Kapitulo 3

30 1 0
                                    

Kapitulo 3

(Taong 1890)

Third Person's

Matapos na makita ni Kapitan Francisco ang tagpong iyon sa pagitan ni Juan Antonio at Clarita ay agad nitong tinungo ang kinaroroonan ni Gobernador Julio Antonio Balmaceda.

"May katotohanan ba ang iyong bintang, Kapitan Francisco? Hindi kaya't namamalik-mata ka lamang at kahawig lamang ng aking anak ang iyong nasaksihan? Hindi iyon magagawa ng aking anak!" galit na turan ng Gobernador matapos nitong marinig ang balita sa kanyang tagapayo.

"Hindi nagkakamali ang aking mga paningin, Gobernador. Si Heneral Juan Antonio ang aking nakita at kasama nito ang anak ni Crisanto at Margarita," kumpirma ni Kapitan Francisco.

"Crisanto na magsasaka ng aking lupain, at Margarita na aking tagaluto? No puedo creer esto (I can't believe this)!"

"Ano ang karapat-dapat nating aksyon, Gobernador? Nais niyo bang ipapatay ang pamilya Guillermo? Kung hindi man ninyo gustong dumanak ng dugo, bakit hindi ninyo sila pagmalupitan?" nakangising suhestiyon ni Kapitan Francisco.

Napangisi rin ang Gobernador saka ito tumingin ng makahulugan sa kanyang tagapayo. "Napakagandang suhestiyon. Maglalaro ako ng palihim at pailalim. Hahayaan kong ang kanilang pamilya ang kusang susuko. Hindi nararapat ang katulad nila sa ating uri."

Samantala, sa maliit na tahanan ng pamilya Guillermo, ay naroon si Clarita na binabasa ang unang sulat ni Juan Antonio sa kanya.

~Mahal kong Clarita,

Labis akong nalumbay nang tumuntong ako ng barkong aking sinakyan nang ako'y lumisan, ngunit baon ko ang galak at pag-asang muli akong babalik para sayo. Ang sulat kong ito ay upang ipaalam ko sayong nakarating ako ng matiwasay sa Bulakan at iparating sayo na ako'y nasa maayos na kalagayan.

Nakapaloob sa sulat na ito ang aking buong pagmamahal na iniaalay ko sayo.

Nagmamahal,
Juan Antonio~

Hindi maialis ang ngiti sa labi ni Clarita nang matapos nitong basahin ang sulat ni Juan Antonio. Nais din nitong sulatan pabalik si Juan Antonio nang makarinig siya ng ingay sa labas ng kanilang tahanan.

"Walang katotohanan ang bintang na iyon, Gobernador! Hindi ko iyon magagawa!" pilit na tanggi ng kapatid ni Clarita na si Carlitos na hawak-hawak ng mga kawal.

"Carlitos, anak ko! Gobernador, hindi po magagawa ng aking anak na magnakaw. Mahirap lamang po kami pero hindi po magnanakaw ang anak ko. Pakawalan niyo po siya," pagmamakaawa ni Aling Margarita sa Gobernador. Nakaluhod na ito sa kanyang paanan.

"Malakas ang patunay na ito'y sangkot sa pagnanakaw ng mga alahas at pera sa pamilya Dela Vega. Hindi maaaring ipagwalang-bahala na lamang ito!" giit ng Gobernador saka nito sinenyasan ang mga kawal na bugbugin si Carlitos.

Nanlalaki naman ang mata ni Clarita nang makita niyang binubugbog ang kanyang kapatid at ang kanyang ina naman ay nakaluhod na.

"Mamang!" malakas na tawag nito saka dinaluhan ang kanyang ina. "Pakiusap, Gobernador. Pakawalan po ninyo ang aking kuya. Kung anuman po ang kanyang nagawa, amin pong babayaran na lamang. Pakiusap po, itigil ninyo na po ito," umiiyak na sambit ni Clarita.

"Isang kalapastanganan ang kanyang ginawa! Hindi ito nababayaran lamang! Ikulong na iyan sa kwartel!" utos ng Gobernador kaya hinila na ng mga kawal si Carlitos papuntang kwartel. Binalingan nito si Clarita. "Ikaw ba si Clarita?" tanong nito at parang ineeksamin ang itsura ni Clarita.

Tumango ang dalaga. "Ako nga po. Pakiusap po, maninilbihan na lamang po kami bilang kabayaran sa nagawa ng aking kapatid," ani nito saka tumungo.

Ngumisi ang Gobernador sa kanya. "Kulang pang kabayaran ang buhay ninyo sa ninakaw ng iyong kapatid. Kamusta na nga pala ang aking anak na si Juan Antonio? May balita ka na ba?" sarkastikong wika ng Gobernador kaya biglang napaangat ang kanyang tingin dito.

Miss 1890 In Modern TimesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon