First Day of classes ulit... :)
Grade 10 na sila.
Gaya pa rin dati, inuunahan ni Jake si Red sa paggising upang siya mismo ang mag-asikaso at maghanda ng mga kailangan nila sa pagpasok sa school at ng kanilang magiging almusal.
At sa umagang iyon ay sinikap niyang maunahang magising si Red.
Habang naghahanda siya ng almusal ay bumabalik sa alaala niya ang unang araw ng pagpasok sa Malaya National High School.
Naalala niya ang tagpo mula sa bahay ng kanyang Tita Dolly...Noong hindi man lang siya nakapag-amusal bago umalis... Noong may butas pa sa kilikili ang nahugot niyang polo shirt... Noong kinakalkula pa niya ang oras at tinatantiya kung mali-late ba siya... Noong kinakabahan pa siyang pumasok sa classroom dahil na-late nga siya sa kanyang first day sa school na iyon!
Parang kailan lang... Tila kahapon lang...
Sa dami kase ng nangyari ay naging kapana-panabik ang 'pakikipagsapalaran' niya sa lugar na ito at sa pag-aaral niya sa Malaya.
Idagdag mo pa rito ang tungkol sa sistema ng pagtatatag o pagbuo ng 'companies' o 'grupo' sa paaralan na nagtulak sa kaniya para maging mapursige at masigasig na 'lider' at estudyante... na nagbunsod naman upang maging abala siya sa paglipas ng mga araw at panahon sa kanyang unang taon...
Naalala din niya ang 'pagbabalik niya' sa paaralan pagkatapos ng Christmas Vacation.
Tila napakabilis din itong lumipas - parang kahapon lang din iyon - nang pagpasok niya muli sa paaralan - nagtatatalon at tuwang-tuwang niyakap siya ng mga kaklase, ng members ng PURSUGIDOS, ng PagbaBAGO - lalong-lalo na ang F5 Refresh members na sina Ren, Jude, Carlos at Jeric. Hindi pa kase alam ng karamihan sa kanila na 'hindi natuloy ang pag-alis niya' - nagwala at nagsisisigaw ang mga ito nang malaman nilang dito sa Malaya muli siya magpapatuloy ng pag-aaral.
Napakasaya ng F5 Refresh dahil anila'y matutuloy na rin ang 'plano' para sa PagbaBAGO Group.
Iniisip niya tuloy... "Ano kaya ang pwede pang mangyari sa kanya sa kanyang pangalawang taon sa Malaya at dito sa bahay na ito?" Napapatulala siya kapag sumasagi sa isip niya ang tanong na iyon...
Ahh basta ang alam niya, ang kanyang grupong PagbaBAGO Group naman ang 'aasikasuhin' niya.
Nag-iisip pa siya ng plano...
Paano kaya niya mahihigitan ang tagumpay na nagawa ng kanyang grupong RESPETADAS?
Hindi niya akalaing magiging successful ang RESPETADAS.
Ang grupong RESPETADAS ang 'itinanghal' na BEST GROUP ng paaralan -- ginawa ito ng pamunuan ng eskwelahan upang maka-inspire pa ng mga estudyante sa pagbuo ng maraming grupo o companies -- nais itanim ng pamunuan sa isipan ng mga estudyante na maaari naman palang matalo ang PURSIGIDOS, na maaari pang manalo at magwagi laban sa grupong kinikilala ng lahat na 'hall of famer' na sa lahat ng 'samahan' sa eskwelahan. Upang tularan ng lahat ang ginawang pagsisikap ng RESPETADAS.
Napagkasunduan ng lahat -- sa pagitan ng pamunuan ng paaralan at ng PURSIGIDOS -- na ang RESPETADAS ang gawing 'Best Group' dahil na rin sa tagumpay ng mga ito at upang hindi rin manghinala ang mga estudyante (na hindi pa nakakaalam ng sikretong sistema ng paaralan tungkol sa paglikha ng mga grupo). Baka magtaka ang lahat kung PURSIGIDOS pa rin ang ipapakilalang BEST GROUP.
Dahil dito, ang larawan ng grupong RESPETADAS na rin ang nakapaskil sa lahat ng bulletin boards sa buong paaralan! Kasama siya - bilang lider ng grupo!
Dahil pa rin dito, 'binigyan' rin ng paaralan ang RESPETADAS ng Vacation Outing Package sa isang beach resort noong nakaraang bakasyon.
Kaya't maging ang bakasyon na nagdaan ay tila mabilis ding lumipas dahil paghahanda nila sa nasabing 'outing'.