ANG sabi sa librong nabasa ni Cindy noon, lahat daw ng tao may multong tinatakasan. Tinawanan lamang niya iyon noon ng mabasa niya. Pero natuklasan niyang totoo pala iyon at hindi na niya magawang tumawa. Mukhang si Maya ang multong kailangan na niyang ipasundo kay San Pedro upang hindi na kumalat kalat pa sa paningin niya. Nasa sala silang tatlo at doon kumakain ang dalawa ng pagkaing dala ng dati ay 'manok' niya sa Kuya Nathan niya.
Naiinis siya dahil hindi man lang sinabi sa kanya ni Colt na kilala nito si Maya. Mas naiinis siya dahil mukhang close na ang mga ito, dahil ayon kay Maya, nalaman nito mula sa binata na may sakit ito kaya naman dinalaw nito si Colt. Ibig sabihin ay may kumunikasyon ang mga ito. At ang pinakanakakainis sa lahat ng nakakainis, ay sarap na sarap ang tinamaan ng sakit sa pagkaing dala ni Maya. Sinigang ang ulam na dala nito at may kasama na ding sinaing. Hanga siya sa pagiging girl scout ni Maya dahil may dessert pa iyong kasama. Pinagmalaki pa nitong ito ang nagluto ng lahat ng dala nito na halatang nagpapa-impress kay Colt. Nagdahilan lamang siyang katatapos lamang kumain kaya siya tumaggi ng yayain siya ng mga ito sumalo.
Dapat ay hindi siya naaapektuhan ng ganoon dahil kaibigan lang naman ang turing niya sa binata. Pero bakit ngali-ngaliin na niyang lundagin si Maya at sabunutan ito tuwing susubuan nito ng pagkain si Colt? Ibayong pagtitimpi at inis ang nararamdaman niya sa harapang paglalambingan ng mga ito. Napatikhim siya ng malakas ng makitang dumako na ang hinlalaki ni Maya sa mga labi ni Colt. Nagbaling ang mga ito ng tingin sa kanya at bumungisngis pa ng mahinhin ang dalagang bisita nito na lalong ikinairita niya.
"Cindy, okay ka lang ba? Gusto mo, umuwi ka na? Baka mahawa ka pa sa akin." nag-aalalang tanong ng binata sa kanya.
"No, I'm staying." pinal na sabi niya. Hindi ito magtatagumpay kung iniisip nitong hahayaan na lamang niyang alagaan ito ni Maya. Mahirap na at baka masalisihan siya at ma-rape pa ito ng babaeng sobrang makadikit dito.
"Tama si Colt, Cindy. Baka hinahanap ka na sa inyo." apela ng multo.
Kung hindi ba naman talagang atat na masolo nito si Colt. "Ikaw, Maya, hindi ka pa ba uuwi?" aniya at pinagtaasan ito ng kilay.
Naumid ang dila nito sa diretsong tanong niya. Marahil ay nahalata nito sa boses niya ang paghahamon kaya naman nginisihan siya nito. Babae ito kaya nararamdaman siguro nito na hindi niya ito gustong makita sa apartment ni Colt.
"Nope, Colt needs me here. I know that you are his friend, but I think he needs someone like me who knows how to take care of a sick man." anito at binigyan pa ang binata ng matamis na ngiti.
Napaismid siya. Dahil naging textmate niya ito noong panahong nababaliw pa ito sa Kuya Nathan niya, alam nitong wala siyang alam sa mga gawaing bahay.
"Hindi mo man lang ba kakamustahin ang Kuya ko, Maya?" sa halip ay tanong niya kahit napipikon na talaga siya.
"Why would I? He's already happy with Colt's friend. I mean, nag-move on na ako." anito at sinubuan muli si Colt na palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. Mukhang naaaliw ito sa pagpapalitan nila ng salita ni Maya.
Halata ngang nag-move on na ang hitad. Pero hindi niya nagustuhan kung saan ito nag-move. Kasi nagseselos ka! Natigilan siya sa biglang naisip. Nagseselos nga ba siya? Tiningnan niya ng matiim ang dalawang kaharap at masusing pinakiramdaman ang sarili. She was stunned when realization hit her. She likes Colt! Pero paanong nangyari yun? Si Milo ang gusto niya di ba? Noong si Milo ang napapalibutan ng mga babae o malalaman niyang may girlfriend na ulit ito ay panghihinayang lang ang nararamdaman niya.
Pero ngayong si Colt ang nilalandi ng ibang babae ay nais niyang maghamon ng away sukdulang mawalan siya ng poise. She fell in love with Colt without realizing it. Madalas niya itong kasama at hindi na niya ina-anticipate pa ang paghaharap nila ni Milo. Na mas masaya siya tuwing kasama niya ito. That she willingly cleaned his apartment because she relly wanted to impress him.
BINABASA MO ANG
It's Gonna Be Love (Published under PHR)
RomanceHindi matatawaran ang inis na nararamdaman ni Cindy kay Colt tuwing nakikita niya ito. Nalaman kasi nito na pinagpapantasyahan niya ang kaibigan at kabanda nito na si Milo. Dahil sa kagustuhan niyang mapalapit sa iniirog ay nilapitan niya ito at nag...