Marami sa atin ang naniniwala na ang mga aswang daw ay may kakayahan na magbago ng kaanyuhan dahil sa itim nitong kapangyarihan. Kadalasan ay nag aanyo silang hayop at madalas na itim ang kulay ng balat nito. Pinaniniwalaang nag aanyong aso, pusa, baboy ramo o uwak ang mga aswang upang mas madali nilang makuha ang kanilang biktima na hindi mapapansin ng mga tao. Ang pagbabalat kayo lamang ang mainam nilang gawin upang masiguro ang kanilang kaligtasan at tunay na katauhan sa mata ng nakararami. Ipinapalagay pa na ginagawa nila ito upang isipin ng marami na hindi totoo ang aswang, na taong wala sa katinuan ang may gawa ng mga karumalumal na pagpatay at hindi talaga nag eexist ang mga aswang. Marami kasi sa atin ang hindi talaga naniniwala sa aswang. Naniniwala lang kasi sila sa kung ano ang nakikita at nahahawakan. Isa pa wala kasing makapagpapakita sa atin ng tunay na katauhan nila.
Madalas pa na mga hayop ang pinaghihinalaan na iyon ay aswang at nagbalat kayo lamang.
Ngunit sa mga kwentong aking ilalahad masasabi pa kaya natin na kabaliwan lamang ang paniniwala na may aswang o masasabi mo bang nagkataon lang?
Itim na kambing
Kalimitan marami sa atin ang nakakakita na may itim na hayop na umaali-aligid malapit sa taong may karamdaman, nanghihina, naghihingalo, sa taong buntis o kabuwanan at sa mga sanggol. Nagkakataon nga lamang ba ito at sadyang makitid lang ang pag iisip nating mga tao o talagang aswang nga ito? Eh ano nga ba naman ang pinapakay nila at parating umaaligid kung nagkakataon nga lang?
Isa pang nakapagtataka sa tatlong kwento ko, bakit kaya pag may kahinahinalang hayop ay hindi mo man lang makikitang umaalulong ang aso? Diba madalas sila ang nakakasense kung may papalapit na kapahamakan? Ang gulo diba?
May isang matanda na parati na lamang nakaratay sa higaan. Sa tuwing umaga kasi ay palaging umaalis ang anak nito upang magsaka kaya naiiwan siyang mag-isa sa bahay. Hindi sentralisado ang bayan nila. Maihahalintulad mo ito sa isang nayon na bukod sa hiwahiwalay ang bahay ng ilang metro ay puro kakahuyan pa ang nakapaligid. Malayo din ito sa kalsada at sentro.
Sa isang bayan o lugar kahit pa madalang ka lamang lumabas ng bahay ay pamilyar parin sa iyo ang mga hayop na pagala gala, masasabi mo rin kung pag aari ang naturang hayop ng kapitbahay mo o di kaya ay naligaw lang. Kung ito man ay naligaw lamang isang beses o dalawang beses mo lamang ito makikita dahil aalis din ito agad, kung hindi man ay maglalagi nalang ito sa isang tabi kung saan ito komportable.
Iyan ang dahilan kung bakit nakapagbigay pansin agad sa mga residente ang itim na kambing na pagala gala sa lugar tuwing umaga. Nagtaka sila pagkat wala silang maalala na may isa sa kanila na nag aalaga ng itim na kambing. Gayunpaman ay inisip parin nila na baka naligaw lamang ito o dili kaya ay may bumili upang katayin sana ngunit nakatakas lang.
Dahil sa pag aakalang may nagmamay ari nito ay hindi nila pinakialaman ang naturang kambing.
Nakapagtataka daw dahil parang may sariling lakad daw ito. Dahil bukod daw sa tuwing umaga ito napapasyal mula sa kakahuyan ay iisang daan lang daw ang laging binabalagtas nito pagkatapos ay babalik papuntang kakahuyan at hindi na makikita pa.
Bigla na lamang daw nagkaroon ng samut saring ispekulasyon ng may magkwento sa kanila tungkol sa pagala galang kambing.
Nakita daw kasi ng anak ng matandang nakaratay ang kambing na nasa bintana ng kwarto ng matanda. Nakatayo daw ito habang nakapatong ang pares ng unahang paa sa bintana at nakasungaw ang ulo sa direksyon ng matanda. May kalakihan kasi ang nasabing bintana at may kababaan, yung bang ang istilo ay swing door. Parang pinto ngunit sa taas na bahagi ng bintana nakakabit at kung bubuksan lamang ay isiswing mo ito at lalagyan ng mahabang kahoy bilang suporta. Ilang beses na daw itong nakita ng anak na umaalialigid sa bahay nila tuwing umaga bago siya umalis. Isinasawalang bahala na lamang niya ito noon ngunit ng makita niya ang kambing na nakadungaw sa ama niya ay nakaramdam daw siya ng kaba kaya sinita niya ang kambing. Imposible naman kasing gusto lang ng kambing na pumasok ng bahay dahil prenteng nakadungaw lang ito sa bintana at di kumikilos. Mula noon ay hindi na dumadalaw pa ang kambing dahil palagi ng may ipinahahabiling kapitbahay o kamag anak ang anak nito bago umalis.
Inisip ng residente na ang pakay talaga ng kambing ay ang matanda dahil sa mahina na ito. Hindi lang daw marahil magalaw ng aswang ang biktima dahil palaging nakabantay ang alagang aso ng matanda. Hindi daw kasi ito umaalis sa ilalim ng higaan ng amo tuwing umaalis ang anak ng matanda. Marahil daw kaya pabalik balik ang kambing ay para makakita ng pagkakataon na walang nakabantay na aso sa matanda at agad na bibiktimahin ito.
Ang tanong ano nga ba ang pakay ng kambing sa pagkakadungaw? May kambing bang dumudungaw sa bintana? Talaga bang ugali na iyon ng mga kambing o aswang talaga iyon?
Itutuloy...
A/n di papo tapos may dalawa pang kwento na karugtong ang itim na kambing, need lang magrest. May kasunod papo ito ang itim na ibon at itim na aso. Next chapter naman doppleganger. Hope you like it.
BINABASA MO ANG
Mga Kwentong Katatakutan
TerrorMga kwentong base sa mga kakilalang nagbahagi ng kanilang hindi inaasahang karanasan.