Part 13

32.7K 867 8
                                    

"ANG BANGO mo na."

Nakangiting sininghot ni Lorie si Maja pagkatapos niyang bihisan at polbohan ang bata. Humagikgik si Maja nang ingudngod niya ang ilong sa pisngi nito. Hindi tulad noong unang araw na dumating ang bata na hindi halos nagsasalita at nanginginig ang mga labi sa takot at pag-aalinlangan.

Pagkatapos amuyin ni Lorie si Maja ay tumayo na siya at binuhat ito pababa sa kama na ngayon ay wala nang comforter at sapin. "'Labas na tayo para makita ka ng daddy mo na malinis at mabango na," masuyong udyok ni Lorie sa bata.

Kumislap ang mga mata ni Maja at patakbong lumabas ng silid. Narinig pa ni Lorie ang pagtili nito ng "daddy" na ikinangiti niya. Napansin niya kaninang pagdating niya ang pagkislap ng mga mata ni Maja nang aksidenteng masabi niya sa bata na daddy nito si Choi. Marahil ay nakalma si Maja na malamang kahit isa man lang sa mga magulang nito ay naroon.

Subalit napansin din ni Lorie na iba ang epekto kay Maja kapag nababanggit ang mommy nito. Kanina, nang pasimple niyang tanungin si Maja tungkol sa ina nito ay muling tumikom ang mga labi ng bata at para na namang iiyak. Iyon ang dahilan kung bakit binanggit ni Lorie kay Maja ang daddy nito at ibinida si Choi kahit hindi niya alam kung totoo ang mga pinagsasabi niyang magagandang katangian ng binata.

Napaisip tuloy si Lorie kung anong klaseng babae ang nanay ni Maja. Base kasi sa reaksiyon ng bata kanina ay may takot ito sa mommy nito. Hindi ba niyon minahal ang bata? Sabagay, kung mahal niya si Maja hindi niya basta iiwan ang bata. Kung ako siya hindi ko ipapamigay sa iba si Maja kahit pa sa tatay niya.

Naalis ang atensiyon ni Lorie sa isiping iyon nang sumungaw si Choi sa pinto ng guest room. Napakunot-noo siya nang makitang nakasuot si Choi ng kupas na pantalong maong, gray T-shirt na humahakab sa katawan nito, itim na jacket, at baseball cap. Ni sa hinagap ay hindi naisip ni Lorie na nagsusuot ng ganoon si Choi. Mas sanay siyang palaging naghuhumiyaw sa karangyaan ang ayos ng binata.

Kumunot ang noo ni Choi at walang pakundangang humagod sa kabuuan niya bago huminto sa mukha niya. "You're still wet."

Sa sinabi ni Choi ay napahawak si Lorie sa blouse niya at napatingin sa sariling katawan. Napasinghap siya at nag-init ang mga pisngi nang makita niyang bakat na bakat ang katawan niya, lalo na ang dibdib niya sa kanyang damit. Naitakip ni Lorie ang mga braso sa dibdib niya at nag-iinit ang mukhang napatingin kay Choi. Ngunit wala namang bakas ni katiting na interes sa mukha ng binata kaya para pang napahiya si Lorie sa ikinilos niya. Siyempre ay walang anuman kay Choi ang hitsura niya sa mga oras na iyon. Malamang normal na kay Choi ang makakita ng katawan ng babae. Pasalamat pa nga si Lorie at hindi tumatawa si Choi sa reaksiyon niya kahit malamang sinasabihan na siya ng binata sa isip nito na assuming siya.

"Wala ka bang dalang extra na damit?" tanong ni Choi.

"Wala. Matutuyo rin naman ito mayamaya. Pagkatapos kong labhan ang mga kubrekama, tuyo na ang damit ko," sagot ni Lorie sa pilit pinakaswal na tinig.

Lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Choi. "That won't do. Lalabas tayo."

Napaawang ang mga labi ni Lorie sa sinabi ng binata. "Ha? Bakit?"

"Shopping. Although it will be just you and her. Ang sabi mo kailangan niya ng diapers, hindi ba? At kaunti lang ang damit niya kaya mas mabuting bumili ng bago. I'll drive the two of you sa pinakamalapit na mall at hihintayin ko na lang kayo roon," paliwanag ni Choi.

Sa sinabi nito ay saka lang namroblema si Lorie sa basang damit niya. "Paano 'yan?" wala sa loob na nausal niya.

Mukhang nag-isip naman si Choi bago dumeretso ng tayo. "Wait here." Iyon lang at nawala uli ang binata sa paningin ni Lorie.

The Prince's Scandal Trilogy: CHOI AND THE BABYSITTERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon