Aware ka ba kung sino ang katabi mong matulog sa gabi? Paano kung hindi mo namamalayang ibang nilalang na pala ang nakakatabi mo sa pagtulog? Makakatulog ka pa kaya ng mahimbing?
Sa magulang pansamantalang nakikituluyan si Marites kahit may asawa na siya. Ayaw niya kasing mapag isa sa bahay nilang mag asawa dahil pang gabi ang duty ng mister niya. Isa pa, matatakutin kasi si Marites kaya napagpasyahan muna nilang mag asawa na sa bahay ng magulang muna siya mamalagi dahil baka makasama sa batang nasa sinapupunan niya kung palagi siyang nininyerbyos.
Isang gabi, naisipan ng mag anak na sa salas na lamang matulog kung kaya kahit na may kaliitan ang salas ay pinagsiksikan nila ang mga sarili nila. Sa panghulihan napagpasyahan mahiga ni Marites. Ayaw niya kasing napapaligiran siya dahil mainit at hindi siya kumportable lalo na dahil malaki na ang tiyan niya.
Sa kaliwa ay katabi niya ang mama niya samantalang sa kanang bahagi ay mga gamit na pinagtambakan na natatakpan lamang ng kurtina na ginawang divider sa salas at tambakan ng gamit.
Habang natutulog ay bigla siyang nakaramdam ng taong tumatabi sa kanya. Pilit daw itong nakikipagsiksikan sa kanan niya, ramdam niyang umuusog pa ito kaya tantiya niyang may katabaan ang taong tumatabi sa kanya. Ngunit ang nagpagising sa diwa niya ay ang malakas na paghilik nito na boses lalaki.
Hinayaan na lamang niya kahit na medyo naiinis na siya. Ano ba naman iyan si tatay ang lakas makahilik. Wala sa sariling nasambit niya.
Bigla siyang natauhan sa sinabi. Patay na ang papa niya kaya imposible iyon. Napalingon siya sa kanan ngunit wala siyang nakikita, magkagayun man ay ramdam niya ang presensiya nito na hanggang sa mga oras na iyon ay nakikipagsiksikan pa rin sa kanya. Hindi rin siya namamalikmata dahil rinig na rinig niya pa rin ang maingay na hilik nito. Napatingin siya sa mga kasama niya upang siguraduhin kung tama ang iniisip niya kaya pilit na dininig niya ang pinangagalingan ng hilik.
Halos lumaki na ang mga mata niya ng mapagtantong sa kanang bahagi nga niya naririnig ang tunog. Dahil sa takot ay pinilit niyang isiniksik ang sarili niya sa mama niya kahit na naiipit na ang tiyan niya. Hindi niya kasi alam kung sinong nilalang ang katabi niya sa kanang bahagi. Pinilit niyang matulog sa kabila ng takot na nararamdaman niya.
Halos isang linggo nagpatuloy ang ganitong eksena sa tuwing matutulog siya. Hindi naman kasi siya makatulog sa taas dahil wala siyang kasama.
Dumating ang araw na maagang nakauwi ang mister niya galing trabaho kaya dinalaw siya nito kaagad at napagpasyahang makitulog na rin dahil alas 3 na ng madaling araw.
Ipinagpasalamat ito ni Marites dahil hindi na niya makakatabi ang nilalang na palaging tumatabi sa kanya tuwing gabi sapagkat sa kanang bahagi niya matutulog ang mister.
Hindi pa man daw nagtatagal ay kinakalabit na siya ng asawa. Halatang may bumabagabag dito.
Ano? Inip na tanong niya.
May tao bang natutulog sa may kurtina? Tanong nito.
Wala bakit?
May sumisiksik kasi sa akin. Sagot ng asawa.
Wala nga. Napaisip si Marites. May posibilidad na ang nararamdaman ng asawa niya ay ang nilalang na nagpaparamdam din sa kanya. Hinawi ng asawa niya ang kurtina at laking gulat nito ng puro tambak na bagay lamang ang bumungad sa kanya.
Bakit? Maang maangang tanong ni Marites. Ayaw niya kasing ikuwento pa sa asawa ang nalalaman dahil baka hayaan pa siya nitong matulog mag isa kasama ng nilalang na iyon. May kaduwagan din daw kasi ang mister niya.
May tubo ba kayo dito na nakakonekta sa katabing bahay ninyo? May naririnig kasi akong humihilik. Baka doon iyon galing. Saad ng asawa niya.
Bakit anong akala mo sa amin naninilip sa kapitbahay? Pag iibang usapan ni Marites.
Hindi nga, seryoso. May tubo ba dito?
Wala!
Saan galing yung humihilik? Nangingilabot na tanong ng kabiyak.
Ahh yun ba? Doon lang yun sa nilalang na palaging nagpaparamdam at nakikitulog sa may kanan. Diretsahang pahayag niya.
Natakot ang asawa niya kaya hinintay na lamang nitong sumapit ang araw bago umuwi. Hindi na daw ito natulog pa.
Kinahapunan ay bumalik daw ang asawa niya. Day off kasi. Napagpasyahan nitong makitulog ulit sa kanila, ngunit hindi sa salas kundi sa kwarto. Pumayag naman si Marites dahil hindi na siya magtitiis na makatabi ang sinumang nagpaparamdam sa kanya. Ipinagpapasalamat na lamang daw niya at walang anumang nangyaring masama sa baby niya.
Ng matutulog na sila sa kwarto ay nanghilakbot ang dalawa ng mapag alamang sumunod sa kanila ang nilalang dahil naririnig nila ang malakas na naman na paghilik nito. Dahil sa sobrang takot na baka daw si Marites ang pakay nito ay ikinuwento na nila ito sa pamilya ng babae. Nagpausok sila sa bahay gamit ang insenso. Ipinagpapasalamat na lamang daw nila dahil nawala na ang nilalang.
Always remember to ask guidance to the lord before you sleep. Always pray.
BINABASA MO ANG
Mga Kwentong Katatakutan
HorrorMga kwentong base sa mga kakilalang nagbahagi ng kanilang hindi inaasahang karanasan.