Pwedeng makishare?"
Dahan-dahang nag-angat ng tingin ang lalaki. Rumehistro sa mukha nito ang pagkagulat. Pagpasok kasi niya sa canteen ay nakita niya ito na mag-isang nakaupo sa may gilid.
"Pwedeng maki-share?" Ulit niya sa tanong. "Nakakangalay kasi itong tray na dala ko."
Tumingin ang lalaki sa paligid at tumaas ang isang kilay nito. "Marami namang vacant ah."
Wow! The nerve! Ngumiti siya ng ubod tamis kahit gusto niyang mabwisit sa hantaran nitong pagtataboy sa kaniya. "Gusto ko sa table na ito. Kita lahat ng dumadaang tao."
Kumunot ang noo nito sa sinabi niya. Pero pumayag ito. "Sige."
Mabilis siyang umupo at ipinatong ang tray sa lamesa pero napamaang siya ng tumayo ito. "Hey, saan ka pupunta?"
"Sabi mo gusto mo itong table, ayan binibigay ko na. Hindi naman iyan akin. Lilipat na lang ako." Walang anumang sagot nito.
Lalo siyang nainis, sa sulok ng mata niya'y ilang estudyante na rin ang nakikiusyoso. At napapahiya na siya. Ang lakas ng loob ng lalaki na ito na pahiyain siya.
"Fine! Lumipat ka kung gusto mo!" Naka-angil na sagot niya.
Tinignan lang siya nito na para bang sinasabi nitong parang bata siyang nagtatantrums bago ito tuluyang lumipat ng pwesto. Iyong malayong-malayo sa kaniya. Sarap ibato rito ng tray.
"Iniiwasan mo ba ako?" Tanong niya kay Raymond paglabas nito ng stadium. Hindi pa rin niya makalimutan ang pagpapahiya nito sa kaniya sa canteen kahapon kaya inabangan niya ito ng matapos ang practice nito.
"Ikaw na naman?" Gulat na tanong nito. "Stalker ka ba?"
Pinameywangan niya ito. "Excuse me! Bakit naman kita i-stalk?"
Naglakad ang lalaki pero sinabayan niya ito.
"Bigla-bigla kang sumusulpot kung nasaan ako. Hindi ba stalker iyon?" Sagot nito pero hindi humihinto sa paglalakad.
"For your information, Mister. Hindi ako stalker, hindi kita ini-istalk."
Muntik na siyang matumba ng bigla itong tumigil.
"Ouch!" Impit niyang sigaw, nauntog lang naman siya sa matigas na likod nito. "Ano ba? Magpasintabi ka naman kung titigil ka!"
Napaharap sa kaniya ang lalaki at parang inis na tinitigan siya. "Sinabi ko ba sa iyong sundan mo ako? Teka, bakit ka nga ba sunod ng sunod sa akin?"
Pinameywangan niya ito. "Ano bang problema mo? Bakit ba napaka-isnabero mo?"
Tumaas ang isang sulok ng labi nito. "Ikaw ang problema ko at ang pagsunod-sunod mo. Hindi ka naman siguro aso at hindi naman kita alaga para lagi kang bumuntot sa akin."
Pakiramdam niya'y gustong umusok ng ilong niya sa galit sa lalaking ito. Bakit nga ba siya masyadong apektado na hindi siya nito pinapansin? To the point na nagmumukha na siyang tanga. At stalker.
Inis niya itong tinalikuran. Wala na siyang pakialam dito. Hindi na niya ito susundan. Peksman.
"Nagwa-walk-out ka ba?" Tanong nito. "Siguraduhin mo lang na hindi ka na babalik ha."
Nag-about face siya at inis na inis na lumapit dito. She pointed her fingertip at his chest. "Hoy, lalaking saksakan ng antipatiko, hinding-hindi na kita kakausapin kahit kailan. Wala akong pakialam sa'yo. Wala! Wala!"
BINABASA MO ANG
Hello Again, My One and Only (Published under Precious Hearts Romances)
Romance"You may be out of my sight but not out of my heart. You may be out of my reach, but not out of my mind. I may mean nothing to you but you'll always be special to me." February was the golden girl, the princess. Wala siyang ginusto na hindi nakukuha...