Kapitulo 5

58 2 1
                                    

Kapitulo 5

(Taong 1890)

Third Person's

"Papang! Salamat sa Diyos at buhay kayo!" masayang sabi ni Clarita saka ito agad yumakap sa kanyang ama nang sila'y makarating sa kuta ng mga rebelde.

"Clarita, anak ko, patawarin ninyo ako kung biglaan ang aking paglisan sa atin. Patawarin din ninyo ako kung lubusan ko kayong pinag-alala ng iyong Mamang," wika naman ni Mang Crisanto na ama ni Clarita.

Humiwalay ito ng yakap sa anak saka naman nito nilapitan ang asawang panay ang pagluha.

"May katotohanan ba ang ibinibintang sayo ng Gobernador, Crisanto? Kasapi ka ba ng mga rebelde?" nag-aalalang tanong ni Aling Margarita.

Hinawakan ni Mang Crisanto ang kamay ng kanyang asawa. Umiling ito bilang sagot sa tanong nito.

"Wala iyong katotohanan, Margarita. Noong gabing umalis ako sa atin, ang akala ko ay ipinatawag lamang ako dahil may ipag-uutos ang Gobernador. Ngunit, dinala ako ng kanyang mga tauhan sa daungan ng barko," panimulang kwento ni Mang Crisanto.

Napatakip ng bibig si Aling Margarita sa kanyang mga narinig. Pinaupo muna ito ni Clarita at inabutan naman ito ng tubig ni Carlitos.

"Nalaman ko na lamang na nais akong ipatapon sa Dabaw kaya sinubukan kong tumakas. Ngunit hindi naging maganda ang aking kapalaran dahil tinamaan ako ng bala mula sa kanila," patuloy nito.

"Oh, Diyos ko..." nanghihinang reaksyon ni Aling Margarita kaya agad itong tinabihan ni Clarita at inalalayan.

"Nawalan ako ng malay at ang huling natandaan ko ay bumagsak ako sa lupa. Nagising na lamang ako na nandito ako sa kuta ng mga rebelde. Malaki ang aking pasasalamat sa inyong samahan, Don Teodoro," ani Mang Crisanto.

Ngumiti si Don Teodoro at tumango kay Mang Crisanto. "Walang anuman, Crisanto. Batid kong mabuti kang tao kaya ka namin tinulungan. Wala ring katotohanan ang ibinibintang ng Gobernador sa iyong anak na pagnanakaw sa aming ari-arian."

"Subalit, bakit? Ano ang dahilan ng Gobernador sa lahat ng pasakit na ibinibigay niya sa amin?" nagtatakang tanong ni Mang Crisanto.

Napatingin si Don Teodoro kay Clarita at tipid itong nginitian. Tila alam nito ang naiisip ng dalaga.

"Walang duda, Crisanto, si Clarita ang nais nilang pabagsakin at sirain," siguradong sagot ni Don Teodoro.

Napabaling ang tingin ni Crisanto sa anak. Kumunot ang noo nito habang ang mata nito ay tila humihingi ng sagot sa kanyang anak.

Bigla namang umalis sa kinauupuan si Clarita saka ito lumuhod sa kanyang ama.

"Patawarin po ninyo ako, Papang. Patawad po sa aking nagawa," umiiyak na wika ni Clarita sa ama na mas nagpakunot ng noo ni Mang Crisanto. Agad nitong binalingan si Don Teodoro na hinawakan siya sa kanyang balikat.

"Nahuli ni Kapitan Francisco sina Juan Antonio at Clarita sa daungan ng barko noon at narinig nito ang relasyong mayroon ang dalawa. Matagal ng magkasintahan ang iyong anak at si Juan Antonio," pagtatapat ng Don.

"Simula roon, pinagmamalupitan na ang inyong pamilya upang sa inyo na rin manggaling ang pagsuko na minimithi ng Gobernador. Hindi nito matanggap na iibig lamang ang kanyang anak sa isang katulad ni Clarita," patuloy naman ni Alfredo na anak ni Don Teodoro.

"Clarita, paano? Kailan pa ito?" tanong ni Mang Crisanto sa anak.

"Matagal na po, Papang. Tatlong na taon na po. Patawad po, Papang, kung inilihim ko ito sa inyo. Patawad po kung ginigipit tayo ng Gobernador ng dahil sa akin," umiiyak pa rin na sagot ni Clarita kaya pinatayo ito ng kanyang ama. "Kasalanan ko pong lahat ito. Patawarin ninyo po ako."

Miss 1890 In Modern TimesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon