"KANINONG apartment ito?" tanong ni Cindy kay Colt.
Nang tanungin siya nito kanina kung saan niya gustong makipag-usap ay sinabi niyang kahit saan basta walang makakakita sa kanila na ibang estudyante.
"Sa akin." sagot nito at pinauna siyang pumasok. Dumiretso ito sa kinalalagyan ng stand fan at isinuksok ang kurdon niyon sa kuryente.
Natigilan siya sa sinabi nito. May balak ba itong hindi maganda sa kanya? Tumalikod siya at unti-unting lumapit muli sa pintuan ng kalabitin siya nito sa balikat.
"Ay, kabayo! Bakit ka ba nanggugulat?"
"Huh? Saan ka ba kasi pupunta?" nagtatakang tanong nito.
"Gusto ko lang i-check kung maayos pa ba yung lock ng pintuan mo. Mahirap na at baka mapasok tayo ng magnanakaw." palusot niya.
"Puro ka kalokohan, umupo ka muna doon at maghahanda lang ako ng makakain natin." anito at ininguso ang mahabang sofa na nasa sala nito.
Hindi naman siguro ito nagpaplano ng kung ano sa kanya. Nagpasya na siyang tunguhin ang sofa at naupo doon ng iwanan na siya ng binata. Hindi malaki ang tinitirhan nitong apartment pero napakalinis niyon. Pagpasok ng pintuan ay sala na agad ang mabubungaran. Kapansin-pansin ang mga musical instrument na maayos na nakalagay sa kanang bahagi ng apartment nito. Hindi maipagkakamaling bahay iyon ng isang musician. Nang lumabas si Colt– sa isang pintuan na sa tingin niya ay kusina– ay may dala na itong dalawang baso na may lamang juice at biskwit.
"Pasensiya na, wala na pala akong stock ng pagkain. Naubos na lahat ng masibang si Twinkle." hinging paumanhin nito habang iniaabot sa kanya ang isang baso.
"Okay lang, hindi ka na sana nag-abala pa. Dito din ba nakatira sina Twinkle?" tanong niya.
"Kung ang gusto mong malaman ay kung dito din ba nakatira si Milo, the answer is no. Dito lang kami palaging nagpa-practice dahil mas malapit ito sa university at sa Milo's Bar, mas convenient para sa aming lahat." paliwanag nito at umupo na sa pang one-seater na sofa na nasa may kanan niya.
"Ah, kaya pala nandito yung mga yun." aniya na ang tinutukoy ay ang mga instrumento. "Sinong kasama mo dito?"
"Wala, solo lang ako." anito at uminom ng juice.
Medyo na conscious pa siya dahil nakatitig ito sa kanya kaya nag-iwas siya dito ng tingin. Inaamin niyang masyadong malakas ang dating ng presensiya nito sa kanya at hindi niya mapigilan ang sariling maramdaman ang pakiramdam na ayaw niyang pangalanan.
"Nasaan ang pamilya mo?" Ang ibig kong sabihin, ang mga magulang mo?" kapagkuwan ay tanong niya ng hindi pa din ito tinitingnan.
"Wala na patay na sila. 'Yung ate ko naman, nurse sa New Zealand, siya ang nagpapaaral sa akin kaya hindi pwedeng magpa-petiks petiks ako sa pag-aaral. Kailangang makatapos ako para makauwi na siya ng Pilipinas at baka nalulungkot na iyon 'dun." kwento nito.
Napatingin na siya dito. Alam niyang hindi ito humihingi ng simpatya sa kanya at nagkukwento lang, pero hindi pa din niya maiwasang humanga dito. Hindi niya inakalang sa likod ng mga kapilyuhan nito ay namumuhay na itong mag-isa. She felt ashamed of her approached towards him from the start. Akala niya ay wala itong problema dahil palagi itong nakangiti tuwing nakikita niya sa school. Napahiya naman siya dahil nagmukhang walang kwenta ang pino-problema niya kumpara sa sitwasyon nito. She was now seeing Colt in different light.
"I'm sorry about your parents." malungkot na sabi niya.
"Wala na yun, matagal na ding nangyari kaya hindi na big deal sa akin." kibit-balikat na sabi nito. "Teka, ano nga pala ang kailangan nating pag-usapan?"
BINABASA MO ANG
It's Gonna Be Love (Published under PHR)
RomantikHindi matatawaran ang inis na nararamdaman ni Cindy kay Colt tuwing nakikita niya ito. Nalaman kasi nito na pinagpapantasyahan niya ang kaibigan at kabanda nito na si Milo. Dahil sa kagustuhan niyang mapalapit sa iniirog ay nilapitan niya ito at nag...